Sa Kabila ng Kasiyahan

40 3 0
                                    

ISANG INA—
Sa kabila ng panganib na dala ng gatilyo
Lakas loob na yapos ang anak na nanlulumo
Sa isang kalabit, 'di na masisilayan ang pailaw ng Pasko
Kapakanan ng anak ang nasa isip hanggang dulo.


DALAWANG ANAK-
Nakapaloob sa mahigpit na yakap ng ina
Luha't sipon ay 'di niya alintana
Sa sigalot na dulot ng pinagbabawal na boga
'di na masisilayan ang darating pang umaga.


Katapat niya ay isa ring anak,
Anak na nahulma sa maling ehemplo
Habang mahigpit na hawak ang telepono
Pinakawalan ang sigaw na nagpaalab sa impyerno.


ISANG AMA AT ALAGAD—
Idinaan sa dahas ang sinumpaang batas
Ang utak at konsensya ay tuluyang naagnas
Dahil lang sa siya'y may baril at tsapa
Inundayan ng putok ang pagal na katawan ng mag-ina.


Sa kabila ng kasiyahan,
umalingawngaw ang hinagpis
Sa kabila ng kasiyan,
buhay at pangarap ay kinitil ng pulis.


Sa kabila ng kasiyahan,
nagulantang ang sambayanan
Nahati ang opinyon at agam-agam
May mga dilang wala namang laman.


Sa kabila ng kasiyahan,
naghihintay ang malamig na rehas
Pero 'di kailanman sasapat para burahin ang bakas
'di na maibabalik ang buhay na kinuha.
Karahasan ang namutawi sa diwa ng bata.


Sa kabila ng kasiyahan,
may pamilyang inagawan
Sa kabila ng kasiyahan,
may demonyong hahatulan.


Sa kabila ng kasiyahan,
tayo'y yumukod at manalangin
Na ang hustisya'y walang pipiliin,
Na ang batas ay sasapat para siya'y pagbayarin.







La PlumaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon