Kabanata XXIII - Ka

8.5K 385 157
                                    

Kabanata XXXIII - Ka

Nairaos ng lahat ang araw na iyon. Kahit na nagkaroon naman ng kaunting kasiyahan at biruan, hindi pa rin makalimutan ng lahat ang 'di pagkibo ni Karyo. Minabuti na lamang ng mga kaibigan niya na hayaang humupa ang tensiyon. Samantalang si Raya naman, ay panay ang paghuli niya sa tingin ni Karyo, baka sakaling sabihin sa kanya ni Karyo kung anong pinagdadaanan nito.

Naabutan ni Raya sina Karyo at Ka Timong na nagkakape alas kwatro ng madaling araw. Nasanay na rin kasing magising si Raya ng maaga upang makatulong sa mga gawaing bahay. Siya na rin ang nagtatahip ng bigas at katulong ni Tandang Eling sa paghahanda ng agahan.

"Iyon nga ang sabi ni Tandang Eling," matipunong saad ni Ka Timong kay Karyo na nakayuko ang ulo.

Naikwento na ni Tandang Eling ang nangyari sa ilog. Kung kaya't pinagbawalan munang pumunta si Raya sa bahay ng mga Delos Reyes upang maiwasan muna ang tensiyon sa pagitan ni Karyo at mga pamilya ng principalia na gaya ni Emelita. Gayundin si Karyo. Hindi muna siya magkukutsero para sa Delos Reyes. Ibinalik na rin niya ang kabayo upang maiwasan ang di kanais-nais na laman ng bibig ng lipunan.

Dumiretso si Raya sa kusina nang hindi ipinapahalatang naroon siya.

"Bakit hindi mo hingin ang kamay niya?" malamang tanong ni Ka Timo. Kakikitaan sa mga mata ng matipunong matanda ang turing niya kay Karyo at sa iba pang alaga niya.

Bigla namang nakaramdam ng kirot sa puso si Raya.

"Nais ko po sanang hingiin iyon sa harap ng magulang niya, ngunit wala naman ang kanyang magulang," tugon ni Karyo.

Si Emelita nga.  Hindi  magawa ni Karyo na   magtapat kay Emelita  dahil wala ang kanyang ama, naisip ni Raya.

"Sinubukan ko po Ka Timo, ngunit napanghihinaan ako ng loob. Lalo na at di sigurado ang lahat," tugon ni Karyo.

"Anong nangyari sa pagsubok mo?" tanong ulit ng matanda.

"Hindi ko po maintindihan. Sa tuwing nais kong subukan, tuwing nakikita ko siya, parang nararamdaman kong galing kami sa magkaibang mundo, " saad ni Karyo.

"Ang pag-ibig ay walang pinipiling distansiya -  lugar, panahon o kalooban," payo sa kanya ni Ka Timong.  "Ngunit dapat mong pagtuunan ang mas importante, ang puso mo o ang makakabuti sa iyo at sa mga tao sa paligid mo?"

Matagal na nanatili ang katahimikan sa dalawa. Mabuti na lamang at dumating si  Roque at Diego na noo'y nasa may kamalig upang manguha ng mga sako. Doon naiba ang kanilang usapan. At hindi pa rin nawawala ang usapang paghihimagsik.

"Hindi pa nga yata handa ang ating mga kasamahan sa araw na iyon," saad ni Diego habang itinutupi ang mga sako upang ipasok sa mas malaki pang sako.

Kitang-kita ang kaseryosohan at pag-aalala sa mukha ni Ka Timong.

"Ka Timong! Ka Timong!" sigaw ng isang lalaki sa labas na may kasamang isa pang lalaking hindi katangkaran at planado ang ayos ng buhok na tinatakpan ng sombrerong yaring rattan.

Sabay-sabay  pumanhik  ang mga tao sa bahay ni Ka Timong sa pintuan upang makita kung sino at ano ang sadya ng lalaking tila ilustrado.

Lumapit si Ka Timong sa mga lalaki.

"Hinahanap po kayo ng ginoong ito," sabi ng lalaking tumawag at itinuro ang lalaking nasa bente hanggang bente singko anyos.

"Magandang umaga po, Ka Timong Pambilo. Ako ang kanang-kamay ng Bayani, Dimasilaw," sambit ng mukhang kagalang-galang na binata.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon