Kabanata XII - Isang Hapon

7.9K 373 44
                                    

Ikalabindalawang Kabanata —  Isang Hapon

Naging madali para kay Raya ang maging "kasama" ni Emelita kahit 'di maiiwasang mairita ito sa kakaibang kilos ng senyorita.  Marami ring natutunan si Raya sa mga kilos ng mga maharlikang principalia. Sa kanya niya natutunan nag pagsulat ng talaarawan. Nang ipabasa ni Emelita ang isang parte ng kanyang talaarawan, napansin niyang kakaiba ang paraan ng pagsulat ng dalaga. Kahit halos pagsamba kay Karyo ang laman ng talaarawan, naroon ang puso niya, bagay na ikinadala ng damdamin ni Raya. Epektibo sa kanya ang nabasa niya at lalo niyang naintindihan ang damdamin ni Emelita.

"Magaling siyang sumulat," aniya sa isip niya.

Halos magkapalit na sila ng mukha sa lagi nilang pagtatabi at pagsasama. Ang iba'y napagkakamalan pa silang magkapatid. Mayroon pang minsang pinagkamalan si Raya na  anak sa labas ni Don Ignacio. Tunay nga, dahil aayusan lang ng gaya ng paggayak ni Emelita si Raya ay halos mapabilang na sa alta-sociedad ang itsura ni Raya. Hindi rin mawawala sa usapan nila si Karyo.

"Napakamaginoo niya, ngunit minsan suplado siya," saad ni Raya habang minsang naggagantsilyo sila. Napapakunot din siya minsan dahil hindi niya maintindihan ang daloy ng paggantsilyo niya.

"Napansin ko nga, ngunit hindi naman siguro siya mahirap kausapin, ano?" tugon naman ni Emelita.

Napapahanga tuloy si Raya sa kabaliwan ni Emelita. Halos mapurga na si Raya sa kakabanggit ni Emelita sa pangalan ni Karyo.  Ikinwento din ni Raya kung papano sila nagkakilala ni Karyo at inabisuhan niyang magkaibigan lang sila ni Karyo at hindi dapat iyon ikasakit ng kalooban ni Emelita. Tumango naman si Emelita.

"At kung magpapakita man siya ng kilos na pang-maginoo, iyon ay dahil kaibigan niya ako," dagdag ni Raya.

"Mabuti nang alam ko, dahil sa oras na malaman kong nagkakagusto na kayo sa isa't isa, ikamamatay ko! " ani Emelita.

"Sus! Wag kang mag-alala, tropa-tropa lang kami! Mas lalaki pa ako sa kanya eh, kaya imposible iyon!" sagot naman ni Raya na siyang ikinapanatag ng loob ng dalaga.

Lihim na napangiti si Raya. Hindi talaga siya mahihirapang paglapitin ang dalawa. Ang problema na lang niya ay kung ano naman ang nararamdaman ni Karyo. Nais na niyang mapaibig ang dalawa sa lalong madaling panahon, para sa kanyang dalawang misyon.

"Maiba nga tayo, kailan ba darating ang iyong Ama?" tanong ni Raya sa dalaga.

"Sa susunod na buwan pa yata," tugon naman ni Emelita.

Sa isip-isip ni Raya, mukhang madali namang kausapin itong si Emelita tungkol sa mga pinagkakabalahan ng ama nito.

"Saan ba siya nagpunta at tila isang buwan siya mawawala?" pagtatanong ni Raya. Ito na rin ang pagkakataon niya upang magkaroon ng nalalaman.

"Sa Intramuros, doon sa kabisera. Hinahanap yata siya ng gobernador-heneral. Kung hindi mo pa nalalaman, isa si ama sa pinagkakatiwalaan ng gobernador. May pagpupulong yata sila ngayon. Pasado alas-tres matatapos. Pagkatapos, sasamahan ni ama ang gobernador sa pamamasyal sa isang lugar na matagal na nilang pinapaunlad para sa darating na paglilipat," tuloy-tuloy na sagot ni Emelita.

"Anong paglilipat?" tanong ni  Raya. Nabatid ni Raya na marami talagang alam si Emelita sa mga kilos ni Don Ignacio.

"Hindi ko pa natatanong kay ama, ngunit nabanggit ni Ama na marami na daw Kastila ang ipapadala dito sa Pilipinas upang maisakatuparan na ang pagiging lalawigan ng Pilipinas sa bansang Espanya," saad ni Emelita. Napansin na rin ni Emelita na nagiging madaldal niya sa mga usaping ganoon kaya't ibinaling niya ang atensiyon ni Raya sa iba. "Raya! Ang oras!" sabay turo ni Emelita sa orasan.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon