NANG makita ni Dolphin sina Riley at Madison na parehong mukhang balisa sa tapat ng surgery room, nanghina na siya. Mukhang malala nga ang lagay ni Connor, at hindi niya alam kung kakayanin niya kapag may masamang mangyari sa binata.
Hindi siya umalis ng Pilipinas. Paano siya makakaalis ngayong alam niyang nasa kapahamakan ang lalaking mahal na mahal niya? Kahit ang mga magulang niya ay hindi siya nagawang pigilan.
"A-ano nang lagay ni Connor?" nanghihinang tanong ni Dolphin.
Sabay na napalingon sa kanya sina Riley at Madison, parehong blangko ang mukha.
"Inooperahan na siya," sa wakas ay sagot ni Riley. "Hindi pa lumalabas ang doktor simula kanina kaya hindi namin alam kung ano nang nangyayari."
Nanghina bigla ang kanyang mga tuhod at kung hindi lang siya nasalo ni Riley, baka natumba na siya.
"Hey, relax, Dolphin," sabi ni Riley kahit maging ito ay mukhang hindi rin relaxed. "Nahimatay din si Mommy nang malaman niya ang nangyari kay Connor, kaya binabantayan siya ni Daddy ngayon. Huwag ka nang dumagdag."
Tumango lang si Dolphin. Kaya pala wala sina Tita Carlota at Tito Matthew ro'n.
"This is all your fault, Dolphin..."
Napatingin si Dolphin kay Madison. Nangingilid ang mga luha nito subalit puno naman ng pang-aakusa ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. "What did you say?"
"Kasalanan mo 'to," mas malakas at mas galit na sabi ni Madison. "Kung hindi mo pinahirapan si Kuya Connor, hindi siya maaksidente!"
Mapait na ngumiti si Dolphin. Kinokontrol niya lang ang galit niya para kay Madison noon dahil magkaibigan sila. Pero ngayon si Madison na mismo ang bumangga sa kanya, hindi siya magpapatalo. "Sigurado ka bang ako ang nanakit kay Connor, Madison? Kung hindi dahil sa'yo, hindi mangyayari ang lahat ng ito!"
"Stop it!" galit na saway ni Riley sa kanila. "If you two have the energy to fight, why don't you just use it to pray for the success of Connor's operation?"
Parehong natahimik sina Dolphin at Madison, parehong napahiya dahil sa kanilang inasal. Gayunman, walang balak humingi ng paumanhin si Dolphin, at mukhang gano'n din naman si Madison kaya hindi na lamang sila nagkibuan.
Umupo si Dolphin sa waiting chairs sa labas ng operating room. Taimtim siyang nanalangin.
Connor, magising ka lang, hindi na kita iiwan. So please come back to me.
***
NANG imulat ni Connor ang mga mata, si Madison ang sumalubong sa kanya. Masakit ang buo niyang katawan at kahit nga mismo paghinga ay mahirap para sa kanya. Pero nang unti-unting nagbalik sa kanya ang kanyang memorya, bigla siyang inatake ng matinding takot. Tinangka niyang bumangon pero pinigilan siya ni Madison.
"Kuya, huwag ka munang kumilos," saway ni Madison sa kanya. "You need to rest more."
"Si Dolphin..." nanghihinang sabi niya.
Kumunot ang noo ni Madison. "Huh?"
Mas nilakasan niya ang kanyang boses. "Si Dolphin... did she already leave the country?"
Hindi niya alam kung bakit dumaan ang sakit sa mga mata ni Madison. "Kagigising mo lang mula sa aksidente, pagkatapos si Dolphin agad ang hinahanap mo?"
Sumakit ang ulo niya nang maalala ang nangyari.
Nang malaman niya mula kay Madison na aalis ng bansa si Dolphin, agad niyang pinaharurot ng mabilis ang kanyang kotse. Balak niyang puntahan si Dolphin at pigilan itong umalis. Kung kinakailangan niyang lumuhod sa harap nito, gagawin niya huwag lang siya nitong iwan.
BINABASA MO ANG
He May Fall For Her (Complete)
RomanceHELLO Band Series 4: Dolphin has been chasing Connor the moment she laid eyes on him. Akala niya, madadaan niya sa tiyaga ang pagpapa-impress sa band member. Pero nang nalaman niya kung sino ang babaeng mahal ni Connor, na-shock siya. It's very unac...