Kabanata XV- Ang Pagtitipon: Ikalawang Bahagi

8.2K 416 172
                                    

Ikalabing-limang Kabanata — Ang Pagtitipon: Ikalawang Bahagi

Mahinhing pumanhik sa tarangkahan ng bakuran nina Ka Timo ang dalagang si Emelita. Bihis na bihis ito na animo'y isang prinsesa. Bakas na bakas ang pagiging anak-mayaman sa paggayak nito.

Suot nito ang kulay kremang  camisa at saya na may burdang bulaklakin, at tinernohan ng kulay rosas na alampay(panuelo) na nakapalipot sa balikat nito at tapis na nangingintab dahil yari ito sa seda.  Kanluraning-kanluranin ang gayak nito dahil nakulayan pa ang kanyang mukha ng pula.

"Mag-ingat sa paghakbang," paalala ni Manang Juana sa dalagang inaalalayan niya.

"Opo, Manang!" mahinang pang-iismid ng dalaga na siyang ikinakunot niya ng kanyang noo. Itinago niya ang kanyang pagsimangot sa ilalim ng kanyang malaking abaniko.

Laking gulat niya nang tumambad sa kanyang daraanan si Karyo at agad na inilahad ni Karyo ang kanyang palad. Mayumi niyang idinantay ang kamay niya sa nakaabang na palad ni Karyo. 

Pagkapasok nila sa bulwagan ng dausan, hindi maipinta ni Emelita ang mga mukha ng mga nakatingin sa kanya. Halos walang paglagyan ang kaligayan niya nang maaninag niya ang pagkamangha ng mga naroon.

"Buenos tardes, senyorita," salubong sa kanya ni Ka Timong na agad agad namang naging hudyat ng paglapit ng mga namangha sa kanyang kagandahan. Nagmukha siyang panauhing pandangal sa gabing iyon.

Halos magkadarapa ang mga kalalakihan sa pagyaya sa kanya sa pagsasasayaw sa saliw ng musika. Magkahalong inggit at pagkamangha naman ang nararamdaman ng mga kadalagaang naroon. Sa tiyak na alindog ni Emelita, hindi mo aakalaing ama niya ang isa sa mga pinakawalang pusong tao sa bayan ng San Mateo.

Tila lumaki naman ang ulo nito sa kagandahang ipinamalas niya noong gabing iyon lalo pa't panay ang ismid sa kanya ng mga dalagang naroroon.

"Mainggit kayo sakin," saad niya sa sarili at bahagyang nagpamalas ng ngiting tagumpay. Ngunit sa kabila ng kanyang katanyagan sa gabing iyon, nais niyang mapansin din ng isang tao ang kanyang angking kagandahan.

Pagkatapos siyang maisayaw ng apat na kalalakihang pinili niya dahil maganda ang porma ng mga ito, dali-dali niyang nilakad ang daan papuntang  azotea kung saan niya huling namataan si Karyo. Kung hindi lamang siya babae, kanina pa niya niyaya sumayaw si Karyo. Ngunit dahil kailangan niyang maging mabini, naghihintay siya ng pagkakataon na sana ay hilingin din ng binatang maisayaw siya.

"Senyorita, susmaryosep! Saan ka ba pupunta?" tanong ni Manang Juana sa kanya habang nilalantakan ang isang kanluraning pagkain sa hapagkainan.

"Magpapahangin lang po," saad niya.

"Marami pang gustong makipagsayaw sa iyo, dalian mong magpahinga," utos naman ng matandang katiwala.

Napakaliwanag sa azotea. Tila bumbilya ang buwan na dumudungaw na ulap mula sa kalangitan. Isang pamilyar na pigura ang nakita niyang nakatayo mula doon, kagaya ng pigura na naaninag niya noong nagtagpo sila sa tabing-ilog. Lalapitan sana niya ngunit natigilan siya nang may nakita itong may kasama. Si Raya.

"Bakit ka naman umalis sa bulwagan? Kita mo ngang nandoon si Emelita eh," sabi ni Raya.

"Tila hindi naman niya ako papansinin doon. Isa lamang akong hamak na katiwala at isang estudyanteng pinapaaral  ni Ka Timong para ibigay niya ang kamay sa akin upang isayaw. At isa pa, hindi ko nais ang sumayaw," sabi ng binata habang nakatingin pa rin  sa kalangitan.

"Sus! Pakipot ka pa. Ligawan mo kaya!" panunudyong  saad ni Raya sa seryosong si Karyo.

"Hindi mo alam ang sinasabi mo," seryosong tugon ni Karyo.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon