²| GUNITA NG KAMUSMUSAN

270 33 5
                                    

I

Sa maghapong nagdaan
Mata'y sa ulap nakalaan
Mapulang kalangitan
Hudyat ay sagupaan

II

Sa bayang kinamulatan
Takot sa puso'y pasan
Maging sa panaginip
Tanaw ko ang kaguluhan.

III

Dinig ang pagtangis ni Inang Bayan
Dumanak ang dugo sa dakong silangan
Takbo rito, iyak doon, 'di alam patutunguhan
Imaheng nakaukit sa aking kamusmusan

IV

Alagad ng gobyerno, rebelde't ordinaryong tao
Sintalas ng kidlat kanilang mga puso
Galit at poot sa kanila'y nagsusumamo
At ang biktima'y kapwa Pilipino

V

Labanan, gantihan sa kanila'y nanunukso
Marahas, madugo at lahat maglalaho
Maririkit na puso'y 'di na matanto
Nagayo'y nanlulumo, pagtangis ay tumimo.

VI

Hiyawan ng mga ibong 'di magkamayaw
Iyak at hagulgol ang sa aki'y pumakaw
Kawawang nilalang, dahas ang tumutuklaw
Nasaan ang hustisya, ba't 'di ko tanaw?

VII

Tayo'y mga ibong uhaw sa kapayapaan
Unti-unting nawawasak ang ating tahanan
Tayo'y kawangis nila na ang tanging pag-asang
ikampay ang sugatang pakpak ay tuluyang naparam.

VIII

Datapwat isang musmos, ay kakayan na
Dahil mas maalam pa kaysa sa matatanda
Ako ang biktima, pakinggan ni'yo nawa
Panawagan kong ito sa buong balana.

IX

Karapatan kong mabuhay sa mapayapang lupa
Na tulad ng ibong sa t'wina'y malaya
Aking kinabukasan kailan ni'yo pahahalagahan
Kapag ba tuluyan nang nawasak ang pag-asa kong tangan?

X

Kailan kayo sisigaw?
Kailan kayo kikilos?
Hawiin ang piring sa matang uhaw sa hilamos
Hawiin ang busal sa bibig nating mga musmos.

XI

Tayo ang pag-asa ng mga luhang umaagos
Iligtas si Inang Bayan sa pagkakagapos
Iwaksi ang poot at ipaanod sa agos
Kapayapaan ang marapat, hindi ang pagkasuklam
Dinggin ni'yo nawa ang munti kong panambitan.

La PlumaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon