Kabanata XXI - KAMAY

6.8K 372 41
                                    

Kabanata XXI - KAMAY

"Hijo, bakit hindi mo na isabay ang kaibigan mong si Raya sa pag-uwi?" saad ni Manang Juana kay Karyo habang kinakalas nito ang kabayo sa mula sa pagkakakakabit nito sa kalesa.

Napakunot naman si Raya nang mabanggit ng matanda ang pangalan niya dahil tuwang-tuwa pa siya sa pagkain ng manggang sinungkit kanina ni Mang Placido. Sa tono kasi ng matanda'y mukhang pinapauwi na siya nito.

"Naku, mukhang gusto pa po niyang magpaiwan dahil kumakain pa po siya," sagot naman ni Karyo sa matandang nagdidilig ng mga halaman sa azotea.

"Raya, hindi ba tapos ka na riyan?" baling ng matanda sa dalaga.

"Manang, hindi pa po kami tapos ni Raya kumain," sabat naman ni Emelita.

"Aba'y hapon na. Tahan na muna iyan upang hindi sumakit ang inyong mga tiyan. Bawal ang maasim sa hapon," dipensa ng matanda. "At isa pa, kailangan ninyong mag-ayos para sa inyong pupuntahan bukas."

Niyaya kasi ng mga binatang kaklase ni Karyo sa escuela sina Raya at Emelita sa isang pamamangka sa Ilog Wawa. Ang unang plano ay sa Lawa ng Bai, ngunit pinagbawalan sila ng mga nakakatandang magpunta roon. Sa Wawa na lamang daw dahil mas malapit ito. At dahil galing din naman sa prominenteng pamilya ang mga binatang nagyaya, pinaunlakan naman ng mga dalaga ang imbitasyong iyon.

"Sige, Emelita, mukhang-" bumulong siya sa tenga ni Emelita. "..pinapalayas na ako ng hermana." Sabay kamot sa ulo nito na tila ginagaya ang kakaibang pagkamot sa ulo ni Manang Juana.

Humagikgik naman si Emelita sa ilalim ng kanyang pamayay at sumenyas na sundin na lang ang matanda sa nais.

"Bukas ulit. Siguradong magiging masaya ang araw natin sa pamamangka sa ilog! Di na ako makapag-hintay na magbukang-liwayway!" diretsong pagsasalita ni  Raya sa matatas na tagalog.

"Ako din kaibigan. Di na rin akong makapaghintay na makasama si Karyo sa bukas. Naghihintay ako ng mangyayari. At sana'y hindi na siya puro pahiwatig," saad pa ni Emelita na parang niyuyugyog ang panga niya sa panginginig sa kilig.

Napangiti lang si Raya at umiling. Ngunit naisip niya, na napakapalad ni Karyo dahil may nagmamahal sa kanya na singtatag ng pagmamahal ni Emelita.

Ang haba ng hair mo Karyo, bulong nito sa sarili. Ngunit sa kabila niyon, alam niya, sa kaibuturan ng kanyang puso na hindi mahirap mahalin si Karyo. Dahil bukod sa angking tindig nito, masipag at maalalalahanin din ito. Matapang siyang tao. Iyon nga lang, hindi niya mabasa ang mga kilos nito sa mga nagdaang linggo.

"Sige po Manang Juana, Emelita, mauna na po kami ni Karyo!" paalam ni Raya habang tinatahak nito ang tarangkahan papalabas ng bakuran ng mga Delos Santos.

"Uy, Karyo, magpaalam ka naman sa kanila," bulong nito sa binata.

Nagpatuloy lang sa paglalakad ang binata na hila-hila nito ang kabayo habang naglalakad.

"Nagpaalam na ako kay Manang Juana, kanina pa," seryosong sagot nito.

"Eh kay Emelita?" kinindatan niya si Karyo.

Ibinaling ni Karyo  ang ulo nito sa kabayong katabi niya saka niya ito hinaplos upang hindi siya mabagabag sa mata ni Raya.

"Ano ba 'yang nangyayari sa mata mo?" tila batang tanong ni Karyo dahil nababahala siya sa pagkindat-kindat ni Raya.

"Huh? Anong meron sa mata ko? Eh ikaw, anong nangyayari sa pisngi mo? Bakit namumula?" tukso ni Raya sa binata.

"W-wala. M-mayroon ba?" maang-maangang tanong ni Karyo saka niya hinaplos ang pisngi niya.

"Sus, meron eh! Kita ko oh!" tinuro pa nito ang pisngi ng binata.

Tumigil si Karyo sa paglalakad saka niya inilahad ang palad nito kay Raya.

"W-wala akong pera," biglang sabi ni Raya dahil di niya mawari kung bakit inilahad ni Karyo sa kanya ang kamay niya.

Tumawa naman si Karyo at lalo pa niyang inilahad ang braso niya upang ilapit kay Raya.

"Bakit ka tumatawa ginoo?" naiirita siya sa asal ni Karyo. Ngunit may parte sa loob niyang gusto niyang tumatawa lang ito. At mas masarap isiping tumatawa ang binatang ito nang dahil sa kanya.

"Wala, Binibini," sumeryoso ang mukha ni Karyo.

Ang mukhang  iyon.

Para kay Raya, sa tuwing ipinapakita ni Karyo ang seryoso nitong mukha, para siyang binubuhusan ng malamig na tubig dahil di siya makagalaw sa kinatatayuan niya. Mayroon sa sistema niyang gusto niyang manginig mula sa lamig ng sandaling iyon.

Inilahad ulit ni Karyo ang palad nito sa kanya.

"Hinihingi ko ang kamay mo," gumuhit ang ngiti sa labi ni Karyo.

Hindi alam ni Raya kung anong ibig sabihin ni Karyo sa pangungusap na iyon. Maaaring dalawa ang kahulugan niyon ngunit mas gusto niyang isiping literal na hinihingi ni Karyo ang kamay niya, kaysa isipin ang mas malalim na kahulugan niyon.

"B-bakit? " kinakabahang tanong ni Raya.

Inalis ni Karyo ang nakalahad nitong kamay saka sumakay sa kabayo.

"Akin na ang kamay mo," utos niya ulit sa dalaga.

Hindi naman malaman kung saan titingin si Raya. Palipa-lipat ang tingin nito sa nakalahad na kamay ng binata at sa mukha nitong nakangiti. Tila siya isang prinsipeng nakasakay sa kabayo na nag-aalok sa kanya ng kasal.

"B-bakit?" tanong ulit nito.

Tila natutuwa naman si Karyo sa kakatwang reaksyong nakikita niya sa mukha ni Raya. Sa wari niya, naguguluhan ang dalaga sa ginagawa niya dito.

Dapat lang na maguluhan ka. Dahil simula nang dumating ka sa buhay ko, sa naguguluhan na rin ako, saad ni Karyo sa sarili.

"Ang sabi ko, ilahad mo ang kamay mo dahil isasakay kita sa kabayo," saad ni Karyo.

"Ah!" saka tumawa ng malakas si Raya. Naisip kasi niya iyong isang kahuluguhan ng "paghingi ng kamay".

Assumera, bulong nito sa sarili.

Itinaas nang bahagya ni Raya ang saya nito upang mailagay nito nang maayos ang paa sa tapakan. Umiwas din naman ng tingin ni Karyo nang makita ang binti ng dalaga.

"Binibini —"

"Raya!" pagwawasto ulit ng dalaga.

"R-raya. Kung iyong nais ay hindi na natin kailangang sumakay sa kabayo," biglang bumama ang binata dahil naisip niyang hindi magandang ideya ang pasakayin ang isang dalaga sa isang kabayo.

"Bakit naman? Kainis ka! Gusto ko pa namang sumakay sa kabayo!" pagmamaktol ni Raya at biglang inalis ang paa sa tapakan at tuluyan nang hindi nakatuntong sa kabayo.

"Hindi nararapat," dipensa ni Karyo. Hindi pa rin maalis sa isip niya ang kay kinis na binti ng dalaga.

"Anong hindi nararapat? Dahil nanaman ba diyan sa sinasabi mong hindi naaayon sa kilos ng isang dalaga ang sumakay ng kabayo?  Ito ang tandaan mo Karyo. Balang-araw, yang mga sinasabi mong hindi nararapat sa dalaga ay maaring maging nararapat na sa hinaharap. Sawang-sawa na ako sa ganyang patakaran. May nagagawa din kaming nagagawa ng mga lalaki kagaya ng pagsakay sa kabayo. Narinig mo na ba iyong babaeng heneral sa Norte? Kung hindi pa, bahala ka sa buhay mo!" sigaw ni Raya at naglakad nang mas matuling papalayo kay Karyo.

Nakahinga naman nang malalalim si Karyo sapagkat tila masisiraan na siya ng ulo sa tuwing lalapit sa kanya si Raya.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon