36| PLAKA

75 19 0
                                    

Sa unang dinig
sa tainga'y kayganda.
Mala-anghel na himig
na pag-asa'y dala.
Puso'y maaantig
na wari'y nanghaharana.
Naghahatid ng kilig
maging sa matatandang dalaga.

-∆-

"PLATA PORMA" ang pamagat
ng plaka.
Mistulang naging awiting pambansa.
Pag-asa, pagbabago, pag-unlad, iyan ang tema.
Ngunit ang mga mang-aawit ay mukhang kwarta.

-∆-

Ilang dekada ang lumipas
Ang plaka'y 'di pa rin kupas
Paboritong tugtugin
ng mga lingkod-bayang mandurugas.
Mga tagapakinig ay patuloy na nagpapadugas
Sa mga pangakong 'di naman wagas.

-∆-

"Mga kababayan, ako ay iboto,
'wag ang mga kurakot na kalaban ko."
"Ako'y may bitbit na pagbabago"
"Ako'y may puso para sa mga hikahos na katulad mo."
Nakaririnding dinggin ang plaka ng mga pulitiko.

-∆-

Paulit-ulit,
Nakakasawa na.
Ngunit patuloy na pinapatrona ang plakang sira.
Ipinagmamalaking may nagawa at magagawa raw sila.

-∆-

Maayos pang kalsada, babakbakin nila
Libreng edukasyon daw para sa mga walang pera.
Iaahon ang bansang lubog sa basura
Bakit parang linya na iyan noong sinauna
Ngunit hanggang ngayon, 'di pa rin nakausad ang ating bansa.

-∆-

Sino ba talaga ang tunay na may sala?
Sila na nailuklok at sa pera ng masa'y nagpapakasasa,
O tayo na patuloy na pinapakinggan ang plakang sira?
Sila na wari'y may alam at pakialam sa ating bansa
O ang iba sa atin na puro reklamo ngunit wala namang ginagawa?
Sila na nagbibenta ng plakang sira
O tayo na bumibili at nagpapaliyo sa kanilang salita?

-∆-

Nalalapit na naman ang araw ng pagboto
Maninikluhod na naman ang mga pambato
Mga kababayan, heto na naman tayo,
Paulit-ulit na lamang ba tayong magpapaloko
O matututong kumilatis dahil 'di naman tayo bobo?

La PlumaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon