Silangan ng Liviron
Tagong tahanan ng mga natatanging Livin
Maraming taon na ang lumipas...
PAGHAHANDA SA HINAHARAP: ANG PANGITAIN NG KAMATAYAN
(Irama)
PINANOOD ko ang aking kamatayan. Ang kalikasan na aking kakampi mula sa simula, alay sa akin ngayon ang masakit na regalo. Nakalatag sa aking harapan ang enerhiyang nagsilbing salamin na naglalahad ng paparating na katapusan. Napakabigat sa dibdib. Binabalot ako ng takot at ang lakas ng katawan at puso ay ramdam kong humihina. Malakas ang negatibong enerhiya na hindi ko mapigilan ang pagsakop. Nais kong itanong sa kawalan kung bakit kailangan kong makita pa ang kalupitan? Bakit kailangan na akong pahirapan ng isang eksena sa hinaharap na parating pa lamang?
Napakahirap ngunit ito ang aking tadhana. Ang taglay kong kapangyarihan ay regalo at sumpa. At sa ganitong pagkakataon, ang kakayahan ng mga Livin na katulad ko ay malinaw na isang sumpa.
Pinanood ko ang aking kamatayan.
Sabay ng marahang pagpikit ay ang pagbaon ng jara sa aking dibdib. Sabay ng pagtulo ng luha ang pagtagos ng talim ng jara sa pusong mahabang panahong pinaghugutan ko ng lakas at kapangyarihan. Sa pusong lingid sa mga kaaway ay mas nauna ko nang isinuko. Wala nang silbi pa ang mahina nang puso ko. Nasaid na ang lakas at kapangyarihan nito. Maging ang takot na nanahan dito ay wala na rin.
Patay na ang aking puso.
Patay na ang pinagmumulan ng aking kapangyarihan bago pa man ako naikulong ng mga kaaway. Inakala nilang isang hakbang patungo sa tagumpay ang pagbihag sa akin. Nagkamali sila. Ang binihag nila ay isa nang mahinang Gabay. Ang binihag nilang Livin ay wala nang silbi. Ang binihag nilang Irama ay naghihintay na lamang ng tamang panahon.
Tamang panahon na matutupad ang pangitain ng kamatayan.
Kamatayang nang sandaling iyon ay dumating na...
Mas ibinaon ni Alzbeta ang jara sa puso ko. Ah, si Alzbeta, ang aking taksil na tagasunod. Higit sa masidhing kirot, mas ramdam ko ang malalim na lungkot. Ang pagpanig niya sa dilim sa kabila ng mga aral na itinuro ko ay isang kabiguan para sa akin na kanyang maestra.
Muli, tumulo ang aking mga luha. Sayang, hindi ko na malalaman pa kung saan ako nagkamali sa pagtuturo sa aking mga tagasunod. Kung bakit ang ilan sa kanila ay mas piniling pumanig sa dilim.
Marahan akong dumilat at ngumiti kay Alzbeta. "Cu um var nuri, Alzbeta," bulong ko, kasabay ng kirot at sakit sa aking dibdib ay kapayapaan. Wala na akong dapat isipin pa. Bago pa man nangyari ang araw na iyon, nagawa ko na ang dapat. Naihanda ko na ang Fedeo, ang aking mahal na apo at ang mga mortal na ang mga tadhana ay kaugnay ng mga Fedeo ng liwanag. Ang tanging gagawin ko na lamang nang sandaling iyon ay magpatawad.
Kapatawaran para sa taksil kong tagasunod.
Hinanap ko ang mga mata ni Alzbeta. "Nuri la er um var..."
Nagising sa tila pagkakaidlip si Alzbeta. Hindi na ako nagulat. Wala siya sa sarili. Hindi niya alam ang ginagawa. Ang puso ni Alzbeta, maaring sinakop ng mataas na negatibong emosyon, na naging daan para mapasok siya ng dilim. "Im...Im miezi...Im miezi—Cu..cu ir qui? Er vir... er vir mi—livien! Livien—"
"Alzbeta," pinutol ko na ang paghingi niya ng tulong. Sapat nang nakilala niya ako. Sapat nang nakita kong nagbalik siya sa dating sarili bago ko pa man isuko ang huling hibla ng aking buhay. "Shhh...Nuri la er um var..." ramdam ko na ang paparating na kadiliman.
"Livien!" paghingi uli ni Alzbeta ng tulong. Itinapon niya ang jara. Nakita ko ang pagtuwid ng likod niya at pagkuyom ng mga palad. Alam ko na ang susunod niyang gagawin, iipunin ang sariling enerhiya para mapaghilom ang sugat. Ngunit hindi na mangyayari ang hangad niyang mapagaling ako. Hindi iyon ang nakatakdang maganap.
Sabay nang pagsisimulang manlabo ng paningin ko ay ang pagpasok ang pinuno ng mga halimaw—si Drake. Tuloy-tuloy ang malalaki niyang hakbang palapit. Dinaklot ang buhok ni Alzbeta at hinila hanggang umangat sa ere ang mga paa ng livin. Sa eksaktong pag-awang ng bibig ni Alzbeta, ibinaon ng halimaw na Fedeo ang patalim sa leeg ng babae at marahas na hinila pababa—huminto sa ibaba ng dibdib ang patalim, iniwang hati ang puso ni Alzbeta.
Tumulo ang mga luha ko sabay ng paghinga nang malalim. Wala na rin si Alzbeta. Mas bumigat ang pagod nang puso ko.
Naramdaman ko ang paglapit ni Drake. Pinilit kong mag-angat ng tingin. May isa pa akong naramdamang presensiya—isang bagong enerhiya.
Pinilit kong ituon ang tingin sa bagong dating sa kabila ng patuloy na paglabo ng aking paningin. Narinig ko ang pagtawa ni Drake. Malapit na malapit na siya. Matagal ko nang naihanda ang sarili sa kalupitan ng halimaw na Fedeo. Pumikit ako, bumulong ng hiling sa huling pagkakataon. Hiniling ko sa mga diwata na ipakita ang katotohanang sagot sa mga tanong sa hinaharap.
Sabay ng isa pang malakas na halakhak ni Drake ang pagsugat sa dibdib ko ng matatalim na kuko ng halimaw. Ngunit bago pa nadaklot ng kamay niya ang puso ko, nahagip ng mga mata ko ang kislap ng liwanag. Pinagbigyan ng mga diwata ang aking huling hiling. Ilang segundong naging malinaw ang paningin ko at nakilala ko ang kumislap na singsing na suot ng isa pang Fedeo na nakatayo sa likuran ni Drake.
Itim at pulang bato...
Hindi na nagkaroon ng tunog ang mapait kong pagtawa. Naabot na ni Drake ang puso ko. Hinugot ng halimaw ang aking puso na ang kumikislap na dalawang kulay ng bato ang huli kong nakitang liwanag bago ang tuluyang pagsakop ng dilim...
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
VampirosClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.