Kabanata XXXIX - Imahe

5.8K 284 24
                                    

Kabanata XXXIX – Imahe





Halos hindi makatulog si Raya nang gabing iyon.  Bukod sa gusto niyang i-samurai lahat ng gamit ni Macky na makita niya sa kwartong kanyang tinutulugan, binabagabag din siya ng kung anong hindi niya maipaliwanag. Nakilang balikwas na siya, ngunit hindi pa rin siya dinadalaw ng antok.





"Peste, nakabuo na ako ng isang choreography 'pag pinagsama-sama ko lahat ng posisyon ko dito sa kamang ito," saad niya.



Bumangon siya sa kama. Tumingin siya sa katabing mesa. Itinaob niya ang picture ni Macky doon. Tinitigan niya ang mga kisame. Lumipat ang paningin niya sa dingding hanggang sa binusisi ng kanyang mga mata ang dalawang larawang nakasabit dito. Kagaya ng ilang paintings sa apartment, naglalaman ito ng imahe ng isang babaeng nakatalikod, o minsa'y nakatakip ang mukha.





Tinitigan niya ang isang larawan ng babaeng nakalugay at maalon-alon ang buhok. Masasalamin nito ang malaporsenlana nitong balat. Nakatalikod ito ngunit kitang-kita ang magandang hugis ng katawan nito. Nakahawak ito ng tila parisukat at kulay kayumangging bagay. Maaaring isang kuwaderno. Naalala niya si Emelita.





Bigla siyang napatingin sa isa pang larawan. Ang babae ay nakatagilid ngunit natatakpan ang mukha niya ng buhok na hinawi ng tila hanging nanggaling sa likuran niya. Ngunit nakita niyang may nakasabit na kwintas sa kanyang leeg. Isang kwintas na pamilyar sa kanya.





Bigla siyang napatakbo sa  sala at tinitigan ang ilan pang mga larawan  sa dingding. Ang isang larawang malapit sa pintuan ay dalagang namimitas ng isang puting bulaklak, ngunit ang mukha nito ay di maaninag sapagkat natatakpan ito ng sangang nakalaylay mula sa isang puno.



Ang isang larawan naman ay may dalagang nakatalikod at nakatingin sa isang malawak na bintana. Tanaw ang pulumpon ng mangga sa labas. Ang kanang kamay ay nakahawak ng tila isang kwaderno. Sa isang larawan nama't isang babaeng natatakpan ulit ng buhok ang mukha, nakahawak sa isang kwintas at nakatingala sa langit. Nasa tabi siya ng ilog at pamilyar na pamilyar din sa kanya ang ilog na iyon.





Sinigurado niya ang kanyang hinala. Ngunit naroon na ang iba pang magpapatunay doon. Halos lahat ng larawan ng babae, kahit nakatakip ang mukha nito, ay iisang babae lamang. At hinding-hindi mawawala ang mga bagay na pamilyar sa kanya.





Biglang sumagi sa isip niya ang buong San Mateo.  Nakapagdulot ng lungkot sa diwa niya ang katotohanang isa lamang sa mga hiwaga ng kanyang buhay ang lahat ng pangyayari sa lugar na iyon. Isa lamang likha ng guniguni ang mga ngiti at kilos ni Karyo, ang mayuming si Emelita, ang maalagang Tandang Eling, ang matipunong Ka Timong, ang maginoong si Kuya  Diego, at ang magagalang na sina Kuya Roque at Sebastian. At kung anumang hiwaga ang nag-uugnay nito sa kanya, hindi niya mabatid kung saang parte siya lulugar. Hindi man niya alam ang dahilan kung bakit nangyayari iyon sa kanya. Nakaramdam siya ng pinaghalong takot at bagabag. Bigla ding nagdilim ang kanyang paningin at nakakita siya ng puting liwanag. Ngunit magbabalik siya sa ulirat at makikita ang kasalukayang lugar na kinatatayuan niya.





Tila sasabog ang kanyang ulo sa paulit-ulit niyang nararamdaman. Malamig ang pawis na tumutulo mula sa kanyang noo. Hindi niya maiatras ni mailakad ang kanyang mga paa. Ipikit man niya ang kanyang mga mata, paulit-ulit siyang nagbabalik sa isang maliwanag na kwarto, at biglang babalik  siya sa kasalukuyang lugar na kinatatauyan niya, hanggang sa magbabalik ulit siya sa maputing lugar, hanggang sa sumasakit ang kanyang ulo sa liwanag na dulot ng nakikita ng kanyang mga mata. Napaupo siya  sa sobrang sakit ng kanyang ulo. At nang pumikit ito, lalo siyang nasindak sa imaheng nabuo sa kanyang isipan.





Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon