Kabanata L : Sa Dulong Bahagi

8.7K 320 83
                                    

"Paano mo nalaman ang aming kinaroroonan?" pagtataka ni Raya.

"Naisip kong magtago rito sa yungib at natagpuan ko si Apong Baguban. Marami kaming napag-usapan. Nabanggit din niyang ika'y nasa Tondo. Ngunit nang puntahan kita'y puno na ng guardia civil sa bahay na tinuluyan ninyo. Pagkatapos niyon, hindi ko alam kung bakit lagi kong gustong makakita ng ilog kaya halos lahat ng dalampasigan ng Ilog ay pinupuntahan ko hanggang sa isang hapo'y may nakita akong kakaibang matandang lalaki na nagmamadali. Saka ko napagtantong baka kilala ka niya," pagpapatuloy ni Karyo.

"At pagkatapos niyon ay di ko inaasahang makita si Kuya Diego," dagdag ni Karyo.

"Nais niyang ilayo ako sa iyo at dalhin ako sa Norte. Kung saan posibleng hindi na kita makita. At isa pa, gusto kong malaman kung ano ang kalagayan ng San Mateo, at ng kalagayan mo. Kaya ako palihim na umalis. Ngunit akala ko'y magiging katapusan ko na ang pagtakas na iyon," ani Raya.

Napatingin si Karyo sa kanyang sugat sa braso.

"Wag mo sabihing.." ani Raya.

"Nagkaroon kami ng pagtatalo ni Kuya Diego," tugon nito.

-------------------------------------------------

Nang marinig ni Diego ang apat na beses na pagputok ng baril, kumalabog ang kanyang dibdib. Ang babaeng nais niyang iligtas ay lumapit sa panganib. Sinundan niya ang pinanggalingan ng mga putok. Maingat niyang tinungo ang lugar na iyon. Nakita niyang may hinahabol ang mga guardia civil. Muli niyang sinundan ang mga iyon hanggang sa makarating sila malapit sa ilog. Nang makita ni Diego na sumenyas ang isang lalaki na lisanin nila ang lugar, dahan-dahang umakyat ni Diego sa mayabong na puno ng manga upang magtago. Nang makita niyang nakalayo na ang mga ito ay tinungo niya ang ilog.

Naninikip ang kanyang dibdib habang sinisigurado kung naroon nga si Raya. Walang bakas ng dugo. Wala siyang narinig na sigaw kamakailan lang. Walang anino ng babae. Walang kakaibang nangyari. Tanging ang natanaw niya mula sa malayo ay isang bangkang sumusunod sa agos ng ilog, ngunit walang laman.

Bumalik siya agad sa bahay na kanilang tinutuluyan. Hindi maganda ang kanyang nararamdaman sa bahay na iyon.

Minsan'y narinig niya ang pangalan ni Padre Quintino mula sa isang katiwala. Di lingid sa kaalaman ni Diego na ang kura paroko ng San Mateo ay maimpluwensiya sa buong Maynila. At ang paring iyon ay may pagnanasa kay Raya. Usap-usapan pa noo'y ang pagpapakamatay ng magandang anak ni Don Ignacio ay dahil na rin sa paglalapastangan nito sa puri ng dalaga. Ngunit naiba ang istoryang umabot kina Diego at Raya sa Tondo. Minsan ay iniisip ni Diego kung bakit nililihim sa kanila kung ano ang tunay na nangyayari sa San Mateo. Minsan din na pakiramdam niya'y may nagmamatiyag sa kanila ni Raya simula nang dumating sila doon. Ang kaaway ay tunay na nagbabalat-kayo sa mga ngiti at pagbati . Kung kaya't sa lalong madaling panahon ay itatakas niya si Raya papuntang Hilagang bahagi ng bansa.

Ngunit tumakas si Raya. Sa palagay niya'y pupunta ito sa San Mateo. Kung kaya't nagmadali siyang nagpunta sa San Mateo upang hanapin si Raya. At namalagi sa isa niyang kaibigan sa Morong.Sa kanyang lihim na pag-ikot-ikot sa bayan, nakita niya kung anong paghihirap ang dinanas ng mga mamamayan doon. Araw-araw ay may pinapatay at pinupugutan ng ulo sa Plaza sa utos ng malupit na si Padre Quintino at ni Don Ignacio na tila nabaliw na simula nang mawala si Emelita. Nabalitaan din nitong pinaghahanap na rin ang dalagang nagngangalang Raya sapagkat ayon sa kanyang mga tagapayo ay siya ang magiging susi upang malipol ang lahat ng kasapi ng lihim na kilusan.

Ngunit, araw-araw din siyang nag-iikot sa bawat lugar na nadadaanan ng ilog mula Mariquina. At nang isang araw na hinahanap niya si Raya, isang kilalang mukha ang kanyang nakita. Isang binata ang nakaupo sa isang malaking batuhan na malapi sa ilog.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon