Matatag na nakatayo sa bawat tahanan,
Matikas ang tindig kapara ng kawayan,
Sandalan ng supling kapag nasasaktan,
'Di patitinag sa kahit ano pa ang magdaan.
AMA, tatlong simpleng letra,
Ngunit kaybigat ng responsibilidad niya,
Taga-pasan at taga-protekta,
Taga-ingat ng pamilya.
Musmos pa lang
nagtataka na
Kung bakit si papa
Naiiba sa kanila.
Sa tahanan, lagi siyang wala.
Sa eskwelahan, 'di siya sumasama
'Di ako kinakarga kapag naiidlip sa sofa
'Di rin nagtatanong kung ako'y may problema.
Nang lumaon, akin 'tong minasama
Minsan nga inisip kong 'di ko siya ama
Hiniling ko pang magkatotoo nawa
Pero ika nga nila, 'di ikaw ang may hawak ng tadhana.
Nang dumating ang takipsilim ng buhay ni ama,
napagtanto kong di siya naiiba
siya'y tulad din nila na isang ama.
Amang minamahal ang anak,
Amang matutuwa kapag naabot mo ang pinapangarap,
Amang para sa pamilya'y magpapakahirap
Amang 'di perpekto ngunit pinipilit lumingap.Gaano man katibay ang haligi,
'Di habampanahon ito'y mananatili
Kaya pakamahalin habang ito'y nasa tabi,
Ika nga nila, ang pagsisisi'y nasa huli.
Matatag na haligi ma'y inaanay,
Matikas na kawayan at lumulupaypay,
Malakas man at may kahinaang taglay,
Tulad ni papa na minsang sumablay.
Si ama'y tulad nila,
sa mundo ako'y ipinakilala,
'di man siya mapagkalinga tulad nila,
SALAMAT AKING AMA!
BINABASA MO ANG
La Pluma
PoetryMay mga katagang hindi kayang ilabas nang matabil kong dila, May mga pangyayaring nais kong isalaysay ngunit ako'y nababahala, May mga panambitan na gusto kong ipanawagan ngunit 'di ko mapakawalan, Duwag na ba akong matatawag kung sa tula ko na lama...