Makata,
titulong ipinagmamalaki ng may matalinhagang dila
Mistulang gintong medalya o bituing pumarito sa lupa
Pero, sino nga ba si makata?
Siya ba 'yong may malawak na bokabularyo,
Sa kapaligira'y malimit nagbibigay anyo,
Maghapong nakapiit sa kwarto habang hawak ang kwaderno
o siya ba'y tulad mo at nila na nais lamang magbahagi ng kwento.
Paano nga ba maging makata?
Kailangan bang pagtugmain ang bawat linya?
Itama ang paggamit ng bawat letra?
O 'di naman talaga kailangang gumamit ng malalalim na kataga,
sapat nang isapuso ang bawat saknong at taludtud na hinuhulma ng tinta sa pluma.
Kaya ikaw, oo ikaw...
Ikaw na bulok ang pananaw
Ikaw na kritikong hilaw
Ikaw na mahilig sumawsaw
Ikaw na animo'y perpektong karakter sa pelikulang Pilipino
Magdahan-dahan ka sa pagtawid sa lubak na pasilyo
Baka ika'y matapilok sa nakausling bato
O dili kaya'y tambangan ka ng mga makatang tambay sa kanto.
Oo ikaw nga....
Ikaw na mahusay DAW humulma ng salita,
Ikaw na pintasirang animo'y banyaga,
Ikaw na nakagawiang manghila ng lubid paibaba,
'wag kang mangaral na wari'y dalubhasa,
Magpakita ka rin ng dunong sa sarili mong akda.
Makata ka 'di ba?
Makatang deboto ng sining ng mga perpekto.
BINABASA MO ANG
La Pluma
PoetryMay mga katagang hindi kayang ilabas nang matabil kong dila, May mga pangyayaring nais kong isalaysay ngunit ako'y nababahala, May mga panambitan na gusto kong ipanawagan ngunit 'di ko mapakawalan, Duwag na ba akong matatawag kung sa tula ko na lama...