Kabanata IV - Tabing Ilog

13K 456 279
                                    

Kabanata Apat — Tabing Ilog

Alas Singko y media nang magising si Emelita mula sa pagkakahimbing. Hindi sana siya magigising kung hindi niya naramdaman ang matalim na bagay na tumutusok sa kanyang tagiliran. Naamlimpungatan siya nang makita niya si Matyang na parang nagulantang at parang nakakita ng multo nang makita siyang nagising.

"Matyang.." saad niya habang kinukusot ang mata. "May problema ba?"

Mukhang nagulat si Matyang. Tumikhim siya at parang nagbalik siya sa ulirat.

"Ahh..ehh.. gigisingin sana kita upang makapaghanda ka na sa inyong pagkikita," sagot niya.

Lumundag mula sa higaan si Emelita papuntang aparador.

"Matyang! Tulungan mo ko! Kailangang magmukha akong marikit sa aming pagkikita!"

Pinaupo ni Matyang si Emelita sa harap ng isang malaking salamin na nakapamahay sa isang kahoy na narra at ito'y  pinaliligiran ng mga nakaukit na bulaklak sa gilid.

"Kahit 'di ka mag-ayos senyorita, maganda ka," nakangiting sabi ni Matyang. "Mahaba at maalon-alon ang makintab mong buhok. Maganda ang hugis ng iyong katawan na nagtatago sa ilalim ng saya.  Mahaba ang pilikmata mo at kamukhang-kamukha mo ang iyong yumaong ina. Nakakainggit ang iyong manipis at mapulang labi kahit 'di mo kulayan. Nasa sa'yo na ang lahat senyorita, kaya wag kang mag-alala. Natitiyak kong mahuhumaling siya sa iyo."

Kumislap ang kanyang mata. "Siya nga Matyang?'

"Opo, senyorita, kaya maraming umiibig sa iyo eh," anang katulong.

"Matyang...kahit ilan man ang umibig sa akin, sa lalaking iyon lang ako nakatingin."

"Napakaswerte mo sa lalaking iyon at masuwerte din siya sa iyo."

"Salamat Matyang, nawa'y sa iyong buhay pag-ibig, ikaw din ay pagpalain."

Dumilim ang mukha ng katiwala.

"Mukhang iibig na sa iba ang irog ko, senyorita. "

Nahaluan ng pagtataka ang mukha ng senyorita.

"Ngunit...hindi ba'y sa bibig mo nagmula na ikakasal na kayo dahil ipinagkasundo na kayo ng magulang ninyo? Ang wari ko'y mahal niyo naman ang isa't isa?" pagtataka ng dalaga.

"May mga bagay na kailangang isakripisyo  at mas mahalaga sa pag-ibig sa isang isang tao. Ito'y ang pag-ibig sa bayan."

"Matyang, kung pag-uusapan natin ang rebolusyon, ay huwag na lang. Matyang, kami ang kalaban ng lahi mo. Hindi ko nais pag-usapan ang labanan sa pagitan nating mga mestizo at mga indiyo," tumayo ang dalaga at humarap sa bintana. "Hindi ko rin naman masisisi ang paghihirap na nararanasan ninyo. Maging ako, nasasaktan, sa tuwing nananakit si ama ng mga inosenteng indiyo sa daan, sa bukid, at kahit saanmang lugar na maabutan siya ng kanyang pag-aalburoto. Malupit si Ama. At ayokong madamay ka sa kalupitan niya dahil kaibigan kita. Kaya hangga't maari, ayokong magsalita ng tungkol sa rebolusyon. At kahit kaibigan kita, hindi ko din sasabihin sayo ang mga plano ni ama sa bayan. Nabubuhay ako sa gitna ng indiyo at mga principalia. Gusto kong pumagitna upang makaiwas sa gulo."

"Ngunit, Senyorita, gusto mo naman sigurong matigil ang kalupitan ng iyong ama hindi ba? Tulungan mo kami!"

Tumalim ang tingin ni Emelita kay Matyang.

"Ama ko parin siya, Matyang. Nais ko na ring matigil ang pagmamalupit niya, kasama ng kanyang amigo at mga prayle, ngunit anong magagawa ko? Isa lamang akong anak niyang babae," sagot ng dalaga nang may pangungutya.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon