Kabanata XXII - Buko

8.4K 371 84
                                    

Kabanata XXII - BUKO

 

Kinabukasan, nakahanda na ang lahat ng kagamitan ng mga mamamasyal sa Ilog ng Wawa. Napagkasunduan ng grupo na magkita-kita sa plaza.  Madalas magpunta ang grupo ng mga estudyante sa ilog kapag bakasyon at matindi ang sikat ng araw. Lulan ng kani-kaniyang mga kalesa,  nagtungo sila sa ilog kung saan sila magkakaroon ng kaunting kasiyahan.

Sabay-sabay nilang binagtas ang masukal na daanan papuntang Ilog. Naalala naman ni Emelita ang lugar na ito bilang unang lugar na nagkausap sila ng Karyo kaya't hindi mawala ang ngiti nito habang pinagmamasdan ang kasukalan ng daan. Samantala, sariwa din sa alaala ni Karyo ang nangyari sa lugar na iyon, kung saan binawian ng buhay ang kanyang kasintahan nang dahil sa pamilya ng taong lulan ngayon ng kalesang kinukutsero niya. Para naman kay Raya, sabik na sabik na rin siyang makita muli ang lugar kung saan niya natagpuan ang sarili niyang may kakayahan palang magbalik sa nakaraan. Ngunit wala sa isip niya ang magbalik sa kasalukuyan.  Tila pakiramdam niya, hindi pa tapos ang misyon niya sa panahong kinalalagyan niya ngayon. Ngunit minsan sumasagi din sa isip niya kung ano ang dahilan kung bakit siya napadpad sa loob ng kwentong kanyang ginagawa. Ngunit kapag nakikita niya ang San Mateo, pakiramdam niya, taga dito talaga siya.

"Lola Eling, salamat po sa pagsama sa akin dito," saad ni Raya sa matanda.

Batid niyang marami pang gawain ang matanda ngunit nagpresenta itong maging tsaperon sa kanilang lakad sapagkat alam ng matanda na walang magbabantay sa dalaga kahit pa alam pa niyang maingat naman si Raya sa sarili. Iyon na kasi ang tradisyon nila. At bilang nakatatanda naman, gusto rin niyang makitang muli ang ilog sapagkat wala na siyang oras para dalawin ang napakagandang scenario sa kanilang lugar. Ito na rin marahil ang araw ng pahinga niya mula sa kanyang pagtatrabaho sa kabahayan ni Ka Timong.

Tila isang parada ng mga kabayo ang pagkakasunod-sunod ng mga kalesa. At ilang sandali pa'y nasa lugar na sila. Nagsibabaan ang mga ito. Inalalayan naman ng mga nagmamadaling kalalakihan ang mga kadalagahan at ang mga kasama nitong mga  abuela at anciana sa pababa.   Kagaya ng dati, nagkamayan ang mga magkakaklaseng sina Sebastian, Roberto, Segundo, Matias at Karyo. Yumuko naman ang mga binata sa mga dalagang sina Emelita, Raya at ang kapatid ni Sebastian na si Christina at kasama ng mga dalagang ito ang kanilang mga tsaperon.

"Pagpalain kayo nawa,"  sambit ni Manang Juana at hinaplos pa ang ulo ni Roberto na siyang nagdala ng bayong na naglalaman ng mga pagkain nila sa tanghaling iyon.

"Hala sige't ayusin na natin ang ating mga gamit upang makakain na tayo. Kailangan bago mag dapit-hapon ay maiuwi na ang mga dalagang ito," saad naman ni Lola Eling sa mga dalaga't binata.

"Christina, huwag kang didikit sa mga binatang iyan," babala ni Manang Josefa, na nasa edad singwenta. Siya ang anciana at tsaperon  ni Christina, nakababatang kapatid ni Sebastian.

 Mas bata si Christina nang isang taon kina Raya at Emelita. Ngunit ang pagkilos nito ay mas mahinhin at kakikitaan ng pagiging sopistikada. Lagi niyang hawak ang napakalaking abaniko at hindi niya tinatanggal ang sumbrero sa kanyang ulo. Kasing sopistikada nito ang suot nitong saya na gawa pa sa mamahaling seda.

Tumawa lang ang mga kadalagahan sa ilalim ng kanilang pamaypay. Si Raya nama'y nakisabay din sa pagpapaka-filipina kahit gustong-gusto nitong magtatatalon sa batuhan.

"Christina, ito nga pala si Raya," pagpapakilala ni Emelita sa dalawa. "Raya, siya naman si Christina, kapatid ni Sebastian, iyong lalaking medyo chinito at matangkad." Tinuro niya ang lalaking nabanggit na nakasuot ng berdeng camisa. Nakilala ni Emelita sina Sebastian at Christina sa isang pagtitipon, pagkaraan ng pagkikita nila ni Sebastian sa Escuela de San Mateo.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon