Ikalabing siyam na kabanata: Tunay na Dalaga
"Magandang Umaga!" bungad ni Raya sa bintana. Tanaw niya ang mga naglalakad sa kalsada. Napansin niyang may nakataling kabayo sa harapan ng bahay ni Ka Timo.
"Kanino kayang kabayo ito?" wika niya sa kanyang sarili.
"Raya, hija!" narinig niyang may sumigaw sa kalsada. Kinawayan siya ng isang matandang lalaki.
"Kumusta na ang pakiramdam mo hija?" tanong nito sa kanya habang nakasukbit sa balikat niya ang isang araro. Kahit mukhang mabigat ito ay di halata sa kanyang ngiti. Lalo na nang binati siya ni Raya.
"Mabuti na po ang kalagayan ko, Mang Joaquin!" sigaw ni Raya sa may bintana.
"Salamat sa Diyos!" at itinaas pa ng matanda ang kamay niya upang kawayan ang dalaga.
"Mag-ingat po kayo sa bukid!" dugtong pa nito.
Tumango naman ang matanda at nagpatuloy sa paglalakad.
Ganoon din ang ginawa ni Raya sa bawat kapitbahay na kanyang makita. Kinakawayan niya ang mga ito at nginingitian. At siya namang ginantihan ng mga ito ng galak at pagtango.
Hindi na nga naiiba si Raya sa panahong iyon. Halos lahat na ay napamahal sa kanya sa kaunting sandaling nanatili siya sa San Mateo. Kaya naman nang mabatid niyang bumalik ulit siya doon ay walang mapaglagyan ang kanyang tuwa.
"Hija, bumaba ka na riyan at nang makapag-umagahan ka na," utos sa kanya ni Lola Eling mula sa halamanan na katapat ng kanyang bintana.
Agad na bumaba si Raya.
Pagkarating niya sa silid-kainan ay agad siyang sinalubong ni Diego. Iniabot ng binata ang kanyang kamay at agad namang kinuha iyon ni Raya.
"Kumusta na ang pakiramdam mo, Raya. Dadalawin sana kita sa kwarto mo kagabi , ngunit inunahan ako ni Karyo," saad ni Diego habang tumatawa.
Pareho silang umupo sa hapag. Napatingin naman si Raya sa nakayukong si Karyo.
"Nasaan pala si Ka Timong?" takang tanong ni Raya.
"Nasa bukid siya kasama ng mga magbubukid. Anihan ngayon ng mais. Madaling araw pa lamang nang umalis siya na kasama nina Aurelio at Roque," sagot ni Diego.
"Hindi ka ba sasama sa kanila?" tanong ni Raya sa kanya.
"Hindi, nagpresenta akong bantayan ka, sapagkat si Tandang Eling, siya namang mag-aasikaso ng mga magsasakang nauuhaw o nagugutom. At ito namang si Karyo ay ihahatid ang kabayo sa may-ari nito," sagot ulit nito.
"Kuya Diego, wag mo na akong alalahanin. Magaling na ako. Isa pa, kailangan ko na ring puntahan ang alaga kong si Senyorita Emelita. Alam kong matagal na rin kaming di nagkikita," sabi naman ni Raya.
"Sigurado ka ba?" pag-aalalang tanong ni Diego.
"Oo naman kuya. Kaya kung ako sayo, tulungan mo na lang sina Ka Timong sa bukid. Baka nakakaabala lang ako sa inyo. Ayoko namang inaalagaan at binabantayan niyo ako nang parang bata. At isa pa, kaya ko ang sarili ko dahil..." napatigil sa pagsasalita si Raya "...sanay na akong mag-isa."
"Dahil?" tanong ni Kuya Diego.
"Dahil malaki na ako at malakas," pangiting sagot ni Raya sa kabila ng naramdaman niyang pangungulila sa kanyang ina, at sa pag-iisip sa amang hindi niya nakagisnan.
"Mabuti naman kung ganoon. Ah, may naisip na ako. Kung magaling-galing ka na at nakaluluwag ka ng oras, gusto mo bang sumama sa bukid?" yakag ni Diego.
BINABASA MO ANG
Está Escrito (It is Written)
Historische RomaneIsang Historical fiction sa loob ng isang historical fiction. Mabubuhay ka pa kaya sa kasalukuyan kung di ka pa nakakatakas sa nakaraan? (Completed) (Taong Inilimbag: Disyembre 2013 - Mayo 2017) ....