Lucian Vergilius
Inis na sinipa ni Lucian ang bato na nakakalat sa kaniyang dadaanan. Naiinis at nagagalit siya sa sarili dahil sa nagawang pagkakamali na halos ikamatay ni Pika. Hindi niya napigilan ang sarili at kinagat sa leeg ang walang kamuwang-muwang na si Pika. Kung hindi dumating si Ila at pinigilan siya ay baka inubos niya ang lahat ng dugo sa katawan ni Nito. Ang resulta sa huli ay ang bugbog sarado niyang mukha. Ngunit may iba siyang iniisip. Inaalala niya kung paanong may kakaiba sa lasa ng dugo ni Pika. Ang sabi ni Ila ay purong Elementa ito ngunit hindi siya naniniwala. Bakit? Bakit hindi pa lumalabas ang kapangyarihan nito? Isang uri ng nilalang lamang ang alam niya na ganoon. Ang lasa ng dugo nito ay natikman na niya sa ibang nilalang.
"Sinabi mo na may sasabihin ka kaya hindi kita dapat patayin." Naramdaman na niya ang pagdating nito ngunit hinayaan niya kung ano man ang nais nitong gawin sa kaniya.
"Kay Pika, hindi siya purong Elementa." Deretsang sabi niya. Ayaw na niyang magpaligoy-ligoy pa, hindi rin siya naduduwag, tiwala siya sa sariling lakas. Wala lamang siyang gana na makipagpambuno dito.
"Anong ibig mong sabihin?" Nagtataka na tanong nito.
"May lasa ng dugo ng isang uri ng Canine ang dugo niya." Tinitigan niya ang mukha nito na nakakunot bago napalitan iyon ng pagkabigla at pagkagulat.
"Canine? Anong uri ng canine?" Nag-aalala na ito. Sa estado nito ngayon na nagdadalang tao ay hindi sila dapat makampante dahil unang-una, wala silang alam tungkol sa Elementa at kung paano magdalang tao ang mga ito, gayun din ang mismong Elementa, pangalawa, ang isa pang uri ng lahi nito ay hindi nila alam kung paano.
"Fox, isang uri ng fox, Kitsune." Matapos niyang sabihin iyon ay parang wala sa sarili na bumalik ito sa kubo kung nasaan nagpapahinga si Pika. Kung hindi niya ibinigay ang dugo dito ay baka natuluyan na ito. Iyon lamang ang paraan upang mailigtas ang buhay ng kinagat nila. Ngunit ang kapalit niyon ay may koneksyon na siya sa ala-ala nito at magagawa niyang dalawin ito sa panaginip, bagay na hindi niya gagamitin. Hindi pa oras.
Oo at nais niya itong masarili ngunit hindi ngayon. Kapag nakapag silang na ito ay saka niya itutuloy ang kaniyang binabalak. Ang nais niya ay maangkin ito pati si Ila.
Aangkinin niya si Ila at papatayin ito saka niya aangkinin sa kaniyang tabi si Pika. Ilalagay niya ito sa kaniyang tabi kung saan hindi ito makakatakas.
Naputol ang kaniyang pangangarap ng gising nang makarinig siya ng kaluskos. Naalerto siya at hindi gumagalaw sa kaniyang pwesto upang hindi siya matunugan ng kung sino man iyon. Nagtago siya sa likod ng puno upang hindi siya mapansin at matakasan nang nilalang na iyon na lumilikha ng ingay. Pinakiramdaman niya ang hangin, hinanap ang direksyon nito, ang kagubatan, ang ingay ng lahat ng nilalang sa paligid, huni ng ibon, pagaspas ng bawat dahon, isa lamang ang hinihintay niya. Isang pagkakataon na magbibigay sa kaniya ng mabangong nilalang na naaamoy niya. Umiihip ang hangin sa paligd at pumikit siya upang alamin ang direksyon nito. Patungo ito sa nilalang na kaniyang pakay.
Tamang tama.
Dumating ang kaniyang pinakahihintay na pagkakataon. Ang pag-ihip ng malakas na hangin. Naging kaisa niya ang kaniyang paligid upang maitago ang kaniyang presensya. Naging isa sa kagubatan. Tulad ng isang ibon na sumasabay sa hangin bawat pagaspas ng pakpak nito, kumilos siya ayon sa galaw ng tahimik na presensya na iyon. Mabilis. Walang ingay. Umayon sa bawat pagaspas ng dahon. Umatake siya at inihanda ang matutulis na kuko. Malapit na siya. Napakalapit.
Susunggaban na lamang niya ito nang bigla itong nakatalon sa huling segundo. Inangilan niya ito at inilabas ang kaniyang matutulis na pangil. Ang kaniyang mata ay pulang-pula ang gitna at naglabasan ang ugat sa sintido at paligid nito. Nanlaki ang mata nito nang makita ang kaniyang itsura na parang isang mabangis na hayop na gutom na gutom at hindi napakain ng sampung-araw. Mabilis na umikot ito at tumakbo palayo sa kaniya upang matakasan siya.
BINABASA MO ANG
CHROMIA SERIES
FantasyA pooled series of BxB authors with different stories under one banner series. Stories' genre: Fantasy, BxB, Mpreg Stories and Contributing Authors: Chromia Series: The Vengeful Past by @Adamant Chromia Series: Secret of the Dawn @sasuke21uzumaki Ch...