Chapter 19

4.8K 159 9
                                    

"WALA akong ibang pagsasabihan ng nalaman ko, kung iyon ang dahilan kung bakit mo ko sinundan," walang buhay na sabi ni Dolphin kay Madison habang naghihintay sila ng elevator.

"Gusto pa rin kitang makausap, Dolphin," sabi ni Madison.

Humalukipkip si Dolphin para yakapin ang sarili niya. Bukod sa aircon ng ospital, pakiramdam niya ay nagyelo ang kanyang katawan dahil sa tono ng pananalita ni Madison.

Kahit na miss na miss na niya si Connor at masaya siyang makitang gising na pala ito, mas pinili niyang umalis agad ng kuwarto matapos niyang marinig ang pagtatapat ni Madison dito, dahil alam niyang iiyak na siya. Pero sinundan pa rin siya ni Madison.

But on second thought, what else could she lose?

"Sumunod ka sa'kin," sabi niya kay Madison nang hindi ito nililingon.

Dinala ni Dolphin si Madison sa fire exit ng ospital kung saan walang ibang tao. Hindi na siya nagtangkang sumubok na pumunta sa pampublikong lugar dahil alam niyang anumang oras ay bibigay na siya.

Pumuhit si Dolphin paharap kay Madison. Nakapaskil pa rin ang malamig na ekspresyon sa kanyang mukha. "Why do you want to talk to me?"

Mabilis na pumatak ang mga luha ni Madison. "I'm sorry, Dolphin."

Sumakit ang lalamunan niya sa pagpipigil umiyak. "For what?"

Matagal bago muling nagsalita si Madison. "I'm also in love with Connor."

Akala ni Dolphin, wala nang mas sasakit pa sa magmahal ng lalaking may mahal ng iba. Mali pala siya. Mas masakit pala ngayong nalaman niyang mahal din si Connor ng babaeng mahal nito. Buti sana kung ibang babae lang si Madison.

But Madison and Connor were stepsiblings. Their love for each other was taboo. Kung nagawang sumuway ng dalawa sa batas ng lipunan, malamang ay napakatibay ng damdamin ng mga ito para sa isa't isa. Sa mga drama na napapanood niya, hindi ba't sa huli ay nagkakatuluyan pa rin ang magkapatid na hindi naman magkadugo?

Do'n na tuluyang nagiba ang depensa ni Dolphin. Napaiyak na siya. "Madison, hindi puwedeng maging kayo ni Connor. Magkapatid kayo. Ipaubaya mo na siya sa'kin."

Humikbi si Madison. "Gusto ko, Dolphin. Maniwala ka. Kaya nga kahit masakit para sa'kin, sinuportahan ko ang relasyon niyo ni Kuya Connor. Kasi alam kong iyon ang tama. Sinubukan ko ring magustuhan si Haru. Pero sa huli, hindi ko pa rin magawang baguhin ang damdamin ko..."

"Pareho lang kayong masasaktan ni Connor," giit ni Dolphin. "Masasaktan din niyo ang mga magulang niyo. Handa ka ba sa magiging consequence ng pagmamahal na 'yan?"

Nagkaroon ng liyab ang mga mata ni Dolphin. "Kakayanin ko kung kasama ko si Connor. Alam kong hindi niya ko pababayaan."

"Paano mo naman nasabi 'yan?"

"Alam kong ako ang mahal ni Connor," matatag na sagot ni Madison.

Muli, nadurog na naman ang puso ni Dolphin. Pati yata ang kaluluwa niya ay unti-unti nang namamatay sa sobrang sakit na nararamdaman niya. "Ano'ng sabi mo?"

Nag-iwas ng tingin si Madison. "Alam kong mahal ako ni Connor. Nararamdaman ko 'yon. At... at alam ko rin na ginagamit ka lang niya para pagtakpan ang nararamdaman niya para sa'kin. Pero nanahimik ako kasi naisip ko, kung aakalain ng ibang tao na nagmamahalan kayo, hindi nila mahahalata na in love ako sa stepbrother ko."

Pagkatapos ng matinding sakit ay labis na hinanakit naman ang naramdaman ni Dolphin. Hindi siya makapaniwalang nagawa iyon ni Madison sa kanya. "Hinayaan mong paasahin ako ni Connor para lang pagtakpan ang feelings mo para sa kanya? I thought you were my friend, Madison!"

Naglakas-loob si Madison na salubungin ang tingin niya. May pagsisisi sa mukha nito, pero mas matindi ang determinasyon. "I'm sorry, Dolphin. Simula nang mahalin ko si Connor, ngayon lang ako naging totoo sa nararamdaman ko. The truth is, I've always envied you. Kasi hindi kayo magkapatid ng lalaking mahal ko."

Pagak na tumawa siya. Kailangan niyang pagaangin ang kanyang dibdib kundi ay baka mamatay siya sa labis na sama ng loob. "Tama ka. Hindi kami magkapatid ni Connor. Kaya mamatay ka sa inggit."

Gumuhit ang matinding sakit sa mga mata ni Madison. Bago pa niya bawiin ang sinabi niya ay tinalikuran na niya ito at naglakad na siya palayo. Pero pagsakay pa lamang niya sa elevator, napadausdos na siya ng upo saka siya umiyak ng umiyak.

He May Fall For Her (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon