Kabanata XLV - Jiggs

6K 288 44
                                    

Kabanata 45 - Jiggs

Magkahalong mangha at kirot ang aking naramdaman habang binabasa ko ang kanyang isinulat na kwento. Hindi ko maikakailang magaling siya sa pagsusulat. Ngunit ang hindi ko maipaliwanag ay kung papaanong binubuhay nito ang isang parte ng aking pagkatao.

Halos lahat ay malinaw na malinaw sa aking gunita.

Naalala kong sinabi sa akin dati ni Kuya Macky ang isang bagay, na darating ang panahong hindi ko na siya susundin sa lahat ng kanyang iuutos, na matututo akong sumuway, na matututo akong magtanong, dahil may bahagi sa aking pagkatao na hindi pa rin malinaw hanggang ngayon.

Ipinanganak kami ni Kuya Mark Anthony, (Macky ang tawag namin sa kanya) sa Rizal. Lumaki kami sa pangangalaga ng aming lolo sapagkat tutok sa negosyo ang aming mga magulang. Ang nanay ko, at si Tito Antonio ay kambal. Si Daddy Jose at si Tita Marisa na nanay ni Kuya Macky ay magkapatid naman. Kaya minsan napagkakamalan din kaming kambal ni Kuya Macky dahil magkahawig din kami. Sa kanila ipinamana ni Lolo ang publishing house kung saan si Kuya Macky ang boss at may hawak ng human resource. Sina Tito Antonio naman ang may hawak ng external affairs . Bukod naman sa pulishing house, nakapagpatayo naman sina Mommy Isabel at Daddy Jose ng isang medium sized na resort na bumebenta lang tuwing summer. Kaya naman ipinagkatiwala na kami ng aming mga magulang kay lola sapagkat kami daw ang kanyang ligaya.

Maayos niya kaming pinalaki at inalagaan na parang mga tunay na anak. Masasabi kong sa kanya ko nakuha ang galing sa pagkukwento dahil mahilig din siyang magkwento tungkol sa kanyang kabataan. Naalala kong lagi niyang kinukuwento ay tungkol sa dalawang taong nag-iibigan na kilalang-kilala noong siya ay bata pa. Sa kanya na rin ako nahilig sa mga usaping may kinalaman sa kasaysayan. Naging interesado rin ako sa mga sinaunang bagay kung kaya't nangongolekta rin ako ng mga artifacts na idinadagdag ko sa koleksyion ni lolo.

Ayon kay lolo, mahilig din daw ang aming lola sa mga ganoon. Ngunit hindi na nila nadagdagan ang kanilang koleksyion dahil sa maagang pagpanaw ni lola dahil sa hindi na siya nagising pagkatapos nitong matulog. Dalawampung taon siya noon. Maaga kasi silang ikinasal nina lolo. Arranged marriage daw pero natuto silang mahalin ang isa't isa. Sayang nga dahil hindi na naming naabutan si lola dahil sa edad na 20, binawian ng buhay si lola sa di malamang dahilan.

Sa tanang buhay ko, hindi ko alam kung bakit puno ng hiwaga ang mga pangyayari sa buhay ko. Minsan pakiramdam ko, wala akong magulang. Minsan din nararamdaman kong hindi ko tunay na magulang ang mga magulang na kinalakhan ko. Siguro minsan, dala na rin ito ng pangyayari na madalas hindi ko sila kasama. Gayunpaman, mayroon naman akong Kuya na mas ramdam kong kadugo ko at kamag-anak ko. Pero minsan talaga, may hinahanap akong bagay na sa mga kwento ni lolo ko nahahanap. Kaya siguro mas malapit ako kay lolo.

Puno ng hiwaga.

Sa aking mga panaginip, halos lahat ay tila nangyayari sa totoong buhay. Tila kaluluwa ko ang naglalakbay sa ibang dimension at bumabalik din sa tunay kong katawan kinalaunan. Nagsimula itong mangyari nang nasa ikatlong baitang ako.

Habang kumakain kami ni Kuya Macky na nasa ikaapat na baitang noon, nakarinig kami pareho ng isang malakas na huni ng kampana. Tumayo kami pareho sapagkat akala namin ay Angelus na, na nakaugalian naming lahat na tumayo at magdasal sa oras na ito, lalo na't nasa parehong catholic school kami. Pakiramdam ko, tumigil ang mundo. Tanging kami lang ni Kuya Macky kang gumagalaw. Nakuha pa naming magtinginan dahil sa pangyayaring alam naming pareho na hindi normal. Parang panaginip ang lahat pero parang hindi. At paulit-ulit na nauulit ang pangyayaring iyon sa aking panaginip.

Pero bukod sa amin, may isa pang babaeng tila katulad namin. Tila kagagaling niya lang sa isang iyak. Nakahawak siya sa braso ng tila nanay niya. Nakatayo sila malapit sa isang halaman. Nakakunot ang noo, lumaki ang kanyang mga mata ngunit sarado ang kanyang bibig. Nakatingin siya sa nanay niyang hindi kumikilos. Pagkatapos, tumingin siya sa amin ni Kuya Macky. Naluluha na rin siya. Kapareho din naming siyang tila nagtataka dahil sa narinig na malakas na huni ng kampana at pagtigil ng pagkilos. Pagkatapos ng ilang segundo, naging normal na ang lahat. Doon na bumuhos ang luha ng batang babae.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon