NAHIHIYA na si Dolphin sa kanyang ginagawa. Bukod sa suot niyang headband na may mga tainga ng pusa, may dala rin siyang tray kung saan nakapatong ang limang piraso ng cupcake ng na naka-box. May tali sa magkabilang gilid ang tray at nakasabit iyon sa kanyang leeg. Kulang na lang ay magsuot din siya ng placard bilang promotion ng kanyang tinitinda.
Ang paglalako ng cupcakes ni Dolphin ang naisip nilang taktika ni Connor. Mas maigi nang sila ang lumapit sa mga potensyal na customer.
Subalit wala pa ring gaanong bumibili kay Dolphin. Alas-otso pa lang ng umaga ay naroon na siya sa kalsadang iyon. Karamihan sa mga lumalapit sa kanya ay nagtatanong lang ng presyo. Kapag sinagot niya ng "twenty five pesos each po" ay aalis na ang mga ito. Ang ilang lumalapit naman sa kanya ay mga kalalakihang hinihingi ang kanyang pangalan at numero. Hindi niya pinapansin ang mga gano'n.
Pero nahihiling ni Dolphin na sana ay naroon si Connor para itaboy ang mga pumepeste sa kanya. Hindi kasi siya sanay sa gano'n.
Nasaan na ba kasi 'yang si Connor?
Nagpaalam kay Dolphin si Connor kanina. Ang sabi ng binata, sandali lang daw ito at may babalikan lang sa unit nito. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin ito.
"Miss, ano'ng pangalan mo?" pangungulit kay Dolphin ng isang binata.
Pilit na ngumiti lang si Dolphin. Mukhang nakuha naman ng lalaki na wala siyang interes makipagkilala kaya umalis na lang ito habang bubulong-bulong ng "suplada"
Binaling ni Dolphin ang atensiyon sa mag-ina na naglalakad palapit sa kanyang direksyon. Target niya ang limang taong bata. Naging totoo ang kanyang ngiti. "Hi, little boy! Gusto mo ng cupcake?"
Nangislap ang mga mata ng batang lalaki, saka tumingala sa ina. "Mama, gusto ko po ng cupcake!"
"Libre ba 'yan?" mataray na tanong ng matandang babae.
Marahang umiling si Dolphin. "Hindi po. Pero murang-mura lang po ang cupcakes namin."
"Magka'no?"
"Twenty five pesos po, Ma'am."
"Ang mahal naman!" eksaheradong bulalas ng babae.
Inakay na ng babae ang anak, at akmang lalagpasan na siya nang may kung sino'ng umakbay sa ginang – si Connor! Pero naka-disguise si Connor upang marahil hindi makilala ng fans. Nakasuot ang binata ng itim na wig sa ilalim ng bullcap, malalaking sunglasses, at gas mask. Gayunman, hindi maaaring maipagkamali ni Dolphin si Connor sa kahit sino.
"Misis, tikman niyo muna ang cupcakes na ibinebenta namin," masiglang pangungumbinsi ni Connor sa ginang. "Promise, makakalimutan niyo lahat – pati pangalan ng mister niyo!"
Natawa ang ginang, saka marahang kinurot si Connor sa tagiliran. Halatang nakagiliwan agad ng matandang babae ang binata. "Pilyo kang bata ka, ha!"
Aba, nagpapa-cute pa ang ale, matabang na sabi ni Dolphin sa isipan. Pero pinanatili niyang naka-paste ang pekeng ngiti sa mga labi.
Sa pambobola ni Connor sa matandang babae, bumili rin ang ginang na ikinatuwa ng anak.
"Ang tagal niyang nakipagbolahan sa'yo pero isa lang ang binili," paghihinanakit ni Dolphin nang makaalis na ang nakakainis na ginang kasama ang anak. Hindi rin niya alam kung bakit naiinis siya.
Natawa ng marahan si Connor. "Hayaan mo na. Ang mahalaga, bumili siya. Malay mo, kapag nasarapan silang mag-ina sa cupcake mo ay bumalik sila at bumili uli."
"Makikipagbolahan lang uli sa'yo 'yon."
Bahagyang kumunot ang noo ni Connor, pero nanatili itong nakangiti. "Hey, bakit may sumpong ka? May nangyari ba habang wala ako?"
Hindi rin alam ni Dolphin kung bakit siya naiinis sa pakikipagbolahan ni Connor sa ginang kaya iniba na lang niya ang usapan. "Saan ka ba galing? Bakit ang tagal mo?"
Nakangiting ipinakita kay Dolphin ni Connor ang dalang gitara. "May naisip akong bagong strategy."
Kumunot ang noo ni Dolphin. "Kakanta ka?"
Nakangiting tumango si Connor. Kinalabit ng binata ang gitara saka kumanta ng sa tingin niya ay original song dahil hindi pa niya iyon naririnig kahit saan. Connor's singing voice was deep and rich and gentle.
Gaya ng inaasahan ni Dolphin, nakuha ni Connor ang atensiyon ng mga tao sa paligid. Huminto ang kaninang mga nagmamadali para mapakinggan ang pagkanta ni Connor. Like her, everyone was in awe.
"Kaboses mo 'yong singer na si Connor! Ikaw ba si Connor?" usisa ng isang babae.
Binago ni Connor ang paraan ng pananalita – nilagyan ng punto ng mga Batangueno. "Aba'y bakit naman mapapadpad sa kalsada ang sikat na mang-aawit na gaya ni Connor?"
Pinigil ni Dolphin ang matawa. Samantalang umugong naman ang malakas na "oo nga" sa mga usisero. Hanggang sa mag-request ang mga ito na kumanta uli si Connor.
Itinaas ni Connor ang kamay upang patahimikan ang "audience". Tumalima naman ang mga tao. "Ako'y magkakaroon ng mini-concert dine. Aba'y ang ticket ay murang-mura lamang." Si Dolphin ay nginuso ng binata. "Bili lang kayo ng cupcakes sa magandang binibini, at maaari na kayong makapasok sa aking concert mamaya."
At dinumog si Dolphin ng mga customer.
BINABASA MO ANG
He May Fall For Her (Complete)
RomanceHELLO Band Series 4: Dolphin has been chasing Connor the moment she laid eyes on him. Akala niya, madadaan niya sa tiyaga ang pagpapa-impress sa band member. Pero nang nalaman niya kung sino ang babaeng mahal ni Connor, na-shock siya. It's very unac...