Sa sulok---
ng silid aklatan
Naroon siya
nagmamanman
Habang mga kamag-aral
ay nagdedebateng
mistulang dalubhasang
mananalastas.Siya'y mananalastas din---
na lihim
na nakikipagbakbakan
ng mga ideya
sa kanyang
tinta at pluma.Tinta at plumang---
tanging tagapakinig niya
Hindi man ito
pumapalakpak
at nakikipagbatalya
Alam niyang siya'y
kahanga-hanga.Hangang-hanga rin---
siya sa kanila
Naibubulalas nila
ang mga kataga
Katagang nais sana
niyang isatinig
ngunit siya'y
nagkukunwaring pipi
upang 'wag magkamali.
Pagkakamaling---
maipababatid niya
sa pagbuka ng bunganga
sa paggalaw ng
matabil niyang dila.Dilang---
pwedeng makatulong
o makasira
Pipi man
sa lipunan
Ngunit 'di siya bingi.
Bingi---
sa mga sa pangako
ng mga pulitikong
nanliliyo
Sa mga hinaing
ng maralitang
winasiwas ng bagyo
Sa mga mamamayang
ninakawan ng
karapatang muling tumayo.
Sa hiyaw ng mga biktimang
pinagkaitan ng
bulag na hustisya.Hindi siya bulag---
sa maalwang pamumuhay
ng mga dapat
sanay lingkod-bayan
Sa mga bwitreng mandaragit
na nakabalandra
sa lansangan
Sa mga buwayang
nag-aantay nang
masasakmal.
Sa mga bumubulagta
sa kalsada na
pinaratangang
gumagamit ng bato
ni darna
upang takasan ang reyalidad.
Reyalidad---
na tayo'y lugmok na
Nilamon na ng sistemang
pilit winawaksi
ng mga raliyesta sa EDSA
Ang iba'y nagpaanod na sa agos
Piniling magpagapos
May iba namang
tinanggap na ang
patalim na may lason
Ang iba'y nanatiling
nakaratay at tinamad
nang bumangon.Nais niyang bumangon---
iwagayway ang banderang
nahabi gamit ang dugo
Dugo ng mga bayaning
limot na ng nakararami
Mga bayaning gumamit
ng bolo at dunong
sa pakikipagbuno.
Lagi silang nakikipagbuno---
Pinagmamalaki nilang
Lahat daw ng teorya
historya at geograpika
ay alam nila
'Di mo mapapansing
kunwari lang pala.Nagkukunwaring---
may alam
may pakialam
at may paninindigan
Kaya mas pinili
niyang manahimik na lamang
sa isang sulok.
Sa sulok---
na iyon
Siya'y naghahamon
ng palakasan
gamit ang malinis
na papel
at tintang
katotohanan lamang
ang isinasatitik.
BINABASA MO ANG
La Pluma
PoetryMay mga katagang hindi kayang ilabas nang matabil kong dila, May mga pangyayaring nais kong isalaysay ngunit ako'y nababahala, May mga panambitan na gusto kong ipanawagan ngunit 'di ko mapakawalan, Duwag na ba akong matatawag kung sa tula ko na lama...