Kabanata XI - Sa May Escuela

10.4K 426 136
                                    

Ikalabing-isang Kabanata - Sa May Escuela

Napagpasyahan ni Raya na hindi na siya magpapahatid papunta sa bahay ng mga Delos Santos. Una, gusto niyang mamasyal at maglibot sa buong San Mateo. Nais niyang makabisado ang paikot-ikot doon pati na rin ang mukha ng mga taong taga-roon. Sa ilang araw na pamamalagi niya sa lugar at panahong iyon, hindi mahirap sa kanyang makisalamuha at tila kilala siya agad doon. Sino ba namang hindi makikilala kung ikaw ay isa sa mga kasambahay ng iginagalang na Ka Timong? Sa tingin niya, halos lahat ng mga tao doon ay lihim na kasapi sa katipunan.

Ikalawa, gusto niyang mag-isip. Sa isip niya, bakit pa niya kailangang pumasok sa isang sitwasyon kung kaya naman ng iba pang gawin iyon? Labis siyang namamangha sa mabilis at pinag-iisipang kilos ni Ka Timong. At kung ano ang binabalak ni Ka Timong, hindi rin nya alam. Nais na din niyang magtagumpay ang kilusan upang matapos na ang lahat at maasikaso na niya ang tunay niyang pakay sa panahong iyon - ang maisulat ang isa sa mga pinakadakilang pag-ibig sa panahon ng rebolusyon. Ngunit papaano niya kaya gagawin iyon gayong nakikita niyang mukhang si Matyang pa rin ang laman ng puso ni Karyo? Kitang kita niya kung gaano kapoot si Karyo noong nabanggit niya sa binata ang pangalan ni Matyang. Hindi pa rin niya maisip kung ano ang gagawin. Sa ngayon, gagawa muna siya ng isang tulay sa pagitan nina Emelita at Karyo. Ngunit 'di rin maiwasan ni Raya na malungkot para sa dalaga. Masyadong nag-nag-akala si Emelita na siya ang tinitignan ni Karyo tuwing dadaan ang binata sa kanilang bahay gayong si Matyang naman talaga. At tiyak si Raya na si Matyang din ang dahilan kung bakit nalaman ng katipunan na may pagtingin ang unica hija ni Don Ignacio sa anak ni Ka Sedong kung kaya't ginamit nila ang puso ng dalaga. Naawa din si Raya kay Karyo dahil isa rin siya sa mga dahilan kung bakit napahamak si Matyang. Nararamdaman ngayon ni Raya ang lahat.

Ngunit ano ba nga ba ang magagawa niya? Siya na ang magtatakda ng kapalaran nina Karyo at Emelita. Inalis na niya sa kwento si Matyang, at sa ayaw o sa gusto ni Karyo, para siya kay Emelita. Ngunit nang maisip ni Raya ang daloy ng kwento, nakikinita niyang maraming pagsubok ang dadaanan ng dalawa, dahil ang genre ng kwento niya ay trahedya. Hindi niya maiwasang maawa dahil alam niyang mahihirapan ang mga karakter niya, lalo na si Karyo. Nagsisimula pa lamang mabuo ang kwento na binuo niya para sa dalawa ngunit naghahalo ang takot, lungkot at pangamba niya sa kinalabasan ng pag-iibigan ng dalawa. Kung maari lang niyang baguhin ang daloy ng kwento ay babaguhin niya, ngunit hindi pa niya nasasabi sa boss niya ang pagbabagong gagawin niya. Hindi pa niya alam kung kailan siya makakabalik sa kasalukuyan. At kung kailan man iyon, hindi niya alam at baka huli na ang lahat.

Habang naglalakad siya patungo sa bahay nina Don Ignacio, hindi niya maiwasang kabahan sa tuwing nakakasalubong siya ng guwardiya sibil. Noong nakaraang araw kasi, bigla na lang naninipa at namamalo ng bayoneta ang mga gwardiya sibil sa mga nakakasalubong nila. Nanaig nanaman ang takot sa kanya, na sa tingin niya ay hindi naman siya yung tipong natatakot na lang bigla. Siguro ay nagkaroon siya ng trauma simula nung naroon siya sa tabing-ilog.

Naitanong din niya, na paano kaya si Karyo? Ano kayang klaseng pagpipigil ang ginagawa niya tuwing nakikita niya ang mga guwardiya sibil? Nagagalit kaya siya? Natatakot? Nasusuklam? Ano? At napapansin na din niyang napapadalas ang pag-iisip niya kay Karyo.

Umiling-iling siya upang iwaglit si Karyo sa kanyang isipan. "Natural lang sigurong isipin ko siya dahil tauhan siya sa kwento ko na nabuo na ang katauhan niya sa konsepto ko".

Ngunit 'di rin niya maiwasang mag-isip ng tungkol kay Karyo dahil parang nagbago ang iba sa katangian ng gawa-gawa niyang Karyo sa Karyo na nakakasalamuha niya araw-araw. Gayundin ang Emelitang nabuo sa isipan niya sa Emelitang medyo matapobre, walang paninindigan, mahina at spoiled na dalaga na nakausap niya.

Hindi niya namalayang nasa tapat na siya ng isang napakalaking bahay. Ang bahay ay gawa sa pinagsamang kahoy at bato. Ang baba ng bahay ay gawa sa bato at inukitan ng magagarang imahe. Medyo mas malaki at mas mataas sa bahay ni Ka Timong ang bahay na ito. Ang mga pader ay may mga nakaukit na hugis bulaklak. Gawa sa capiz ang mga bintana ngunit may mga disenyo itong paru-paro sa gilid. Maraming kurba at mga metal na paalon-along disenyo ang bahay. Naisip niya ang mga lumang bahay sa Intramuros at sa Vigan. Siguro kung napipinturahan ang mga iyon at maaring maging maganda ang mga ito na katulad ng bahay na nasaksihan niya ngayon.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon