Kabanata XXIV : Lulan ng Kalesa

7.3K 325 73
                                    

Kabanata XXIV : Lulan ng Kalesa

Mula sa kalayuan, naririnig ng mga mamamayan ng San Mateo ang tila batalyon ng kabayong dumarating sa kanilang bayan. Umaalingawngaw ang yabag ng mga paa na likha ng matitigas na sapatos ng mga kabayo. Halatang ang mga kabayong ito ay hindi mga ordinaryong kabayo lamang sapagkat napakatikas ng pagtakbo ng mga ito.

Ilang minuto pa ang nagdaan, tila dinalaw ng ipo-ipo ang maalikabok na pangunahing daanan sa sentro. Mahigit sa dalawampung kabayo ang mabibilang na kumakaripas sa takbo kung saan nakasakay  ang mga matitipunong lalaki na may matitingkad na asul na pang-itaas at maitim na pang-ibabang uniporme. Mas matitibay ang mga bota ng mga ito kaysa sa mga guwardiya sibil sa kwartel ng San Mateo. Sa dulo ng tila paradang pagdating ng mga karagdagang guwardiya sibil sa bayan, hila-hila ng limang kabayo ang karitong natatakpan ng tarapal. Tila mga importanteng bagay sa pakikidigma ang mga ito dahil masusing pinabantayan ito ng mga gwardiya.

Sa pinakalikod naman, nakasakay sa isang kalesa ang isang nasa singkwenta-anyos na  prayle na nakasuot ng kulay tsokolateng trahe. Puti ang kulay ng kanyang napapanot na buhok. Malaki ang pangangatwan ng prayleng ito. Katabi niya rito ang pinakapamilyar na pigura sa buong San Mateo, ang isa sa pinakamayamang tao, si Don Ignacio. Humihithit ang Don ng tabako at  dahan-dahang ibinuga ang usok saka siya ngumisi sa prayle.

Itinuturo ng Don sa prayle ang mga kabahayan sa sentro.  At sa bawat pagdaan nila ay lumalabas ang mga tao sa kani-kanilang bahay upang tignan kung sino ang bagong dating. At sa tuwing makikita ang kalesa ni Padre Quintino at ni Don Ignacio, yuyuko ang mga taong ito.

"Padre, iyan ang bahay ni Senyor Castillo, talagang napakaganda ng arkitektura ng kanyang bahay. Yari sa punong yakal na galing Mexico ang mga kahoy na ginamit," saad niya.

"Nakikita ko ngang sopistikado ang pagkakaukit ng disenyo ng kanilang dalagan. Siguradong maraming reales ang nagastos dito," pagsang-ayon ng prayle. "Maraming reales din siguro ang indolhensiyang binibigay niya sa parokya ng San Mateo?"

"Pihong sigurado iyan, padre. Noong nakaraang taon, ang pamilya ni Senyor Castillo ang nagbigay ng donasyon para sa pagpapalabas ng zarzuela sa sentro. Galing pang Tondo ang mga nagsipagdula," pagkukwento ng Don. "Anong teatro na nga ba iyon?" tila nag-isip ang Don mula sa pagkakalimot. " Ah,Porvenir! Teatro Porvenir!"

"Kay Senyor Bonifacio?" gulat na tanong ng prayle. Kumunot ang kanyang noo.

"Siya nga padre!"

"Tila napakalayo naman ng narating ng grupo ni Senyor Bonifacio," lalong kumunot ang noo ng prayle.

"Napakagaling nga naman kasi ng kanilang pagtatanghal," dugtong pa niya.

Tumango lang prayle ngunit tila malalim ang kanyang iniisip. Itinuon nito ang paningin sa mga kabahayan.

 "Iyon namang bahay sa kaliwa, iyon ang bahay ng isa ding ilustrado. Si Senyor Mejia. Naalala mo ba iyong Maria Elena sa Tondo noong panahon ni Gobernador Heneral Izquierdo? Iyong napakaganda? Siya ang napangasawa niya. Sino nga bang hindi magpapakasal sa taong nagbigay ng dote sa pamilya ng dalaga ng ilang ektarya ng lupa sa Montalban. Ilang kabayo din ang iniregalo sa mga magulang ng dalaga. Hindi na makatanggi ang pamilya ng dalagang iyon," pagmamayabang ni Don Ignacio. "Napakatuso talaga ni Senyor Mejia!"

