²⁴| T A N G A K A!

85 20 0
                                    

Mahal kita!
Umalingawngaw na kataga.
Talulot ng bulaklak ay bumuka
Paru-parong ligaw ay nagsilaya

Ikaw lang sinta!
Nagdilig sa tigang na lupa
nagpadaloy sa tuyong sapa
Animo'y bumukas ang tahanan ni Bathala.

Pangako!
Salitang nagbukas sa saradong puso.
Hinayaang maitarak ang pana ni kupido
Pinagkatiwala ang susing ginto.

Tayo hanggang wakas!
Natutulog na damdamin ay bumalikwas
Inaakalang tayo hanggang bukas
Pagsintang hindi raw kukupas.

Tayo na ba?
Sagot ko'y OO.
Ngiting panalo ang loko
May patalon-talon pa sa tuwa
akala mo'y totoo.

Busy ako!
malimit na sagot mo sa tawag ko.
'di na tulad ng dati
ngayo'y may iba nang kahati.

Malaya ka na.
puso'y biglang nagsara
naguguluhan,
nagtatanong,
ngunit walang kasagutan.

Mahal kita....
dagli akong natuwa
akala ko'y nakapag-isip ka na
ngunit may karugtong pala.

PERO MAS MAHAL KO NA SIYA.
talulot ay mistulang lanta
natuyong muli ang sapa
nabura ang lahat ng akala.

MAHAL KITA!
lumipas ang dating nagwakas
bagyo'y umalpas
may muling nagsabi ng katagang
matagal nang kumupas.

TANGA KA!
Oo tanga ka.
Naniwala na naman sa
salitang mahal kita.
Paulit-ulit na lang
na parang plakang sira
at kailangan nang ibasura.

Lahat ay nagsimula sa salitang MAHAL KITA,
Nagpatuloy sa IKAW LANG SINTA,
Pinabulaanan ng TAYO HANGGANG WAKAS,
Kakaba-kaba sa tanong na TAYO NA BA?
Ngunit nagwakas sa maikling MALAYA KA NA.
Patuloy na piniga nang sabihing MAHAL KITA PERO MAS MAHAL KO NA SIYA.
Ngunit mag-uumpisa ulit sa salitang MAHAL KITA! kasi nga TANGA KA.

La PlumaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon