Kabanata 48 - Pag-agos
Naging mas malapit sina Inying at Raya. Parang bunsong kapatid na ang turing ng dalaga sa kanya. Ganun din naman si Inying kay Raya. Simula nang dumating si Raya sa kanila, hindi na siya nalulungkot at naglalarong mag-isa. Masaya na rin si Mang Tonying dahil masaya rin si Inying.
"Sana'y isama mo si Inying sa iyo kung ako'y mawawala na," saad ng matanda kay Raya.
"Huwag po kayong magsasalita ng ganyan, Ingkong. Hindi kayo mawawala. At saka napakalakas niyo oh," sagot naman ni Raya.
"Ang buhay ay mahiwaga hija. Hindi natin alam ang maaring mangyari. Kaya habang buhay pa ako, gusto kong makitang masaya ang apo ko. At kung lilisanin ko man ang mundong ito, hindi ko alam kung anong mangyayari sa apo ko kung wala na ako sa kanyang tabi. Kaya habang buhay pa ako, gusto kong ihabilin siya sa mga taong mapagkakatiwalaan ko."
Napangiti ang dalaga dahil masarap sa pakiramdam na kahit sa ilang araw lang niyang pamamalagi sa kanila ay napalapit na ng husto ang loob niya sa mga ito.
"Ngunit sana po lumaki si Inying na kasama pa rin niya kayo. Kayo po kasi ang mas nakakaalam kung ano ang mas makabubuti kay Inying," tugon ng dalaga.
"Kaya nga kung may masamang mangyari, nais ko sanang kahit saan ka magpunta, isama mo itong si Inying. Parang kapatid na ang turing niya sa iyo," saad ulit ng matanda.
Nagpatuloy siya sa pakikipag-usap ang dalaga.
"Nabanggit mong isa ka sa mga katiwala ng ginoong nagngangalang Ka Timong hindi ba?" tanong ng matanda.
Tumango si Raya.
"Ang balita ko'y nahatulan siya dahil sa pagtataksil sa bayan."
"Hindi po naging taksil si Ka Timong," sumbat ni Raya.
"Ah, alam ko iyan. Nakakatawa nga lamang at tayong mga katutubo sa bayang ito ang pinaparatangang taksil ng mga dayuhan,"ani nito.
Umayon naman si Raya dito.
"Kung gayon, kilala mo rin marahil ang isa sa makapangyarihang tao ng San Mateo, si Don Ignacio?" tanong ulit nito.
"Opo."
"Ikaw ba ang naging nobya ng nobyo ng anak niya?" tanong ulit nito.
Tumango lang ito.
"Naririnig ko mula sa mga mercador na dumadaan sa isang daan na malapit dito na nagwawala ang pinag-uusapan nilang ginoong nagngangalang Don Ignacio. Isang lalaki raw ang sumira sa buhay ng kanyang anak at may patong na ang ulo ng lalaking iyon.
Bumilis ang tibok ng puso ni Raya.
"May balita po ba kayo sa lalaking iyon?" tanong ni Raya.
"Hindi ko alam. Ngunit narinig kong halos walang mangangalakal ang nagtatangkang dumaan sa San Mateo pagkat inilarawan nila ang bayan bilang isang impyerno, na dadaan sa kamay ng pinakamabagsik na Don Ignacio," sagot ng matanda
Hindi makapagsalita si Raya.
"Maaring nanganganib ka na rin ngayon hija," dagdag pa nito.
"Patawad po, Ingko. Bukas na bukas din ay aalis ako upang hindi kayo madamay sa gulong pinasok ko,"ani Raya.
"Huwag kang mag-alala. Titiyakin kong ligtas ka," paniniguro ng matanda.
BINABASA MO ANG
Está Escrito (It is Written)
Historical FictionIsang Historical fiction sa loob ng isang historical fiction. Mabubuhay ka pa kaya sa kasalukuyan kung di ka pa nakakatakas sa nakaraan? (Completed) (Taong Inilimbag: Disyembre 2013 - Mayo 2017) ....