Kabanata II - Karyo

20.2K 667 296
                                    

Ikalawang Kabanata — Karyo



Butil-butil na ang pawis niya habang tinatahak ang daan papuntang bahay ni  Ka Timong na siyang ayon sa utos ng kanyang ama. Dito magkikita-kita ang kapatiran. Hawak-hawak niya ang isang nakarolyong papel na naglalaman ng sulat ni Ka Sedong, ang kanyang ama, na nakaratay ngayon sa higaan dahil sa isang sugat na natamo niya noong may nakasagupaan siyang guwardiya sibil habang nangangahoy sa kagubatan ng San Mateo.

Nagpunas siya ng pawis  gamit ang laylayan ng kanyang kamisa de chino.

Unang beses niyang makikita ang buong kapatiran sa kadahilanang 'di siya pinapayagan ng kanyang ama na sumali sa mga ganitong samahan. Kahit dalawampu't dalawa na taon na siya at nasa hustong edad na upang umanib sa samahan, di siya pinayagan ng kanyang amang sumali.

"Ikaw lang ang inaasahan kong magbabantay sa iyong nanay at dalawang babae mong kapatid. Kung sakaling may mangyari sa akin, mamatay akong walang inaalala dahil nandiyan ka. Kung sasamahan mo ako sa labang ito, hindi mapapalagay ang kaluluwa ko sa impyerno dahil maiiwanan ko ang aking pamilya na walang puder.  Ako na ang kinatawan ng ating pamilya para sa kalayaan. Dito ka na lang sa ating tahanan."  Ito ang naalala niyang kataga ng kanyang ama. Ngunit alam niyang darating ang panahong sasabak din siya sa laban ng kanyang ama. At ang panahong iyon at narito na.

Binuksan niya ang tarangkahan ng bahay ni Ka Timong. Dumaan siya sa pintuan sa may batalan, na ayon sa utos ng kanyang ama upang hindi siya mapaghinalaan. Suwerte siya at medyo nagtatago ang buwan kaya madilim ang kapaligiran.  Pagkabukas niya sa pintuan sa likod ng bahay, nakakita siya ng isa pang maliit na pintuan. Binuksan niya iyon at nakakita siya ng isang lihim na lagusan papailalim.  Habang tinatahak niya ang madilim na lagusang iyon, nakakita siya ng isang sindi ng tabako. Gumalaw ito. Tiyak niyang isa iyong kasapi ng samahan na naghihintay sa kanya.

"Macario po, anak ni Ka Sedong," sabi niya sa lalaking nakatayo habang nagtatabako.

"Tuloy ka," sambit ng lalaki at pinapasok siya sa isa  pang pintuan.

Nawala ang kaba niya nang makita niyang punong-puno ng kalalakihan ang loob ng lugar na iyon. Naramdaman niyang parte siya ng samahan habang tinatanguan siya ng iba pang nasa loob. Yumuko sila sa kanya upang ipahayag na sila ay sumasang-ayon sa kanyang pagsapi.

"Ako po si Macario. Karyo po ang tawag sa akin. Narito po ang sulat galing kay Ama," iniabot niya ang papel sa isang miyembro ng  samahan. Matipuno ito ang binatang ito na halatang batak na batak ito sa hirap dahil malaman ang mga bisig nito.

Piniringan nila ang binata saka iniharap sa pinuno

"Ano ang kalagayan ng Pilipinas bago tayo sinupil ng mapang-abusong dayuhan?" Anang tila pinuno ng samahan.

"Noo'y sagana sa likas na yaman ang ating bayan...." at tuloy-tuloy niyang isinambit ang mga itinuro ng kanyang ama kapag itinanong sa kanya ang pambungad na tanong na ito upang maging kasapi ng samahan.

Bumulong sa tila pinuno ng samahan ang isang makisig at balbas-saradong  lalaki, tiyak niyang iyon si Ka Timong, kaibigan ng kanyang ama. Binasa nito ang sulat na binigay ni Karyo. Tumango ulit ito.

Natapos ang unang pagsubok ng mga bagong miyembro ng samahan sa pamamagitan ng paglalagda ng kani-kanilang ngalan gamit ang dugong tumulo mula sa kanilang hiniwang bisig. Ngunit tanging si Karyo na lamang ang hindi pa nakakapaglagda sapagkat ilang  tanong muna ang kanyang sasagutin.

"Malaki ang iyong katawan. Mukhang malakas at kaya  mong magbuhat ng mabibigat na sandata. Ang hindi ko lang alam ay kung gaaano ka kalakas," sabi ng pinuno kay Karyo.

"Kaya ko pong magbuhat ng apat na sakong bigas sa mahabang lakaran. Lagi ko po itong ginagawa tuwing magbabayad kami ng lingguhang buwis sa mga prayle," sagot naman ni Karyo.

"Hindi ko akalaing nagkaroon ng bunga si Ka Sedong ng isang tulad mo. Maaari kang magpaibig ng sampung dalagita sa isang ngiti," saad naman ng kasama ng heneral.

Ngumiti lang si Karyo. Ang totoo niyan, hindi niya hinangad na magpaibig ng iba dahil iisang babae lamang ang tinitibok ng puso niya.

"Kaya mo bang iwan ang iyong pamilya sa bundok at tumira dito sa sentro?" tanong ulit ng pinuno.

Nag-aalangang sumagot si Karyo.

"Ang akala ko po'y sasama lang ako sa samahan tuwing may labanan? Nararapat pa po bang dito ako mamalagi habang hindi pa tayo lumalaban?" tanong ni Karyo.

"Ang tunay na kasapi sa samahan ay handang iwaksi ang pamilya para sa kalayaan ng ating bayan. Gusto ko lamang linawin sa iyo, matipunong binata, na sa oras na lumisan ka sa iyong tahanan ay nilisan mo na din sila bilang pamilya mo. Dahil ang tunay na pamilya mo ay ang buong mamamayang Pilipino, na umaasa sa iyo. Kung nag-aalangan kang sumapi, makakaalis ka na sa pulong na ito," anang pinuno.

Umiling-iling din ang mga lalaking nandoon. Nagsimula silang magbulong-bulungan.

"Sigurado ka bang anak ka ni Ka Sedong?" bulong ng lalaking nasa tabi niya.

Nakaramdam siya ng hiya. Alam niyang kilalang matapang ang kanyang ama. Bago siya umalis sa kanyang tahanan, binilinan na siya ng kanyang amang magpakatatag, alang-alang na din sa kinabukasan ng kanilang pamilya at ng buong Pilipino. Ayaw niyang biguin ang kanyang ama. Inasahan siya ng kanyang ama.

"Pinuno.." napabulalas niya.

Tumingin sa kanya ang pinuno. "Tawagin mo akong Heneral ," sabi sa kanya ng pinuno.

Tumikhim siya at nagsalita mula sa pagkakahiya.

"Heneral,  ipagpaumanhin niyo po ang kaduwagang namayani sa akin kanina. Ang pagiging bago ko sa samahan ay 'di dapat gawing dahilan upang ako'y 'di parusahan. Nagmukha akong taksil sa bayan dahil nag-alangan ako sa utos ng samahan," sabi niya habang lumuhod siya at iniyuko ang ulo. "Pugutan niyo na po ako ng ulo," dagdag pa niya.

Nagtawanan ang lahat ng kalalakihan sa lugar na iyon.

"Anak ka nga ni Ka Sedong. Isa kang matapang na binata," saad ng heneral.

Hindi tumango si Karyo dahil naramdaman niyang dumantay sa kanyang kanang leeg ang isang matalim at nangingislap na itak. Nakikita niya ang repleksyon ng gasera na malapit dito na siya namang ikinasilaw niya.

Hindi siya gumalaw. "Ituloy niyo po," nasabi na lang niya.

"Binata, hindi namin magagawang patayin ang isang matapang na tulad mo. Ang mga pinapaslang namin ay ang mga duwag na hindi lumalaban nang patas at pilit na pumapatay para sa kanilang kaligayahan. Hinahangaan ko ang iyong ama dahil napalaki ka nang tama," banggit ng kanilang pinuno.  Agad nitong inalis ang itak sa may leeg ni Karyo.

"Isang karangalan," ang tanging nasabi ni Karyo. Nakaramdam siya ng ligaya dahil sa atmosperang ibinigay sa kanya ng mga naroon. Tinapik-tapik siya sa balikat at nginitian. Nakaramdam siyang nakahanap siya ng mga bagong kapatid sa samahang iyon.

Sinumulan niyang sugatan ang kanyang braso. Kinuha niya ang pluma. Nagsulat siya sa isang kartilya gamit ang kanyang sariling dugo.

"Mabuhay ang kalayaan! Mabuhay ang Pilipinas!"

MACARIO BIGLANG-AWA — KATIPUNERO.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon