Kabanta XVIII - Kalma

7.6K 359 40
                                    

Ikalabingwalong kabanta - Kalma

Nakatingin lang sa kawalan si Raya habang dinadaanan nila ang kahabaan ng kabahayan at panaka-nakang paglitaw ng iilang puno sa durungawan ng bintana ng taxi na sinasakyan niya.

"Miss, ito ba iyong isang resort na nasa border  ng Rizal at Marikina?" tanong sa kanya ng driver.

Lumingon siya na walang ekspresyon sa mukha.

"Basta po sa lugar na ito," matabang niyang sabi pagkatapos niyang iabot ang papel kung saan nakalagay ang lokasyon ng lugar sa drayber.

"Ah, oo, napuntahan ko na ito. Malapit lang ito sa highway," dugtong naman ng drayber.

Tumango lang si Raya. Sa loob-loob niya, wala siyang obligasyong makipag-usap sa drayber ngayon. Hindi katulad ng mga normal niyang araw na kahit sinong tao ay kinakausap niya - matanda man o bata, lalaki man o babae, snob man o FC. Ngunit ang araw na ito ay kakaiba. Para siyang hahatulan ng kamatayan dahil  ni ha, ni ho, parang ayaw niya munang magsalita.

Napakarami niya kasing iniisip. Una, ang libro niya. Paano kaya niya ito tatapusin pagkatapos niyang makita  ang mga punang natanggap niya? Hindi pa man din nailalabas ito sa market ay halos batikos na ang narinig niya sa mga editors. Pangalawa, ang "pagpapalayas" sa kanya ng boss niya.  Ano naman kaya ang naisipan o binabalak ng boss niya para pagbakasyunin siya? Ang akala niya, kailangang magawa ang libro niya sa madaling panahon, bakit parang "freezed" siya ngayon? Pangatlo, ang misteryo ng pagkakapunta niya sa nakaraan, isang nakaraan di niya alam kung totoo nga bang may ganoon o nakaraan lamang sa kanyang kathang-isip. At pang-apat, ang iniwan niya sa nakaraan. Sina Lola Eling, Kuya Diego, Kuya Aurelio at ang iba pang taong nakalapitan niya ng loob sa bayan ng San Mateo.

"Miss, mukhang ito na yata ang lugar," sabi ng drayber.

Dala-dala ang kanyang mga bagahe, matamlay siyang bumaba sa taxi.  Isang malaking arko ang pumukaw sa kanyang tingin at nasisiguro niyang nasa tamang lugar nga siya.

Nilakad niya ang daan papunta sa desk officer.

"Miss,good morning!  Haraya Martinez po, ng A&R Publishing House," saad niya habang nakangiti.

Nakangiti din ang babaeng nasa info desk. Binigyan siya nito ng susi . Pagkatapos, tinahak niya ang daan patungo sa kwarto na paglalagian niya ng ilang araw.

Nasa unang palapag ang kanyang kwarto. Kung siya ang masusunod, mas gusto sana niyang nasa mas mataas na palapag siya upang matanaw ang kabuuan ng resort.

Inilapag niya ang kanyang bagahe sa sahig at napaupo siya sa gilid ng kama. Iginala niya ang kanyang paningin sa loob ng kwarto. May pagka-minimalist ang disenyo ng kwarto. Ang pader nito ay nakulayan ng puti. Kakaiba naman ang porma ng mesa sa gilid ng puting kama. Animo'y isang taong may polio na di pantay ang taba ng mga paa nito. Mayroon ding iisang larawang nakasabit sa uluhan ng kanyang kama. Larawan ito ng isang babaeng nakasuot ng simpleng baro't saya. Kumunot ang noo niya dahil hindi nababagay ang larawang iyon sa disenyo ng kwarto.

Pumasok sa isip niya ang isang linya mula sa aklat na nabasa niya mula sa "The Past Life" ni Jose Inigo Guevarra.

"Hindi maaring pagsamahin ang bago at luma sa iisang panahon at iisang lugar. Lahat ay may tamang kinalalagyan."

Parang ganoon nga ang nangyari sa 'di pagtutugma ng larawang luma at ng makabagong disenyo ng kwartong iyon. Hindi niya alam kung bakit pumasok ang mga salitang iyon sa kanyang utak. Hindi kaya'y sinusumpong nanaman siya ng masyado niyang pag-iisip?

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon