Kabanata XXX: Urong-Sulong

6.9K 358 121
                                    

Kabanata XXX: Urong-Sulong

Kumalat ang balitang hindi raw tulisan ang nagnanakaw at nanloob sa kabahayan ng mga pamilya ng principalia, kundi isang grupo ng mga nag-aalsa. Lalong pina-igting ng gobernadorcillo ang kaniyang pamamalakad. Nagpatupad siya ng ordinansang hindi na maaring lumabas ang mga tao pagsapit ng ikawalo ng gabi. Ipinadakip din niya ang mga kalalakihang pinaghihinalaan, lalong-lalo na ang mga lalaking may mga malalaking sugat. Ayon sa mga guwardiya sibil ay nadaplisan daw nila ang mga tulisang lumusob sa kanila.  Pati ang mga kalalakihang kahit nagkukumpulan lang ay dinadakip nila.

Ang ibang mga pinaghihinalaan, kasama ng kanilang mga pamilya ay pinalayas ng kinauukulan sa pamamagitan ng pagsunog ng kani-kanilang bahay. Ayon pa sa kura, may sa-demonyo daw ang mga taong may ganitong pag-uugali kaya nararapat lang na sunugin ang mga bahay ng mga ito.

Kaya naman, napagdesisyunan nina Ka Timong na hindi na muna lumabas ng bahay habang pinapahilom pa ang mga sugat nila. Samantalang si Karyo ay nakakalabas na ng bahay sapagkat daplis lang ang inabot niya at madaling naghilom ang sugat nito. Pansamantala rin lang tumigil ang pagkilos ng samahan. Ngunit kaunti pa lamang ang nakukulimbat nilang mga armas na itinago nila sa kweba ng Pamitinan.

Isang umaga, nag-utos si Ka Timong na hukayin na ang mga bukaweng ibinaon nila sa gilid ng bundok upang mabasbasan na ng bisa ng anting-anting ni Apo Baguban, isang ermitanyong nakatira sa kabundukan ng Montalban. Mas magiging matibay at nakamamatay da ang bukaweng armas kung ito'y babasbasan ni Apo Baguban.

Ngunit dahil nag-iingat sila ngayon sapagkat pinaghihinalaan din ng mga sundalo ang mga grupo ng kalalakihang nagsasama-sama, napagpasyahan nilang dalhin na lamang si Apo Baguban sa lugar na pinaghukayan at doon basbasan ang mga bukawe.

"Isama mo si Raya," utos ni Ka Timong.

Napalaki ang mata ni Raya sapagkat ayaw niyang makasama si Karyo sa mga panahong nasaktan siya nito sa mga masasakit na salitang narinig .

Nais ni Raya na maghimagsik sa paraang naisip ni Ka Timong. Ngunit bago pa man siya makapagsalita, sumenyas na si Ka Timong upang sila ay humayo. Tila naramdaman naman ni Karyo ang nais sabihin ni Raya kaya siya na lamang ang nagkusa.

"Ka Timong, hindi ba't delikadong ang binibining ito ang sasama sa akin kay Apong Baguban?"

"Karyo, makabubuting si Raya ang iyong kasama," pirming tono ni Ka Timong habang hinahagod ang kanyang rebolber.

"Ngunit, baka kung anong mangyari sa kanya sa daan," tugon ng binata.

 "Karyo, alam ko namang hindi mo pababayaan ang dalagang ito," sumbat naman ni Ka Timo.

Hindi naman makaimik sina Raya at Tandang Eling sa tila bangayang nangyayari sa dalawa.

"Ngunit, Ka Timong, maaaring siya ang makapagpapabagal sa aking paglalakbay,"paliwanag ni Karyo.

Nagpanting ang tainga ni Raya. Sa tanang buhay niya, hindi niya naramdamang pabigat siya. Itinaguyod siya ng nanay niyang mag-isa ngunit sinisikap niyang hindi mahihirapan at magsisisi sa kanya ang kanyang ina. Noong nasa eskwelahan siya, isa siya sa mga pinagkakatiwalaan sa klase. Maging nang nagtrabaho siya, hindi siya naging problema ng boss niya sa anumang bagay. At ngayong siya ay nasa kritikal na panahon ng kasaysayan, ayaw niyang makasagabal sa anumang plano ng samahan. Ngunit ibang klase itong si Karyo sapagkat ipinangangalandakan nitong pabigat si Raya sa kanya, na hindi siya nakatutulong, na isa siyang balakid sa misyong ipinagkaloob ni Ka Timong. Umakyat ang kulo ng dugo niya sa utak. Nais niyang magpigil. Sumosobra na si Karyo.

"Pabigat ba talaga ang tingin mo sa akin kaya ayaw mo akong kasama?" pinipigilan niya ang pagluha niya kaya nabasag ang tinig niya. Ayaw niyang umiyak sa harap nina Ka Timong nang dahil lang sa kapritsuhan ni Karyo. Umiwas ng tingin si Karyo.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon