The Child Of Lightning 6

16 1 0
                                    

Pika

Matapos pagtangkaan ni Lucian na kagatin ang isa sa dalawang nilalang na kanilang natagpuan ay muli na silang nasa paglalakbay. Alam ni Pika na hindi naniniwala sa kaniya ang mga ito nang sabihin niya na nagdadalantao ang isa sa kanila. Wala naman siyang ibang magawa kundi ang hayaan na lamang ang mga ito na tuklasin ang totoo. Ilang araw pa ang ipinaglakbay nila bago narating ang teritoryo na pakay ng mga ito. Sa buong paglalakbay ay walang ginawa si Ila kundi ang alagaan ang Elementa. Mga masasamang tingin naman ang itinatapon ni Lucian sa mga ito at ibinubunton ang inis sa alipin nito na si Aedrien.

"Pika, ano man ang mangyari ay hindi kita pababayaan, pananagutan ko iyan at kikilalanin ako na ama niyan. Ano man ang iyong matuklasan." Madamdaming bigkas ni Ila. Nagtataka naman na tinitigan siya ni Pika.

"Alam ko naman na hindi mo ako pababayaan, sinasabi ng kalikasan na may mabuti kang puso." Nakangiti na sagot niya.

"Ano pang... sinasabi ng kalikasan sa'yo tungkol sa'kin?" Halata ang kaba sa mukha ni Ila, bagay na ipinagtaka ni Pika.

"Wala, ang kasalukuyang impormasyon lamang ang binabanggit nila sa akin. Ang mga mabibigat at impormasyon na makakapagpabago sa takbo ng buhay ay hindi ko inaalam."

Isang araw pa silang naglakbay bago nila narating ang teritoryo ng mga Fianna. Mga wasak at sira-sirang kabahayan ang kanilang natagpuan. Mga mantsa ng dugo at wasak na mga halaman. Hindi nagpahalata si Pika na apektado siya ng kaniyang mga nakikita. Bumabalik sa kaniya ang panahon na winasak at tinapos ng mga Lumos ang kanilang tribo. Sinunog at walang natira maliban sa kaniya.

Inakbayan siya ni Ila nang mapansin nito ang pananahimik niya.

"Paano na iyan Pika? Saan tayo kukuha ng impormasyon tungkol sa mga kitsune?" Tanong ni Ila. Huminga ng malalim si Pika at saka nakangiti na sumagot.

"Sa isang nilalang na magtuturo kung saan namamalagi ang lahat ng nakaligtas na Fianna." Halata ang pagkagulat sa mukha ng dalawang nilalang. Tingin niya ay iniisip nito na walang nakaligtas sa mga kasama nito.

Kung sana ay may nakaligtas din sa kaniyang mga kalahi.

"Paano ka nakasisigurado na may nakaligtas?" Nagtatakang tanong ni Laxius, isa sa mga Fianna. Ilang sandali pa ay ramdam na nito ang presensya na kaniyang naramdaman pagdating pa lamang nila doon. Ibinulong sa kaniya ng hangin na ang nilalang ay ang kanilang hinahanap. Nilapitan ni Laxius ang nilalang at nag-usap ang dalawa bago nagkasundo ang mga ito at inaya sila na sumama sa lugar kung saan nagtatago ang mga nakaligtas na Fianna.

Dinala sila nito sa isang tagong kweba. Papasok pa lamang sila ay amoy na ni Pika ang sari-saring sakit na dumapo sa mga Fianna, mga sugatan at mga nag-aagaw buhay. Ang buong lugar ay umaalingasaw sa halo-halong amoy ng sakit, kamatayan, hinagpis at kalungkutan. Halos hindi siya makahinga dahil sa lagay ng lahat ng nilalang na nasa loob ng kweba. Ikinagulat nila nang isigaw ng natagpuan nila na si Laxius ay ang anak ng Pinuno ng mga Fianna. Ngunit kahit gayon ay halatang nawalan na sila ng pag-asa sa kanilang lahi. Nawalan ng pag-asa na mabuhay pa.

Dinala sila ng mga ito sa isang lagusan kung nasaan ang tumatayong pinuno ng lahat. Ilang saglit pa ay kaharap na nila ang nilalang. Ipinaliwanag nito ang nangyayari at ang kawalan ng pag-asa ng lahat para sa muling pagkabuhay ng kanilang lahi dahil sa epidemya. Epidemya na magagawa niyang lunasan gamit ang kapangyarihan ng kalikasan. Hindi man niya nagagawang pagalingin ang mga ito gamit ang kaniyang kapangyarihan ay magagamot naman niya ang mga ito gamit ang mga halaman.

"Makatutulong ako sa isa ninyong problema." Prisinta niya. Nais niyang tumulong. Hindi niya hahayaan na may isa muling lahi ang maglalaho at mauubos kung may magagawa naman siya upang pigilan na mangyari iyon.

"Paano ka makatutulong sa amin?" May pag-aalinlangan na tanong ni Laxius.

"Kaya kong pagalingin ang may mga sugat at kontaminado ng epidemya, ngunit may isa lamang akong kahilingan." Sabay na napatayo ang dalawa at kita ang pagkabuhay ng pag-asa sa mukha ng mga ito. Pag-asa para sa kanilang lahi na nauubos na.

"Kahit na anong hilingin mo ay gagawin namin basta sa ikabubuti ng aming mga kalahi." Sagot ng Heneral na tumatayong pinuno.

"Gusto lang namin malaman kung saan matatagpuan ang mga kitsune." Sagot ni Pika.

Nagkatinginan ang dalawa at halata ang pagtataka sa kanilang mukha. Mukang mabibigo sila na malaman ang tungkol sa mga kitsune.

"Wala akong alam sa mga kitsune ngunit may kilala akong makakatulong sa atin." Nabuhayan ng loob si Pika pagkarinig sa sagot nito. Sinamahan sila nito patungo sa ibang parte ng kweba at tumungo sila sa isang parte kung nasaan ang isang matandang Fianna. Nakaupo ito at nagbabasa kahit hindi ganoon kaliwanag, senyales na matalas ang paningin nito kahit nasa dilim. Hindi rin nahirapan si Pika sa paglalakad sa dilim at kung tama ang sinabi ni Lucian? Nakuha niya ang talento ng talas ng paningin, pandama at pang amoy sa kaniyang dugong kitsune.
Agad na lumapit si Pika at tinanong ito na walang babala o pasabi.

"Maari ko bang malaman kung may nalalaman ka tungkol sa mga Kitsune?" Gulat na napatingin sa kaniya ang matanda. Kumurap ito ng ilang ulit bago nakabawi at bumuntong hininga bago sumagot.

"Ang pagkakaalam ko, ang mga kitsune ay mahihiwagang nilalang na malimit mo lamang makikita sa ating isla pero sa pag-kakaalam ko, may isang lugar dito sa isla na sagrado at doon nakatira ang mga kitsune." Sagot ng matanda.

"Saang lugar iyon?"

"Walang kasiguraduhan ang alam ko, pero ayon sa aking pagsusuri ay nasa kanlurang bahagi sila ng isla. Hindi mo agad makikita ang daan papunta sa kanila dahil nga ang mga kitsune ay sagrado. Tanging mga kitsune lamang ang nakakikita nito o ang mga nalahian nila noong malaya pa silang namumuhay sa isla. Sagot ng matanda. Napangiti si Pika dahil sa sinabi ng matanda. Nagpasalamat siya sa impormasyong nakuha niya at tinupad ang kaniyang pangako. Lumabas si Pika ng kweba at nagsimulang mag-ipon ng mga halamang makagagamot sa mga may sakit. Sa tulong ng mga halaman, hangin at kalikasan ay nasasabi sa kaniya kung anong halamang gamot ang dapat na gamitin. Habang abala sa sa pagpitas ng mga halaman ay hindi niya napapansin ang isang mahiwagang nilalang na nakamasid sa kaniya. Gumagalaw ang puting tenga sa ibabaw ng ulo nito. Ang puting-puting damit ay nagsasayaw sa hangin kasabay ng siyam na buntot sa likod nito. Ang mata nitong kulay ginto ay humahagod sa kabuuan ng walang muwang na nilalang sa gitna ng mga halaman.

Malayong malayo sa kweba ang mga halaman na iyon at isang araw na paglalakbay ang pagitan. Ngumiti ang nilalang bago ito biglang naglaho sa hangin.

'Hihintayin kita sa mahiwagang kagubatan, tatlong linggo ng paglalakbay mula ngayon.'

Napatayo si Pika at nilinga ang buong paligid. May bumulong sa kaniya, bulong na dala ng hangin, impormasyon na pinahatid ng isang hindi kilalang nilalang.

Pagbalik niya sa isla ay binanggit niya kay Ila ang tungkol sa bulong ng hangin. Sigurado naman ito na Kisune nga ang may dala ng bulong na iyon.

Matapos ang isang linggo na pananatili at matagumpay na paggamot sa mga Fianna ay nagpaalam na sila upang simulan ang paglalakbay. Sinubukan silang bigyan ng mga ito ng renkin para sa kanilang paglalakbay ngunit kanila iyong tinanggihan. Tinanggap na lamang nila ang mga pagkain na ipinadala ng mga ito upang hindi sila magutom sa daan.

"Saan tayo papunta ngayon? Bilisan mo nga sa paglalakad dyan Alipin!" Tanong ni Lucian. Nagmamadali naman na tumakbo ang tahimik parin na ai Aedrien.

"Sa mahiwagang kagubatan sa kanluran, tatlong linggo ng paglalakbay mula ngayon." Sagot ni Pika.

"Hindi ka makapapasok doon Lucian, galit ang mga kitsune sa mga bampira." Wika ni Ila. Sumimangot naman si Lucian dahil alam nito iyon.

Nakangiti naman na patuloy na lamang sa paglalakad si Pika. Masaya siya.

Makikita niya ang isa pang lahi na kaniyang pinanggalingan.

Ngunit ang bulong ng hangin ang nagpawala ng saya sa kaniyang puso.

Malalaman mo ang masakit na katotohanan pagdating mo sa iyong pinagmulan... mamimili ka ng iyong patutunguhan.

♡♥♡

CHROMIA SERIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon