Malamlam ang kapaligiran
Walang telebisyon at wifi
Mga tao'y naglulupasay
Na wari dapithapon na ng buhay.Sa veranda naroon si lola
Nakaupo sa tumba-tumbang silya
"Apo halika, tanawin mo ang nagkikislapang tala"
"Pumarito ka't maghuntahan tayo" may halong kagalakan niyang wika.Naku! Maglilitanya na naman si lola
Bubuklatin na naman ang mga inaagiw nang pahina
Pahinang paulit-ulit ngunit 'di nakakasawa.Nag-umpisa ang lahat no'ng siya'y uhugin pa
Panahon ng hapon at kastila
Noong ang bigas at de lata'y mura pa
Noong uso pa ang baro't saya
Noong mga kabataa'y 'di puro "lovelife" ang problema.Sabi ni lola estrikto raw ang mga magulang niya
Maraming ipinagbabawal lalo pa't babae siya
Ngunit lahat 'yon 'di niya ikinabahala
Pasasaan ba't para rin sa ikabubuti niya.'di lilipas ang 'sang araw na walang makabuluhang ganap
Payak man ang pamumuhay ngunit 'di sila salat
Bubong man ay nipa, dingding ay pawid
Sapat na sa kanila ang rikit ng paligid.Noon napakasagrado raw ng hapag kainan
Dito nagsasalu-salo't nariresolba ang mga suliran
Pinagtitibay ang bigkis ng pamilya
Pagbibigayan at pagrespeto sa biyaya.Kapag sumapit ang tanghalian,
Lalargo si lola sa tumana
Bitbit ang kay sarap na tanghalian ng ama
Sa ilalim ng tirik na araw pagod ay 'di alintana.Pagsapit ng meryenda,
Naku nariyan na ang paborito niya,
Ginataan at nilagang saging ang meryenda,
Habang nakaupo sa silong ng punong mangga
Samyo ang hanging katiwasayan ang dala.Pagsapit ng ala-sais impunto
Sila lola'y nakaluhod habang hawak ang rosaryo
Sa oras ng novena ay di sila nagrereklamo
Bagkus taimtim na sumasamba sa dakilang AMA.Sa gabi'y binubuksan ni lola ang radyo
Sa paghahanap ng istasyon, sungot ay binabaliko
Hilig niya ang katatakutang k'wento
"Gabi ng lagim" ang kanyang paborito
Silang magkakapatid ay nakatalukbong na animo'y hihilahin ng multo.Mga dalaga't binata nama'y naroon sa sayawan
Sa saliw ng musikong nayon sila'y nag-iindakan
Hinahatid ng mga binata ang kanilang irog sa tahanan
Nagbibigay galang sa mga magulang ng katipan.Nais kong balik-balikan ang mga lumang pahina
Na 'di matutumbasan ng kahit anong makabagong teknolohiya
Ikaw, may katangi-tangi ba sa 'yong istorya
Sa panahong umiinog ang mundo "social media".
BINABASA MO ANG
La Pluma
PoetryMay mga katagang hindi kayang ilabas nang matabil kong dila, May mga pangyayaring nais kong isalaysay ngunit ako'y nababahala, May mga panambitan na gusto kong ipanawagan ngunit 'di ko mapakawalan, Duwag na ba akong matatawag kung sa tula ko na lama...