Ikalabintatlong Kabanata — Sa Atisan
Kasama nila ngayon sa kalesa si Karyo. Nasa gitna si Emelita kaya di maitatago ang pagkahiya nito sa binatang katabi nito. Si Raya naman ay nakatingin lang sa mga nagdaraan at nagmamasid sa bawat kilos ng mga tao. Natahimik silang tatlo kaya ang takbo lang ng kabayo ang kanilang naririnig.
"Oo nga pala!" biglang nasabi ni Emelita.
Sa wakas, may nagsalita din!
"Ano iyon Emelita?" tanong ni Raya. Tila siya nabuhayan ng loob dahil hindi niya talaga kaya ang katahimikan sa pagitan nilang tatlo.
"Ang atis! Magagalit si Manang Juana kapag wala tayong naiuwing atis," may pag-aalalang saad ni Emelita.
"Karyo," sambit ni Raya at tumingin sa kinauupuan ng binata, tila nangugusap na payagan sila sa kung anuman ang kanilang gagawin. "Maaari ba?"
Tila naintindihan naman ni Karyo ang ibig sabihin ng dalaga.
"Pangako, mag-iingat kami ni Emelita. Chill ka lang diyan..este.. diyan ka lang, mabilis lang 'to," sabi ni Raya habang bumababa siya sa kalesa.
Walang naisagot si Karyo dahil bigla na lang bumaba si Raya at agad na iniabot ni Raya ang kanang kamay upang alalayan si Emelita na pababa din ng kalesa.
"Tigil," biglang sabi ni Karyo.
Bumaba din siya at tila siya na ang kumuha ng kamay ni Emelita upang alalayan ang dalaga sa pagbaba nito. Noong una, nag-aalangan pa itong ilahad ang palad niya sa palad ng binata dahil iniiwasan nitong mamula.
Ngunit wala siyang magawa kundi ang magpaalalay sa binata.
Napansin naman ito ni Raya at lihim siyang napangiti.
Hindi kalayuan ang bukid ng mga Delos Santos sa sentro ng bayan ng San Mateo. Napakalawak nito at halos tinatayang lagpas sampung ektarya ang lawak nito. Wala namang halos mapaglagyan ang paghanga ni Raya sa lawak nito, katulad ng napakalawak na pagbuka ng kanyang bibig.
Natatamnan ng iba't ibang klase ng tanim ang kabukiran. Sa kaliwang bahagi nito ay halos puro palay. Sa gitna nito ay mais. Sa pinakadulo ay tiyak niyang tabako iyon. Sa kanang bahagi naman ay halos mga punong namumunga gaya ng chico, mangga at mga atis. Naroon din ang mga trabahador na nag-aani ng mga prutas at tanim doon.
Binagtas nila ang mga pilapil patungo sa kanang bahagi nito kung saan nakatanim ang napakaraming puno ng atis.
Tumatalon-talon pang parang bata si Raya pagkatapak sa bukid. Naaalala niya kasi ang probinsya ng kanyang kaibigang si Cheska sa Ilocos. Ganitong-ganito din ang itsura nito. At napakasaya niya tuwing dumadalaw ito sa probinsya ng kanyang matalik na kaibigan. Halos hindi naman makalakad si Emelita kaya kailangan pa niyang magpaalalay kay Karyo.
"Raya, mag-ingat ka sa paglalakad," paalala ni Karyo sa dalaga.
"Ano ka ba naman Karyo, kayo ko na ang sarili ko. Asikasuhin mo na lamang 'yang katabi," saad niya at tinapik pa ang balikat nito saka tumakbo papalayo kina Karyo at Emelita dahil sa tuwang nakikita nito sa kapaligiran.
"Tila hindi babae," mahinang bulong ni Karyo. Nakita pa niyang halos matapilok si Raya. Nagitla siya noong una. Ngunit napalagay naman ang loob niya nang lumingon ito sa kanya ay itinaas ang dalawang hinlalaki nito at ngumiti sa kanya.
Napahawak si Karyo sa kanyang dibdib.
"Ayos ka lang ba, Karyo?" pag-aalalang sabi ni Emelita na nasa tabi niya.
"A-ayos lang ako. Dapat ako ang nagtatanong sa iyo niyan. Halina't dalian natin, binibini. Hindi kayo maaring maabutan ng dapithapon kundi mapapagalitan kayo ng inyong tagapag-alaga," pormal na tono ng binata.
BINABASA MO ANG
Está Escrito (It is Written)
Fiksi SejarahIsang Historical fiction sa loob ng isang historical fiction. Mabubuhay ka pa kaya sa kasalukuyan kung di ka pa nakakatakas sa nakaraan? (Completed) (Taong Inilimbag: Disyembre 2013 - Mayo 2017) ....