Prologue

13.6K 166 10
                                    

PROLOGUE

Sa isang kaharian matatagpuan ang isang pamilyang larawan ng kasiyahan at kapangyarihan. Sila ang mag-asawang namumuno sa kaharian ng Odnum—sina Haring Fernando at Reyna Cristina. Ang buong kaharian ay binubuo ng apat na mahahalagang elemento na siyang nagbibigay ng kasaganahan at kapayapaan. Ito ay ang mga elemento ng tubig, apoy, hangin at lupa. Masayang namumuhay ang bawat mamamayan hanggang sa dumating ang isang pangyayari na babago sa tahimik nilang pamumuhay at kasaysayan.

“Aaaah!” pag-iri ng reyna.

“Mahal na Reyna, konting iri pa! Lalabas na siya!” sagot ng matandang kumadrona.

Bumwelo muna ang reyna sa pamamagitan ng pa-ulit-ulit na paghinga at muling umiri ng buong makakaya.

“Aaaaah!!!”

“Ungaaa! Ungaaa!” ang narinig na iyak mula sa sanggol na iniluwal ng reyna.

“Mahal na Reyna, babae po ang inyong iniluwal!” pahayag ng kumadrona.

Napangiti ang reyna nang marinig ang sinabi ng kumadrona at ito’y tuluyan nang humimbing dulot ng pagod na dinanas.

Samantala, ipinalam agad kay Haring Fernando ang magandang balita.

“Mahal na Hari, nanganak na po ang mahal na Reyna. Babae po ang kanyang isinilang.”

Ipinamalita sa buong kaharian ng Odnum ang balita. Ang buong kaharian at lahat ng nasasakupan nito ay nagbunyi. Lahat ng mamamayan ng Odnum ay natuwa maliban sa isa.

“Hindi maaari!”

“Ano na ho ang ating gagawin?”

“Hindi pwedeng masira ang matagal ko ng pinaplano. Hindi pwedeng tuluyang mawala sa akin ang trono!”

Siya si Victoria. Ang matalik na babaeng kaibigan ni Reyna Cristina at lihim na inaakit si Haring Fernando. Siya ang lihim na anak ng dating Hari ng Odnum na si Haring Victor. Dahil sa pag-aakalang pinatay ng ama ni Haring Fernando ang kanyang amang si Haring Victor para makuha ang trono ay nilamon ito ng poot at paghihiganti. Nais niyang mapasakamay muli ang tronong di umano’y ninakaw raw sa kanyang ama kaya balak niyang sirain ang pangunahing pundasyon ng buong kaharian. Ang tahimik na buhay ng mag-asawang hari at reyna.

“Hindi pwedeng magkaroon ng tagapagmana sina Fernando at Cristina. Kaylangan ko nang gawin ang dapat ay matagal ko nang ginawa.”

Samantala, ipinamalita sa buong kaharian ang nalalapit na malaking handaan at kasiyahan dahil sa pagsilang ng susunod na mamumuno ng kaharian.

“Sa susunod na araw kung saan masasaksihan ang paglabas ng asul na buwan, magaganap ang isang salu-salo sa buong kaharian bilang pagkilala sa bagong anak ng Odnum at ang magiging susunod na reyna, Si Prinsesa Fina!” pahayag ng punong-tagapagsalita ng palasyo sa bulwagan kung saan lahat ng mamamayan ay naririto at nakikinig. “Lahat ay inaasahan ng Hari at Reyna na makikiisa bilang pagkilala.”

The Princess and the Puto (Fantasy Romantic Comedy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon