Ikatlong Kabanata — Emelita
"Senyorita, oras na para sa siesta," sabi ni Matyang sa kanyang kaibigan at among si Senyorita Emelita. Magkalaro na sila simula nang mamasukan siya bilang kasa-kasama ni Emelita. Naging ugali na rin nilang matulog nang magkasama pagkatapos nilang magtanghalian, si Emelita sa katre, at si Matyang sa lapag.
"Ngunit hindi pa ako dinadalaw ng antok! Gusto ko munang magmuni-muni habang dinidinig ko ang mga tilaok ng mga manok ni Ama!" anang dalaga. Alam niyang susundin din siya nito.
"Senyorita, 'di po maaari. Kailangan mo pong magpahinga!" pilit na sabi ni Matyang. Biglang kinabahan ang dalagang katiwala sapagkat kapag nalaman ni Don Ignacio na kulang sa pagtulog si Emelita, siya ang mananagot.
Kumunot ang noo ng dalaga. Ayaw na ayaw niyang pinapatulog siya ng kaniyang kaibigan at katiwala tuwing hapon, lalo na ngayong araw ng Sabado. Ipinadyak niya ang kanyang paa at agad na ibinagsak ang kanyang katawan nang padapa sa higaan. Animo siyang parang bata sa tigas ng ulo.
"Balita ko po'y hindi muna magbabayaran ng buwis ngayon. Nagpalabas po ng kautusan ang Gobernador-Heneral na hindi na mga bigas ang gagawing buwis. Walong reales na po ngayon. Sa madaling sabi, iikot ang Cabeza, at siya na lamang ang mangongolekta ng buwis," sabi pa ng dalagang katiwala.
"Hindi ko nais marinig ang balitang iyan," pagmamaktol ng naman ni Emelita.
Ngumiti naman si Matyang.
"Senyorita, napagdaanan ko na din po ang bagay na iyan. Kay sarap sa pusong maranasang masulyapan ang lalaking nagpapalundag sa puso mo," panunuksong sabi ni Matyang.
Napabalikwas si Emelita. Umupo siya nang maayos.
"Matyang, hindi ko alam ang sinasabi mo!" pagkukunwari niya.
"Hindi nga po ba?" Umupo si Matyang sa gilid ng kama ni Emelita. "Labinglimang po ako noong ako ang umibig sa lalaking ipinagkasundo sa akin bilang pambayad utang. At ikinilos ko na din po ang ikinikilos ninyo ngayon."
"Matyang, ilihim muna natin 'to kay Ama, maliwanag ba?"
"Ngunit walang lihim na hindi mabubunyag, senyorita. O di kaya, kung hindi man iyan malaman ng iyong ama, hindi rin siya makakapayag na makaisang dibdib mo ang mga katulad naming indiyo," ani Matyang.
Hinawakan ni Emelita ang pisngi ni Matyang. Gusto sana niyang tanggalin agad ito dahil naramdaman niya sa balat ni Matyang ang gaspang na dulot ng pagbabanat ng buto.
"Huwag mong isipin iyon at ibaba ang sarili mo at ng mga kauri mo, Matyang. Hindi ko din alam kung hanggang saan tutungo ang pagtingin ko sa lalaking laging nagbubuhat ng apat na sako ng bigas tuwing bayaran ng buwis. Basta ang alam ko, masaya ako tuwing tumitingin siya sa bintana upang ako ay masulyapan niya. Sa tingin mo ba may pagtingin din siya sa akin?" tanong ni Emelita kay Matyang sabay alis sa palad niya sa mamantikang pisngi ng katiwala.
"Nasisiguro ko po iyon, senyorita," sagot naman ng katiwala.
Ngumiti nang malapad si Emelita. Habang pinupunas sa laylayan ng saya niya ang namantikaan niyang palad.
"Matyang, maaari mo bang pagbigyan ang aking kahilingan upang matahimik na ako at humimbing ang tulog ko ngayong tanghali?"
"Ano po iyon, senyorita?"
"Alamin mo ang pangalan ng binatang iyon. Sabihin mo sa kanyang gusto ko siyang makilala sa may tabing-ilog. Hihintayin mo ang kanyang kasagutan," utos nito kay Matyang.
"Sigurado po ba kayo senyorita? Baka mahuli tayo ni Don Ignacio!"
"Hindi niya malalaman kung 'di mo isusumbong. At 'pag hindi mo nagawa ang iniuutos ko sayo, ikakalungkot ko iyon at maaaring di ko kainin ang mga pagkaing ihahain mo. Maaaring akong mamatay. Ano na lang ang gagawin sa iyo ng mahal kong ama 'pag nalaman niyang di mo ako inalagaan ng husto, hindi ba?" inosenteng pagpapanggap ni Emelita upang payagan siya ni Matyang.
BINABASA MO ANG
Está Escrito (It is Written)
Ficción históricaIsang Historical fiction sa loob ng isang historical fiction. Mabubuhay ka pa kaya sa kasalukuyan kung di ka pa nakakatakas sa nakaraan? (Completed) (Taong Inilimbag: Disyembre 2013 - Mayo 2017) ....