Tumawa naman ang prayle habang umiiling. "Don Ignacio, Don Ignacio!  Tila hindi ka din isang tuso, Don Ignacio! Sa tingin mo ba'y hindi ko malalamang gumamit ka din ng isang babaeng indiyo upang —"

"Padre, ang nagdaan ay nagdaan at hindi na kailangan pang ungkatin," babala ng Don.

Tumawa ulit ang padre. Ngayo'y alam na niya kung papaano hawakan sa leeg ang isa sa pinakamayamang tao sa San Mateo.


"Kanino pala itong bahay na ito?" tanong ni Padre Quintino. Pinatigil ng prayle ang kalesa sa tapat ng bahay na itinuro niya.

Nakuha ng kanyang atensiyon ang isang binatang hindi man lang yumuko sa pagdaan ng kanilang kalesa at patuloy sa pagpuputol ng halaman sa kanilang bakuran. Nang tumingin ang prayle sa bintana, lalong naagaw ng kanyang atensiyon ang isang dalagang nagsusulat mismo sa may bintana. Tila wala itong pakialam sa kanyang pagdating.

"Iyan ang bahay ng pinakamatalik kong kaibigan," may sarkastikong tono ang Don sa salitang 'pinakamatalik'.

"Kaninong bahay iyan?!" may pagtaas ng tono ang pari. Nakakuyom na ang kamao nito. Hindi niya akalaing itong kabahayang ito ang bukod tanging hindi nagbigay ng interes sa kanyang pagdating.

"Kay Senyor Timoteo Pambilo," sagot ni Don Ignacio.

Tumango ang pari. Ngunit lalong nag-init ang kanyang ulo nang titigan siya ng binata ngunit bumalik din ito sa ginagawa niya nang hindi man lang nagbigay ng galang sa kanya.

"Sino ang binatang iyon?" patungkol ng pari sa binatang nakatitigan niya.

"Alaga iyan ni Timoteo, siya si Macario. Magaspang ang pag-uugali hindi ba? Ganyan lahat ng mga taong alaga ng Timoteo na iyan. Sumasalungat ang mga iyan sa lahat ng batas dito sa San Mateo. Paano'y lumalaki ang ulo sapagkat nasa puder nila ang isa sa mayayamang tao sa San Mateo," paliwanag ni Don Ignacio.

"At ang magandang dalagang iyon?" itinuro ng pari ang kanina'y nagsusulat na dalaga.

"Isang bagong salta sa bayan. Hindi ko nga mawari kung bakit kupkop nang kupkop ng mga busabos itong si Timoteo. Palibhasa'y ugaling busabos din ang taon iyon," saad ulit ni Don Ignacio.

"Saang bayan ba nagmula ang dalagang iyan?" tanong ulit ng pari.

"Iyan ang hindi ko sigurado, padre. Sapagkat dumating iyan nang papaalis ako dito papuntang kabisera. Matapang ang babaeng iyan. Iyon lamang ang nalalaman ko. Ngunit akala ng babaeng iyan ay mapapaniwala niya ako sa mga kwento niya sa akin, makapasok lang sa aking kabahayan. Matapang nga siya ngunit kulang naman sa pag-iisip," sagot ni Don Ignacio.

Tumango ulit ang pari. "Sige. Vamos. Huwag mo nang banggitin kung kaninong bahay ang kanino. Nawalan ako ng ganang makinig. Ako na lang ang bahalang kumilala sa mga tao dito sa aking magiging bagong parokya. Ngunit ipangako mo sa akin ang isang bagay," sabi ng padre habang tumatakbo ang kalesa nila papunta sa bahay ng gobernadorcillo.

"Basta ba alam mo kung gaano ako katuso, padre," tumaas ang mukha ng Don Ignacio.

"Wala ka bang tiwala sa akin, Ignacio? Lalakas na ang kapangyarihan ko ngayon sa San Mateo,"  sagot naman ni Padre Quintino at ngumisi.

Tumawa ulit ang Don. "Ano ba ang gusto mo, padre?"

Tumalas ng tingin ang prayle at sumagot, "Ang babaeng iyon."

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon