Kabanata XXVIII — ¿Donde Esta La Independencia ?
Abril, Biyernes Santo
Mahigit sa sampung pares ng paa ang bumabagtas sa kasukalan ng kabundukan ng Montalban at San Mateo. Kahit ang buwan ay tila hindi naging saksi sa paglalakbay ng mga kalalakihang ito sa paghahanap ng pansamantalang magiging kanlungan ng samahan sa oras na mabunyag ang kanilang lihim. Walang bituin sa langit. Tila walang gumagabay sa kanilang paglalakbay. Tanging ang ilaw lamang nila ay ang iisang mithiing nagniningas sa kanilang mga ulirat, isang mithiing nagbibigay ng liwanag sa kanilang buhay na inalisan ng pangarap.
"Matatayog ang kabundukan sa lugar na ito mga kapatid. Sa kasukalan nito'y tiyak akong mahirap nilang mahagilap ang sinumang magtatago dito," paliwanag ni Ka Timong sa mga kalalakihang nakasunod sa kanya.
Gamit ang maliit na sulo at gulod na tangan-tangan ng mga kalalakihan, mabangis nilang hinawi ang anumang damong humarang sa kanilang daraanan. Sa kani-kanilang isip, ang mga balakid na ito'y ang kanilang mga kalaban na humahadlang sa kanilang mithiin.
Kagaya ng madawag na kagubatan at matarik na kabundukang kanilang tinatahak, ganoon din kahirap ang pagtuklas sa kalayaang hinahanap. Mahigit tatlong daang taong kinitil ng dayuhan ang kanilang kalayaan. Saksi ang araw at buwan sa bawat pawis na tumulo sa kanilang katawan, mairaos lamang ang araw-araw na pasakit na dala ng di makatarungang pagtatrabaho ng libre para sa mga dayuhan. Ang kaning araw-araw nilang kinakain ay hindi sapat upang matugunan ang pagkagutom nila ng kalayaan. Para sa kanila, ang lumaya sa kamay na bakal ay mas higit pa sa pagkaing nakukuha nila sa sakahang inagaw ng mga encomendero.
Ilang pagtatangka ng pag-aaklas na rin ang naisagawa. Ang iba'y imahinasyon, ngunit karamiha'y nagawa na. May ilang pag-aaklas na rin ang panandaliang nagtagumpay. Kulang man ang kanilang mga kagamitan sa marubdob na pakikipaglaban, ngunit isang makapangyarihang sandata ang kanilang tangan-tangan — ang iisang hangaring lumaya.
Hindi man nakiisa ang ibang Pilipino sa mithiing ito, hindi nawalan ng pag-asa ang bawat kasapi nito. Iilang mga pamilyang ilustrado ang nakikilahok, sapagkat ang ibang principalia'y sa dayuhan humilig. Ang iba'y nakidaloy sa makamundong pagnanasa, nakigaya sa pagpapahirap sa kapwa Pilipino at nagpakalunod sa kasalanang tinatamasa.
Umaklas ang kani-kanilang mga paang sinapinan ng alpombra. Matitibay na humakbang ang kanilang mga binting naninigas. Ngunit sa katahimikan ng gabi, tila umaawit sa kanila ang pagaspas ng tubig mula sa ilog ng Wawa.
Napakalayo ng nalakbay ng kanilang mga paa, ngunit mas matibay ang kanilang pananalig, na kahit man matuklasan ang natatagong lihim, ay mananatiling lihim ang taguang ito.
Ilang oras ang nakalipas nang maaninag ng mga kalalakihang ito ang lugar na kakanlong sa kanila sa oras ng panganib. Tumingala ang tila pinuno ng mga kalalakihan doon, tila humahanga sa kanilang magiging pansamatalang kanlungan.
"Ito ang kalayaan," sambit ng pinuno ng mga kalalakihan. Nagniningning ang mata nitong pinagmasdan ang lugar pinagtamnan ng kwebang nasa kanilang harapan. Pati ang mga kasamahan nito'y iginala ang kanilang paningin. Tila lumitaw ang buwan at inilawan ang lugar na kinatatyuan nila.
"Ang kweba ng Pamitinan, Supremo," malugod na yumuko si Ka Timong at inilahad ang kanang kamay nito na nakaturo sa bungad ng kweba.
Tahimik na pumasok sa kweba ang mga kalalakihan. Pinangunahan ni Ka Timong ang grupo dala ng kanyang sulo. Ang bawat tunog ng yapak na maingat nilang iniraraos sa matutulis na bato sa bungad ng kweba ay umaalingaw sa loob nito. Sa pagkakataong iyon, nagmistula silang mga dayuhang nagpalayas ng katutubo nang matamaan ng liwanag ang mga paniking nakasabit sa mga matutulis at mahahabang bato.
BINABASA MO ANG
Está Escrito (It is Written)
Tiểu thuyết Lịch sửIsang Historical fiction sa loob ng isang historical fiction. Mabubuhay ka pa kaya sa kasalukuyan kung di ka pa nakakatakas sa nakaraan? (Completed) (Taong Inilimbag: Disyembre 2013 - Mayo 2017) ....