35| MAHARLIKA

103 19 1
                                    

Isang marikit na perlas sa dakong silangan
Taglay ang yumi nang mayabong na kagubatan
Hitik sa lamang-dagat ang kailaliman ng karagatan
Matatamis na ngiti tangan ng mamamayan
Ngunit 'yan ay sa nakaraan mo na lamang makakamtan.

-∆-

Mistulang ginahasa si Inang Bayan
Unti-unting hinubaran ang mga kabundukan
Ibinaon ang mga basura sa karagatan
Puri'y niyurakan ng mga lingkod- bayan
Mga anak niya'y naglalabanan.

-∆-

Ngayo'y nais palitan ang dati niyang pangalan
MAHARLIKA, bagay raw sa ganda niyang tangan
Ngunit tanong ko lamang,
mababago ba nito ang kasalukuyan niyang kalagayan?

-∆-

Kapag ba maharlika na ang kanyang pangalan
Matitigil na ba ang walang humpay na bakbakan?
Maglalaho na ba ang mga b'witre sa lansangan?
Kusa bang magbibitiw ang mga ganid na lingkod-bayan?
Magiging luntian ba ulit ang mga kabundukan?
Mabibigyan ba ng hustisya ang mga ninakawan?

-∆-

MAHARLIKA, isa ba itong mahika
upang ituwid ang kasalukuyan
O isa lamang ilusyon
ng mga taong may nais pagtakpan?

-∆-

Katulad din ba ng pagpapalit ng kanyang pangalan
Ay ang pagpapalit ng kanyang kapalaran?
O ito'y pantakip lamang sa umaalingasaw na baho ng kasalukuyan.

-∆

MAHARLIKA,
kaygandang pangalan
Ngunit mas maganda kung uunahing palitan ang bulok na pamamaraan.
Mas magandang pakinggan  ang dating pangalan na may kaakibat na tunay na kariktan.

La PlumaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon