Kabanata XXVII — Sa Ilalim ng Mangga
Misteriong hindi mahal
Mistulang pantas na dila
Dios ngang palibhasa
Puno na may panukala
Ng lahat niyang ginawa.
Umaalingaw ang monotong awit ng mga kababaihang matatanda at nasa kalagitnaan ng kanilang pagkanta ng pasyon sa bahay nina Ka Timong. Dito napagkasunduan ng mga hermana na gawin ang pabasa. Ang mga bata ay inuutusang manahimik sa kabila ng pag-awit ng mga matatanda. Damang-dama ni Raya ang pagkakaawit ng mga nagbabasa ng pasyon. May mga maluha-luha pa, at may mga tumatangis. Lalong kinilabutan si Raya sa mga ganitong kakaibang pagbanggit sa mga kataga mula sa awit. Kaya naman nagpaalam siya kay Tandang Eling upang magpahangin muna sa labas.
Walang katao-tao sa kalsada ng San Mateo. Kahit ang gitnang bayan na tagpuan ng komersyo at iba't ibang tao ay tila naging sementeryo sa dalang ng taong dumadaan. Ang mga guwardiya sibil na rumoronda lamang ang nakikitang naglalakad sa gitna ng kalsada. Tanging sa simbahan lang makakakita ng mga tao.
Naglakad-lakad si Raya sa kalsada. Maigi niyang sinuri ang bawat kabahayan. Sinuyod din ng kanyang paningin ang itsura ng bayan ng San Mateo. At habang tininignan ng kanyang mga mata ang hugis at anyo ng San Mateo, nararamdaman niyang tila napakalapit ng bayang ito sa kanya. Hindi na siya nagtaka kung bakit madali siyang nakaangkop sa bayang ito kahit na estranghero siya dito. At kahit hindi siya taga-dito, madali rin siyang tinaggap ng mga taga-dito. Lalong-lalo na't isa sa "ilusyon" ang pagkakaroon ng pagkakahawig nila ng anak ng isa sa pinakamayaman sa bayan.
"O di kaya, hindi lamang isang 'ilusyon' ang pagkakahawig namin?" bulong ni Raya sa sarili.
Kahit hindi siya sigurado, alam niyang nalalabi na lang ang araw niya roon. Unti-unti na siyang nagkakaideya tungol sa dahilan ng kanyang pagpunta roon. Marahil, ang hiwaga ng pagpunta niya sa San Mateo ay hindi lamang upang tulungan siyang magkaroon ng banghay sa kanyang kwento o di kaya'y makapagpahinga sa nakakapagod niyang mundo, kundi dahil may kailangan siyang malaman sa sarili din niyang nakaraan. At iyo'y bahagi ng kanyang nakaraan, na tila nakasulat na sa papel ng tadhana at kailangan niyang lutasin.
Nakarating siya sa palayan ni Ka Timong. Umupo siya sa ilalim ng pinakamalagong puno ng mangga. Mas mainam sa kanyang magnilaynilay nang mag-isa sa lugar kung saan siya panatag. Mas nakakagawa siya ng kapaki-pakinabang na bagay kapag wala siyang kasama, at mas naiintindihan niya ang sarili kapag malayo siya sa iba.
Nakagisnan na niyang maging mapag-isa sapagkat silang dalawa lamang ng kaniyang ina noon. Kahit nang lumaki siya at nagkaisip, hindi niya kailangan ang ibang tao upang mabuhay. Kaya naman hindi na rin siya nag-abalang hanapin ang tatay niya noong nawala ang kanyang ina. Ni hindi rin niya nakilala ang kanyang mga lolo at lola sapagkat ayon sa kwento ng kanyang ina, maaga din itong naulila.
Tinakpan ng kanyang saya ang kanyang sakong habang nakaupo. Inilabas niya ang kanyang kwaderno at nagsimula siyang magsulat. Lahat ng detalye ng San Mateo, ang mga tao dito, ang ugali ni Karyo at Emelita, ang kani-kanilang damdamin, ay kanyang isinulat. Ngunit mayroon siyang nais baguhin sa kanyang kwento. Sa puntong ito, siya ang manunulat na ayaw niyang magkatuluyan ang kanyang mga tauhan.
Nakailang beses na siyang gumamit ng burador. Nakailang ekis na rin siya sa bawat talatang sinusulat niya. Hindi niya mahanap ang tamang salita para sa kanyang ginagawa. Ni Hindi nakatulong ang katahimikang bumabalot sa paligid niya. Dahil mismong ang tibok ng puso niya ang nagbibigay ng ingay sa kanyang paligid. Sa tuwing isusulat niya ang pangalan ni Karyo, lalong lumalakas ang tibok ng puso niya. Pangalan pa lang ni Karyo, parang nakakaramdam siya ng lamig at init sa kanyang pisngi pababa sa kanyang puso. Sumasakit ang tiyan niya at naginginig ang kalamnan niya. Ayaw sana niyang tanggapin ngunit isa lang ang alam niyang dahilan nito — umiibig na siya kay Karyo! Umiibig siya sa kanyang tauhan, umiibig siya sa isang tao mula sa nakaraan.
BINABASA MO ANG
Está Escrito (It is Written)
Historical FictionIsang Historical fiction sa loob ng isang historical fiction. Mabubuhay ka pa kaya sa kasalukuyan kung di ka pa nakakatakas sa nakaraan? (Completed) (Taong Inilimbag: Disyembre 2013 - Mayo 2017) ....