Kabanata XXXII: Pagbabalik
Eksaktong takipsilim nang marating nina Karyo at Raya ang paanan ng ikaapat na bundok mula sa bayan ng San Mateo. Basang-basa sila gawa ng pabugso-bugsong pag-ulang naranasan nila habang sila'y naglalakbay.
Sa paanan ng ikaapat na bundok, malapit sa isang talon na kung saan ang katubigan nito'y dumadaloy papuntang Ilog Wawa, nanahan ang maliit na kubo ni Apong Baguban. Ang bakuran nito'y puno ng halamang gamot na nakaayos nang ayon sa klase ng sakit na ginagamot at sa kulay ng mga dahon nito. Masisilip mula sa batalang nakahiwalay sa kubo ang usok na mula sa loob nito. Mababatid agad na ang matanda'y abala sa pagluluto ng kanyang hapunan. Nang humakbang ang dalawa sa tarangkahan nitong gawa sa pinagtagpi-tagping kawayan saka ng halamang umaakyat, sumalubong sa kanila ang pusang itim.
Lalapitan na sana ni Raya ang pusa ngunit hinarang ni Karyo ang kanyang bisig.
"Karyo? Dont be kj okay? Sakit mo naman sa ulo."
"Ano?" nakakunot-noong sabi ni Karyo.
"Ang ibig kong sabihin, ang cute.. i mean, ang liit ng pusa!"
"Ayon sa pamahiin, malas iyan. Huwag mong lapitan."
"Duh? Pusa lang yan. Anong koneksyon ng pusa sa pagiging malas?" mapaglarong sabi nito saka siya nabahing.
Umiling na lang ang binata at bumulong. "Sinasabi ko na nga ba. Sasalungatin mo nanaman lahat ng ideya."
Hinayaan na lang ni Karyo ang dalaga sapagkat hindi rin niya ito mapipilit.
Nang iangat ni Raya ang pusa para kargahin, lumabas mula sa pintuan ang isang matandang may mahaba at puting buhok na nakatirintas hanggang sa tumbong nito. Nang makita niya ang matanda, may nagbago sa kanyang pakiramdam.
"Magandang hapon po, Apong. Ako po si Macario. Ako po ang ipinadala ng ni Ka Timong upang samahan kayo sa pagbabasbas at pagpapatibay ng anting-anting sa mga bukawe," saad ni Karyo. Kinuha nito ang kamay ng matanda at nagmano.
Ngunit bago pa man magsalita ulit si Karyo upang ipakilala sa Raya sa kanya, nakita niyang nakatulala ang matanda sa dalaga. Nangingilid na rin ang luha nito at lumapit siya kay Raya.
"Kumusta ka na?" nanginginig na sabi ni Apong Baguban. Hinawakan din nito ang pisngi ng dalagang nagtataka.
"M-mabuti naman po ako Apong B-baguban," sa pagtataka niya'y nabitawan nito ang pusa kaya't tumalon na rin ito mula sa kanyang kamay.
"Sana'y hindi ka nahihirapan ngayon. Maligayang pagbabalik," sambit ng matanda.
"Mawalang galang lang po, magkakilala po kayo, Apong?" tanong ni Karyo sa matanda.
Mukhang naalibadbarin din ang matanda at lumiwanag ang kanyang mukha. Hindi na rin niya sinubukang sagutin ang huling tanong ng binata.
"Halina kayo, mga apo. Pumasok muna tayo at nang kayo'y makapagpahinga. Alam kong napagod kayo sa inyong paglalakbay, lalo na ikaw, hija," ngumiti ito sa dalaga.
"Ah, eh, sige po," saad naman ni Raya at nakatingin ito kay Karyo na noo'y nakatingin din sa kanya.
Nilagyan ni Apong Baguban ng sapin ang sahig na gawa sa kawayan at saka sila naupo. Sinindihan na din niya ang gasera sa loob ng kanyang kubo.
"Natutuwa ako't naparito kayo," saad ng matanda. "Dito na kayo magpalipas ng gabi. Nagluto ako ng para sa inyo dahil inaasahan ko ang inyong pagdating."
Nagkatinginan ulit ang dalawa.
"Maraming salamat po, Apong. Ngunit baka nakakaabala po kami sa inyo. Hindi ba, Raya?" tumingin ulit si Karyo. Ang bilin kasi ni Ka Timong ay magawa nilang malagyan ng anting-anting ang lugar ng bukawe.
BINABASA MO ANG
Está Escrito (It is Written)
Ficção HistóricaIsang Historical fiction sa loob ng isang historical fiction. Mabubuhay ka pa kaya sa kasalukuyan kung di ka pa nakakatakas sa nakaraan? (Completed) (Taong Inilimbag: Disyembre 2013 - Mayo 2017) ....