17| MULI

86 20 0
                                    

Kaysarap balikan ang ating nakaraan
Nakaraang sabay nating pinagsaluhan
Nais kong pigilin ang mabilis na ikot ng orasan
Upang manatili sa panahong ikaw at ako lamang.


Ikaw na ako lang ang pinaglalaanan,
Ikaw na ako lang ang nginingitian,
Ikaw na ako lang ang inaawitan,
Ikaw na ako lang at walang siya na hadlang.


Ngunit sadyang mapaglaro ang kapalaran
Ang dating TAYO ngayo'y ako na lang
Nakilala mo siya na mas hihigit ang katangian
Ang dating Ako at Ikaw ay biglaang naparam.


Sa pag-inog ng mundong ginagalawan,
Kung sakaling tayo'y magkita sa makipot na daan,
Ipapakita kong ako'y nakalimot na ng tuluyan,
Kahit pa ang totoo'y nakaukit ka na sa aking gunam-gunam.


Sakaling makita kang muli,
sisikapin kong 'wag humikbi
Ngingiti na parang walang nangyari,
Na parang 'di mo ako iniwan sa ere.


Ang sakit ay aking ikukubli
Magkukunwaring naghilom na ang pighati
Kahit niloloko ko lang ang aking sarili
Ang totoo'y ikaw pa rin hanggang huli.


Sa pagbuka ng aking labi,
pangako, di ako maninisi
'Di ako magtatanong kung bakit mo siya pinili
Kung bakit ang paglimot sa akin ay napakadali.


Sa paghaharap nating muli,
'di na ako hihiling na babalik pa ang dati,
Kahit pa gustung-gusto kong ika'y manatili
Tatanggapin kong masaya ka na sa kanyang tabi.


Sa pagkikita nating muli,
asahan mong galit ay iwawaksi,
kahit pa nais kung isampal ang 'yong pagkakamali
Pipilitin kong ngiti ang mamutawi.


Kung magsalubong man ang ating landas,
At nais mong balikan ang matagal nang nagwakas,
Pipiliin kong muling kumalas,
Kahit pa ang damdamin sayo'y nagpupumiglas.


Kung mga mata nati'y muling magtagpo,
at ang puso ko'y muling sumilakbo,
'Di ako tititig, pangako
Magkukunwaring 'di na kita gusto.


Sa muling pagdaiti ng mga palad ko sa'yo,
Pangako, una akong bibitiw at lalayo
'Di magpapabuyo sa nanghahalinang tukso,
Dagliang tatakbo, hanggang marating ang dulo.


Sa pagkikita nating muli,
at siya na ang iyong katabi,
Pipilitin kong bumati
Hihiling na 'wag sa hiwalayan mauwi,
Kahit pa sugat sa puso ko'y sobrang hapdi.


Sa ating muling pagkikita,
Magpapanggap na walang namagitan sa ating dalawa
Walang mga pangakong itinaga sa puno ng mangga,
Walang sumpaan na haharap sa dambana.


Sa pagkikita nating muli,
Makayanan ko sanang magkunwari,
Masikmura ko sanang 'wag magnakaw ng sandali,
Upang pagmamahal sayo'y patuloy na maikubli.

La PlumaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon