Chapter 2: The Prophecy

7.3K 127 5
                                    

CHAPTER 2

 

THIRD PERSON’S POV

 

“Itakas mo ang anak ko. Kahit na anong mangyari, wag na wag mo siyang pababayaan. Ikaw na ang bahala sa kanya.”

 

“Palakihin mo siya ng maayos, Merla. Palagi mong ipaalala sa kanya kung gaano siya kamahal ng kanyang ama at ina.”

 

“Umalis na kayo!”

 

Malalim na ang gabi. Habang natutulog sina Merla at Ynnah, bigla na lamang nagising si Merla mula sa isang panaginip. Napanaginipan na naman niya ang kaharian ng Odnum. Napanaginipan na naman niya ang gabi kung saan itinakas niya ang sanggol na prinsesa papunta sa mundo ng mga mortal.

Naghahabol na hininga at pawisan itong bumangon. Napatingin siya sa kanyang tabi at nakitang natutulog ang dati lamang ay sanggol na sa kanya’y ipinagkatiwala ni Reyna Cristina. Labing-anim na taon na ang lumipas mula nang mangyari ang kanilang pagtakas ngunit malinaw na malinaw parin sa kanyang mga ala-ala ang lahat. Pakiramdam niya’y ayaw siyang patakasin ng kanilang nakaraan.

Dahan-dahan itong umalis sa kama at tinungo ang isang drawer ng mga damit. Binuksan niya ito at kinuha mula sa ilalim ng mga damit ang isang maliit na kahon. Bumalik ito sa kama para maupo at maingat na binuksan ang maliit na kahon.

Ang maliit na kahon ay naglalaman ng kwintas na may batong emerald. Ito ang kwintas na ibinigay ni Reyna Cristina sa sanggol na prinsesa. Ito ang kwintas na magpapatunay na siya ay prinsesa ng Odnum. Ito ang mahiwagang kwintas na balang araw ay gagamitin ng prinsesa upang magbalik sa kaayusan ang buong kaharian.

“Hindi pa ito ang tamang oras para ibigay sa’yo anak ang kwintas na ito,” mahinang turan ni Merla. Kinakausap ang natutulog na si Ynnah na itinuring na niyang tunay na anak.

“Hindi pa ito ang tamang oras upang malaman mo ang tunay mong pagkatao,” sabi pa nito. “Pero nararamdaman kong malapit nang dumating ang oras na iyon.”

Napaisip naman siya kung kamusta na ang kaharian ng Odnum ngayon. Ano na nga kayang nangyari sa kaharian ng Odnum buhat ng sila’y umalis dito labing-anim na taon na ang nakakalipas?

Sa kaharian ng Odnum…

“Mahal na Reyna Victoria, ayaw pong magtrabaho ng ibang mamamayan. Nahihirapan na sila dahil sa matinding init na nararanasan,” ulat ng isang kawal.

“Kung ganun, pahirapan ang mga suwail!” utos ng reyna.

Hindi na kinikilala ang kahariang Odnum ng iba pang kaharian simula nang mahati ito sa apat. Bagama’t nananatili paring reyna si Victoria dahil sa kapangyarihan niyang taglay. Sa ngayon, ang loob ng palasyo ay madilim at nakapangingilabot. Walang ginagawa si Reyna Victoria kundi kamkamin ang mga yaman ng buong kaharian at ipunin sa ilalim ng palasyo kung saan nandoon lahat ng mga ginto at kayamanan.

Araw-araw din ay nakatatanggap ang reyna ng iba’t ibang mga suliranin at problema. Talaga ngang nawalan na ng pagkakaisa sa buong kaharian. Punung-puno na ito ng karahasan.

The Princess and the Puto (Fantasy Romantic Comedy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon