Kabanata X - Pag-iisip

9K 396 68
                                    

Ikasampung kabanata —  Pag-iisip

Araw ng Lunes, napansin ni Raya na walang katao-tao sa bahay ni Ka Timong. Alas singko pa lamang ng madaling araw ay hindi na niya makita sa kabahayan ang kanyang mga kasama. Tanging naririnig lang niya ay ang mga kalansing ng kobyertos sa kusina na sinisimulan nang linisin ni Tandang Eling. Agad siyang bumaba sa kusina upang tumulong sa mga gawaing bahay.

"Lola Eling, tulungan ko na po kayo," pag-aalok niya.

"Naku hija, nag-abala ka pa, mukhang masama pa ang pakiramdam mo," tugon naman ng matanda.

"Lola naman. Mas sasama po ang pakiramdam ko kung maghapon po ako sa loob ng kwarto. At isa pa po, wala namang masakit sa akin. Tulong ko na rin po ito bilang bagong katiwala dito sa bahay ni Ka Timong. Wag niyo po akong ituring na bisita," pangiting sagot ng dalaga.

Binalot ng katahimikan ang dalaga at matanda. Napansin ni Raya na seryoso si Tandang Eling sa ginagawa. Dahil likas na madaldal si Raya, napagpasiyahan niyang magsimulang magsalita.

"Ah, Lola Eling. Lola na lang po ang tawag ko sa inyo ha?  Sa amin po kasi ganoon eh. Ang pangit po kasi pag Tandang Eling. Masyadong mabantot!" sabi ni Raya.

Ngumiti ang matanda.

"Nakakatuwa talaga ang paraan mo ng pagsasalita," maiksing sabi ni Lola Eling.

Natigilan sa pagsasalita si Raya. Naisip niyang kailangan pala niyang magsalita nang kagaya ng paraan ng pagsasalita ng mga tao sa panahong iyon. Pakiramdam niya tuloy, alien siya kaya mapapasabak siya sa duguan ng utak sa wikang matatas na Filipino.

"Paumanhin po, lola. Masyado na po bang mapangahas ang pagsasalita ko? Patawad po," sabi pa nito.

"Ano ka ba, hija. Tila diyan ka nasanay sa pagsasalitang iyan. Wala naman akong magagawa diyan. Nakikita ko namang magalang kang bata at hindi mo naman iwinawaglit ang iyong respeto sa nakakatanda kaya malaya mong gamitin ang paraan ng pagsasalita mo," paliwanang ni Lola.

"Nice! Yan ang gusto ko sayo lola eh! Nakakaintindi ka ng lenguwaheng pambagets! Apir tayo diyan!" maligalig na sabi ni Raya na may pangiti-ngiti pa habang itinaas niya ang kanang kamay niya para makipagdaupang palad.

Huli na nang mapansin niyang hindi alam ng matanda kung anong gagawin niya sa kamay na itinaas ni Raya.

"Lola, sa amin po, ang pagtaas ng kamay at makipagtapikan ng palad ay pahiwatig na nagkakaintindihan kayo ng kasama mo at pareho kayo ng nararamdamang katuwaan sa sandaling iyon," paliwanang ni Raya.

"Pagtatapikan lang po natin ang ating palad para makalikha ng tunog," dugtong pa nito sa matanda saka niya kinuha ang kaliwang kamay ng matanda.

Sumunod naman ang matanda kay Raya at itinapik ang palad sa palad ng dalaga.

"Ulitin natin lola ha. Pag sinabi kong 'apir!' gagawin natin ulit yun. Yung malakas para mas matunog!" yakag ni Raya sa matanda.

"Lola, apir!"

Kapwa sila nag-apir pareho at mas malakas ang nilikha nilang tunog kesa noong una.

Tumawa naman ang matanda at tinapik ang balikat ni Raya.

"Ikaw talaga hija, kung anu-ano ang naiisipan mong gawin," saka ito ngumiti.

Natigil ang pag-uusap ng dalawa nang bumaba sa hagdan  si Karyo mula sa kanyang silid.

Napansin ni Raya na mas lalong naging makisig si Karyo sa suot nitong kamisa de chino na mukhang nilagyan pa ng almirol dahil sa mabughaw-bughaw nitong kulay.  Mas maayos  ang bagong ligong Karyo. May dala-dala itong mga libro at maliit na sisisidlan na gawa sa ratan. Hindi man nakapomada ang kanyang buhok pero mas maayos ang mga hibla nito. Kitang-kita ang pagsunod ng mga hibla nito tuwing kikilos si Karyo.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon