KAAALIS lang ng bus ni Dolphin at ng mga kasama niyang grupo ng volunteer workers sa East Sun University. Habang nasa biyahe siya ay nagba-browse siya sa iPad niya ang website ng Fancy Souvenirs, isang online accessory shop, para sa ireregalo niya kay Madison, salamat sa Wi-fi ng bus na iyon. Dahil sa pagiging abala niya sa kung anu-anong charity work ay hindi na niya naasikaso ang regalo nito, kaya nga tumulong na lang siya kay Haru sa paggawa ng cake nito bilang "installment gift" niya rito.
Mahilig sa bracelet si Madison kaya iyon ang napili niyang hanapin. Sa kaka-browse niya ay napunta siya sa page na may titulong "Infinity Bracelet". Natigilan siya nang makita ang litrato ng couples' bracelet na ibinebenta sa may kataasang halaga. Pamilyar sa kanya iyon.
Napasinghap siya. Ito 'yong couples' bracelet na nakita ko sa mga gamit ni Connor.
Kung gano'n, "Infinity Bracelet" pala ang tawag do'n. May nakita siyang link sa ibaba ng litrato na may titulong: Artist's Explanation. Pero nang i-click niya ang link ay ayaw niyong mag-load. Ang bagal kasi ng internet connection ng iPad niya.
"Dolphin."
Nilingon niya si Haru na katabi niya sa pandalawahang upuan ng bus na iyon. "Hmm?"
"Sorry."
Kumunot ang noo niya. "Para saan?"
"Kasi hindi na ko makakasama sa La Union."
Natawa siya ng mahina. "Huwag mo kong i-good time, Haru. Nandito ka na kaya bakit magba-back out ka pa?"
"Tinawagan ako ni Connor kanina."
Nawala ang ngiti niya. "Ha?"
Ngumiti lang si Haru, pagkatapos ay tinuro nito ang bintana sa tabi niya. Nanlamig ang katawan niya. Nanginginig ang kamay niya nang buksan niya ang kurtinang nakatakip sa bintana sa gilid niya.
Nahigit niya ang hininga niya nang makita si Connor na nakasakay sa passenger's seat ng gray convertible na minamaneho ni Riley. Nang makita siya ni Connor ay tumayo ito at sumigaw. Nabasa niya ang sinabi nito sa mga labi nito.
Stop the bus.
"Haru, pakikurot nga ako. Baka nananaginip lang ako da – aw!" reklamo niya nang hindi pa man din siya tapos magsalita ay kinurot na siya sa pisngi ni Haru. "Masakit, ha!"
Natawa si Haru. "Kasi hindi ka nananaginip."
Sapat na ang kumpirmasyon na 'yon para mataranta siya. Napatayo siya. "Manong, stop! Stop! Stop!"
Biglang pumreno ang bus at kung hindi pa siya nahawakan ni Haru sa baywang ay baka sumubsob na siya sa katapat niyang upuan.
"Okay ka lang?" nag-aalalang tanong ni Haru.
Hindi na siya nakasagot dahil sumakay na sa bus no'n si Connor. Inilibot nito ang tingin sa paligid, hanggang sa dumako ang tingin nito sa kanya. Nang bahagyang tumaas ang sulok ng mga labi nito, naramdaman niya ang paglukso ng puso niya.
"There you are, Dolphin."
Pilit niyang pinakalma ang sarili niya. "A-ano'ng ginagawa mo rito, Connor?"
Dumako ang tingin ni Connor kay Haru. "I will be Haru's replacement."
Tumango si Haru bilang pagsang-ayon. Pagkatapos ay yumuko ito at bumulong sa tapat ng tainga niya. "Nakiusap sa'kin si Connor kagabi na siya na lang ang sasama sa'yo sa La Union bilang kapalit ko. Pinagbigyan ko siya dahil alam kong siya ang gusto mong kasama at hindi ako."
Nag-init ang mga pisngi niya. "Hindi mo kailangang gawin 'to."
Umiling ito, saka masuyong tinapik ang ulo mo. "No. I want you to be happy. Huwag ka na iiyak uli, okay?"
Tumango siya. "Pipilitin ko."
Ngumiti lang si Haru at binitbit ang backpack nito. Tinapik nito sa balikat si Connor nang magkasalubong ang dalawa.
Nang makababa na si Haru ay inutusan niya ang driver na ituloy na ang biyahe. Habang naglalakad si Connor palapit sa kanya ay narinig niya ang impit na tili ng mga kaklase niyang babae.
Napayuko naman siya, lalo na nang maramdaman niyang nakatingin sa kanya si Connor. Nag-iinit ang mga pisngi niya.
"Can I sit beside you?" Narinig niyang tanong ni Connor.
Tumango lang siya. Hindi niya makontrol ang tibok ng puso niya kaya natakot siyang baka mautal lang siya sa harap nito, mahalata pa nito na kinikilig siya.
"Dolphin –"
Tinakpan niya ng mga kamay niya ang bibig niya, saka siya nagpanggap na naghihikab. "Inaantok ako, Connor. Matutulog muna ko kaya mag-headset ka na lang para 'di ka ma-bore."
***
NAPATITIG si Connor kay Dolphin habang pinapanood niya ito sa ginagawa nitong maingat na pagpapatong ng hollowblock sa isa pang hollowblock. Nasisikatan ng araw ang mukha nito kaya kitang-kita niya ang pagkislap ng mga butil ng pawis sa noo nito, subalit hindi iyon nakabawas sa kagandahan nito.
Again, he discovered another side of Dolphin.
Kadalasan ay parating naka-pustura si Dolphin. Parating halatang mamahalin ang suot nitong mga damit at mga abubot sa katawan. Pero ngayon, napaka-simple nito sa suot nitong asul na V-neck shirt at puting short shorts. Nakapusod lang din ang mahaba nitong buhok. At wala ring kolorete ang mukha nito.
Yet, she still managed to look very nice.
Nilingon siya ni Connor. "Connor, ano ba'ng ginagawa mo? Lagyan mo na ng semento 'tong mga hollowblocks."
Tumikhim siya para takpan ang pagkapahiya niya dahil nahuli siya nitong nakatunganga lang imbis na tumutulong dito. "Oo, pero sandali lang."
Bago pa makapagtanong si Dolphin ay hinubad na niya ang suot niyang bullcap at sinuot iyon dito para maprotektahan ito mula sa sikat ng araw.
Napayuko si Dolphin at inabala ang sarili sa pagkuha ng bagong hollowblocks. "Salamat."
Nilagyan naman niya ng semento ang ibabaw ng magkakadikit na hollowbocks gamit ang trowel. Gaya ni Dolphin ay may suot din siyang makakapal na kulay kremang gloves para maprotektahan ang kanya-kanya nilang mga kamay.
Mag-a-alas nuebe na ng umaga nang dumating sila sa La Union. Nag-almusal lang ang grupo nila saglit, pagkatapos ay dumiretso na sila sa relocation site na iyon kung saan maninirahan ang mga nasalanta ng bagyo ilang buwan na ang nakakalipas. Sa loob ng isang linggo, tutuloy sa isa sa mga model house do'n ang grupo ng mga volunteer workers.
"Connor, puwede mo ba kong sagutin ng maayos sa itatanong ko?"
Nilingon niya si Dolphin. Hindi niya napigilan na lalong magandahan dito dahil sa natural na pamumula ng mga pisngi nito dala marahil ng init. "Ano 'yon?"
"Bakit ka sumama rito? Hindi naman sa hinuhusgahan kita, pero hindi ikaw ang tipo ng tao na makikita sa mga charity work."
Natigilan siya.
Hindi niya alam kung paano sasagutin 'yon kung siya nga mismo, hindi alam kung bakit nakiusap siya kay Haru na siya ang pumalit sa puwesto nito. Hindi niya alam kung bakit iniwan niya si Madison sa espesyal na araw ng buhay nito para sundan si Dolphin.
Hindi niya alam kung paanong nagkapuwang sa puso niya kay Dolphin.
Mahirap tanggapin na pareho niyang mahal sina Madison at Dolphin. Naguguluhan siya.
Pero nang marinig niyang magkasama sina Haru at Dolphin sa isang malayong lugar, pakiramdam niya ay hindi siya makahinga. Nasasaktan siya. Hindi niya kayang makitang mapunta sa ibang lalaki ang babaeng pinakawalan man niya, labis na pagsisisi naman ang naidulot sa kanya.
"Dolphin... I don't want to be separated from you."
And that was first truth he told her ever since the night he took a step closer to her.
BINABASA MO ANG
He May Fall For Her (Complete)
RomanceHELLO Band Series 4: Dolphin has been chasing Connor the moment she laid eyes on him. Akala niya, madadaan niya sa tiyaga ang pagpapa-impress sa band member. Pero nang nalaman niya kung sino ang babaeng mahal ni Connor, na-shock siya. It's very unac...