Kabanata 67

1M 26K 6.2K
                                    

Kabanata 67

Siya Lang

Muntik na akong mawala dahil sa taxing sinakyan ko. Hindi ko pa naman kabisado ang distritong ito. Ngunit nang nakita ko ang matayog at engranding skyscraper kung saan naroon ang condo unit ni Hector ay hindi ko na inalintana ang pagkawala ko.

Mabilis akong pumasok sa condo habang bitbit ang susi na ibinigay sa akin ni Hector. Paulit ulit kong sinasabi sa utak ko ang kanyang unit number para hindi ko makalimutan. Huminga ako ng malalim nang nakitang ako lang mag isa sa elevator. Syempre dahil madaling araw na ay wala na gaanong tao.

Nang tumunog ang elevator bilang hudyat na nakarating na ako ay napatalon na ako sa kaba. Konting kirot at konting saya ang nararamdaman ko ngayon. Hindi ko alam kung bakit parang naghihingalo ang puso ko kahit na ilang segundo na lang ay makikita ko na si Hector. Parang dejavu sa isang masamang panaginip? Parang alam ko na ang susunod na mangyayari kahit hindi naman talaga.

Sa bawat pag hakbang ko ay mas lalo akong kinabahan. Napalunok ako nang naaninag ko ang pintuan ng kanyang condo unit. Hindi ko na marinig ang mga yapak ko dahil sa mabilis na pintig ng puso ko.

Nang nahawakan ko na ang pinto ay hindi na ako huminga. Nang buksan ko iyon ay namilog ang mga mata ko. Hindi makuha ng buo ng paningin ko ang nakita ko sa unit niya.

Isang malaking chandelier sa ceiling ang tumambad sa akin sa taas. Flatscreen na TV at sofa naman pag tumingin ng diretso. At sa sofa ay nakita ko si Hector na nakatalikod at nakaharap sa TV habang tinitingnan ang isang magazine. May katabi siyang babae, agad kong namukhaan kahit na nakatalikod. Ang damit niya kanina sa party ay ganun parin. Si Elena!

Nahulog ang puso ko sa dibdib ko. Hindi ako makapaniwala na silang dalawa lang sa condo unit, disoras ng gabi! Ano ang ibig sabihin nito?

Bumuhos sa akin ang alaala ng pagpunta ko sa apartment ni Clark. Bumilis pa lalo ang pintig ng puso ko, dahilan kung bakit hindi ako makahinga. Nag hyperventilate na ako sa kinatatayuan ko sa galit at poot.

Susugurin ko na sana sila kaso...

"Hector, hindi yan pwede sayo, oh? Ang cheap ng babaeng yan." Ani Elena.

Bumuntong hininga si Hector at sinarado ang magazine na iyon.

Hinilig ni Elena ang kanyang ulo sa balikat ni Hector. Nagdilim ang paningin ko. Pumula, sa totoo lang. Kaso, may mga pagkakataon talagang isusuko mo na lang ang lahat. Kung kay Clark ay nagawa kong sumugod at mangaladkad kay Janine, ngayon, nawalan na ako ng lakas.

Dahil minsan, kung mahal ka ng isang tao, hindi mo na kailangang ipakita na nahuli mo siyang nanloko. Kailangan, hindi siya manloko kahit wala ka. Na hindi mo na siya kailangang mahuli bago siya tumigil. Kaya kahit kating kati ang paa kong sumugod ay mas pinili kong umalis nang di sinasarado ang pinto nang sa ganun ay hindi nila mamalayan na may tao.

Hindi bali na kung bumuhos ang luha ko sa mukha ko. Hindi bale na kung masaktan ako. Sobrang sakit na hindi ko na kayang ilarawan.

Hindi ko na maalala kung paano ako umuwi sa bahay. Nawalan na ako ng lakas. Tulala ako dahil sa nakita ko. Silang dalawa lang. Ano kaya ang mangyayari sa kanila? Ano kaya ang ginagawa nila ngayon? Naalala ko iyong nangyari kay Clark at Janine. Iyong mga ungol at ang buong posisyon. Humagulhol ako ng iyak sa kama at binaon ko ang mukha ko sa unan. Sana kunin na lang ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Hindi ba pwedeng mag mahal na lang at wa'g ng masaktan? Kung di man kayang suklian ni Hector ang loyalty na maibibigay ko, ay hindi ba pwedeng matuto na lang akong maging masaya sa bawat desisyon niya?

End This War (Alegria Boys #3) (Published under MPress)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon