Kabanata XLII : Kahon

5.8K 283 90
                                    


Maayos na nakarating si Raya sa Tondo upang makipista. Nagalak siya nang makita niya ang pamilyar na pigura na matagal din niyang di nakikita. Kumaway siya sa lalaking ganoon pa rin ang itsura maliban sa may bendahe ito sa kanang braso. Ngunit nang lumapit siya kay Diego, lumimlim ang muka nito habang may inabot na papel sa dalaga.

Nanginginig ang kamay ni Raya habang binabasa ang liham na galing sa San Mateo. Ayon kay Diego, laman nito ang mga kaganapan sa San Mateo na gusto nilang ipaalam kay Diego, at nang lumao'y ipinabasa ng binata sa kanya.

Umikot ang sikmura niya habang hindi niya mawari kung tutulo ba ang luha niya o pupunasan niya ang butil na pawis sa kanyang noo.

Tumingin siya kay Diego. Tumango lang ito.

"Hindi ako makapaniwala," garalgal ang kanyang boses.

"Marahil ay mayroong isang sulok ng kanyang puso at utak na nagsasaad na lisanin na niya ang masalimuot na mundong ito," sagot ni Diego.

Umupo si Raya sa tabi ng bangkong inuupuan nila sa azotea ng bahay ng isang matandang babaeng pinaglalagian ni Diego. Pakiramdam ni Raya, tutumba ang buo niyang katawan.

"Hindi... hindi ito totoo," pagpapatuloy niya, "..si Emelita... Hindi niya gagawin ang bagay na ito."

"Naiintindihan kita, ngunit sa sitwasyon niya at sa sitwasyong ganito, wala siyang ibang masandalan kundi ang sarili niya. At marahil, wala siyang kapasidad upang maging matatag kagaya ng pagkakaalam ng lahat," saad ni Diego.

Naalala ni Raya ang naging buhay niya simula nang maulila siya. Ni wala siyang kamag-anak na masasandalan sa panahong kailangan niya ng lakas. Natuto siyang mamuhay nang mag-isa, kumain, matulog, humalakhak, umiyak, at gumalaw nang nag-iisa. Minsan, naisipan na rin niyang tapusin ang buhay niya ngunit pakiramdam niya'y may mga bagay pa siyang nais gawin at abutin. Dito sila nagkakaiba ni Emelita.

Ayon pa sa liham, natagpuang palutang-lutang ang katawan ni Emelita sa Ilog Wawa. Halos maputi na lang balat niya nang matagpuan ito ng isang gwardiya sibil habang naghuhugas ng mukha sa Ilog. Agad nitong ipinamalita ang nangyari sa anak ng Don. Ayon pa sa bali-balita, nakangiti ang bangkay nito habang pinaglalamayan. Mabango rin ang halimuyak ng kanyang bangkay na kasing samyo ng bulaklak ng rosal.

"Ang Ilog Wawa," biglang sambit ni Diego, "ay ilog ng maraming kababalaghan. At tiyak kong ang kaluluwa niya'y buhay pa rin hanggang ngayon."

Napatingin si Raya kay Diego.

Isa lang ang ibig sabihin niyon, hindi nagtagumpay si Raya kanyang misyon. Hinayaan niyang umibig si Karyo sa kanya, at hindi kay Emelita, na dati niyang sarili. Lalo siyang nanlamig sa kanyang naisip. Siya na lang ang naiwan sa panahong iyon.

"Kuya Diego, naniniwala ka ba sa paglalakbay mula kasalukuyan papuntang nakaraan?"

"Ang mundo'y mahiwaga, kagaya ng pagdating mo. Ngunit ang buhay ay mapanganib din, kagaya ng ginagawa mo," tugon ni Diego.

Ngumiti si Diego. Pinahid ni Raya ang luhang tumulo sa kanyang pisngi.

"Huwag kang mag-alala. Kung nag-iisa ka man, handa kitang sundan kahit saan. Hindi mo man ako makita sa iyong likuran, sasaklolo ako sa iyo kung kailangan," dugtong pa ni Diego saka niya niyakap si Raya nang mahigpit.

"Alam na kaya ni Karyo ang nangyari?" biglang sambit ni Raya upang makaalis sa pagkakapako sa bisig ni Diego.

"Laging Karyo ang iyong bukambibig. Si Karyo ay may kontribusyon din sa lahat ng nangyayari ngayon," may galit sa kanyang boses, ngunit napakahinay ng pagkakabigkas ng bawat salita ni Diego.

Nais sumang-ayon ni Raya. Ang lahat ay dahil kay Karyo. Pag-ibig mula kay Karyo at pag-ibig para kay Karyo. Ngunit alam niyang hindi makakabuti ang sisishin ang isang taong wala ring alam sa mga nangyayari.

"Ako ang dapat sisihin," bulong ni Raya sa sarili.

=================================================================================






"Ako ang dapat sisihin," saad ni Jiggs habang hawak niya ang kamay ng nakatulalang si Raya.

"I warned you but you didn't listen," saad ni Macky habang nakahalukipkip sa isang gilid.

"Para kasing naku-curious ako sa kanya kuya, kaya gusto ko lang namang makita siya, at makasama kahit sa isang bahagi ng buhay ko," saad ni Jiggs pagkatapos niyang malaman ang lahay mula kay Macky. Lalo na ang kababalaghang bumabalot sa pagkatao nilang tatlo. Napagtagpi-tagpi na rin niya lahat ng ito.

"Kapag sinabi kong lubayan mo siya, lubayan mo siya. Hindi mo alam ang panganib na hatid ni Raya sa buhay mo o sa buhay natin," paliwanag ni Macky.


Napalingon sila sa pintuan nang biglang may kumatok. Nang sinabi nilang pumasok na lamang ito, napagtanto nilang si Aling Berta.

"Mga Sir, naiwan po ni Raya itong kahon sa kanyang apartment," saad ni Aling Berta.

"Salamat po Aling Berta, sa pagbabantay kay Raya sa ilang taon niyang pagtira sa inyong apartment," sabi ni Macky.

"Ay naku po Sir, talaga pong laging masama ang loob ko tuwing pinapagalitan ko ang batang iyan tuwing katapusan kahit alam kong hindi naman niya kailangang magbayad ng renta doon. Siyempre, gusto ko rin namang makatulong sa batang iyan. Iyon nga lang eh ayokong maghinala siyang kayo rin ang nagbabantay sa kanya mula noon. Kaya nga masakit man sa aking loob, pinalayas ko pa rin siya sa apartment para mapilitan siyang tumira sa inyo," sagot naman ni Aling Berta.

"Ginawa lang naman po niyo ang ipinag-utos namin. At isa pa, malapit na rin naman po ang kinatatakutan namin kaya mas mabuting dito na lang siya, kung saan mas mababantayan namin siya," sabi ni Macky.

"Kumusta na po ang kalagayan niya? Inaatake pa rin pa ba siya ng mahaba niyang pagtulog at pagtulala?" tanong ni Aling Berta.

"Mukhang matatagalan po yata siyang magising. Salamat po sa pagbabantay sa kanya tuwing inaatake siya ng ganito sa apartment niya," dugtong ni Macky.

"Maliit na bagay po iyon sir. Ngayon alam ko na kung bakit espesyal ang trabaho niya na di na niya kailangang magtrabaho sa opisina kundi sa bahay na lang, madalas pala siyang atakehin ng ganito," singit ni Aling Berta.

Nagngitian lang sina Jiggs at Macky dahil hindi rin nila ipinapaalam ang lahat-lahat sa matandang may-ari ng apartment.

Nang umalis ang matanda, biglang sumigaw si Raya at nagpupumiglas sa kama. Hinawakan naman ng mahigpit ng dalawang binata ang kanyang mga kamay at paa upang hindi siya mahulog sa kama. Kinuha ni Jiggs ang tranquilizer at itinurok ito sa braso ni Raya.

Ilang saglit pa ay huminto ang pagwawala ni Raya.

"Tapatin mo nga ako Jiggs. Umiibig ka nanaman ba kay Raya?" tanong ni Macky.

"Kuya Macky, alam kong bawal tayong umibig sa kanya pero.."

"Sabi ni Lolo, magiging kagaya ni Raya si Lola, nakatulog, hindi na nagising, at tuluyan nang nilamon ng kamatayan. Natatandaan mo pa ba ang kwento nina Karyo at Emelita? Maaring isa tayo sa mga tauhang naroon. Alam kong naramdaman mo rin ang paulit-ulit na panaginip na iyon."

"Alam na alam ko, at tila bahagi na ng buhay ko ang kwentong iyan," saad ni Jiggs.

"Hindi tayo dapat nagpapatianod sa mga nararamdaman natin."

"Pero hindi ko mapigilan,Kuya."

"Ako nga, pinipigilan kong mapalapit sa kanya, kaya mo rin iyan. Huwag mong gawing walang kwenta lahat ng pinlano ko para hindi na maulit ang lahat ng kahibangang ito nang dahil sa pag-ibig."

"Pero mukhang huli na ang lahat, Kuya. Ilang linggo na siyang ganito. Dati. Umaabot lang ng ilang araw. Mukhang nakulong na yata siya sa nakaraan. Anong gagawin natin? Hindi naman habang panahon na gagawin nating alibi na may sakit siya," saad ni Jiggs.

"Mali ka Jiggs. Gagawan natin ito ng paraan."

90'r/%

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon