ISa isang bayan sa dakong silangan
Iyak ng sanggol ang pumalahaw
Sanggol na 'di pa wari kung kanino ang mga matang nakatanaw
'di lubos makuro kung ano ang nasa mundong ibabaw.
II
Sa lipunan na kanyang kinamulatan
Mga matang mapanghusga
unti-unti siyang tinutuklaw,
Nag-aabang na siya'y matisod
sa sariling galaw.
III
Sa lipunan na sa kanya'y lumingap
May mga taong bukas-palad na tumanggap
Kahinaa'y 'di nila alintana
Bagkus, nag-aalab na pagkalinga
hatid ng pamilya.
IV
Sa lipunan na ginagalawan,
Nakahiligan niyang tanawin ang matayog na alapaap,
Siya'y namangha sa kung ano ang naroon sa mapanganib na dagat,
Puno rin ng katanungan patungkol sa madilim na gubat,
Natutong bumuo ng mumunting mga pangarap.
V
Sa lipunan na hikahos,
Ang pamilya'y lubos na nagsusumikap
Hindi man ito perpekto dahil 'di sila buo,
Tinangap niya na ang mga kakulangan
ay parte ng kapalarang sadyang mapaglaro at salawahan.
VI
Ang sanggol na noo'y puro lamang iyak,
Ngayo'y humayo mula sa piitan ng lipunang mapagpanggap,
Naglakbay sa daang 'di halos maapuhap,
Tangan niya sa kanyang kalupi ay tanging papel at panulat.
VII
Nais niyang abutin ang dulo ng alapaap,
Nais niyang sisirin ang kailaliman ng dagat,
Nais niyang galugarin ang madilim na gubat,
Nais niyang hamunin ang kapalaran sa kanyang mga palad,
Tanging sandata niya ay ang kanyang papel at panulat.
VIII
Ikaw, anong tangan mo sa iyong kalupi?
Katulad ka rin ba niya
O ika'y naiiba sa kanya?
Dahil nabuhay ka na walang inaalintana?
Katulad ka rin ba niya na nangarap ng alapaap?
O ika'y naiiba sa kanya
Dahil patuloy ka pa ring nakapiit
Sa lipunan na sayo'y nagdidikta?
BINABASA MO ANG
La Pluma
PoetryMay mga katagang hindi kayang ilabas nang matabil kong dila, May mga pangyayaring nais kong isalaysay ngunit ako'y nababahala, May mga panambitan na gusto kong ipanawagan ngunit 'di ko mapakawalan, Duwag na ba akong matatawag kung sa tula ko na lama...