ANG KASALUKUYAN: MATA NG LIWANAG AT DILIM
(Deane At Ruth)
Manila
NAKITA na naman ni Deane ang dalawang sanggol na parang nasa magkaibang lugar at panahon. May kakaibang bilog na liwanag sa noo ang bawat sanggol—puti at itim, katulad ng liwanag ng araw at dilim ng gabi. Ang puting liwanag ay kamuntik nang pumatay sa kanya sa bangungot. Hindi niya kinaya ang init. At nagising siyang nasa noo na ang markang iniwan ng liwanag.
Ang isang sanggol ay kagaya niya, taglay ang markang nagliliwanag. Isang kakaibang balat na nagpakita lang pagkatapos ng kanyang ikalabing-walong kaarawan—dalawang gabi pa lang ang lumipas. Balat na walang ibang nakakakita kundi siya at ang misteryosong lalaking dumating din sa mismong gabing iyon—sa kanyang bangungot—at ginising siya.
Dumating ang misteryosong lalaki at sinagip siya sa kamatayan.
Ngayon, naroon na naman siya sa parehong lugar. Alam ni Deane na hindi ordinaryong panaginip iyon. Pamilyar na pamilyar ang bumabangong pakiramdam sa kanyang dibdib.
Nakarinig si Deane ng ingay na papalapit. Parang ungol ng mga tumatakbong hayop. Nasa gubat ba siya? Gubat ang madilim na lugar na iyon. Kaya pala iba ang lamig. Ang mga dahon ng puno na tinatangay ng hangin, ibinabagsak sa balat niya ang hamog.
Umatras si Deane. Paatras nang paatras hanggang napasandal siya sa katawan ng isang puno. Ilang metro mula sa kanya ay tinatanglawan na ng liwanag ng buwan. Naglalagos na sa mga dahon ang sinag—at doon...nakita niya ang pinagmumulan ng naririnig niyang ingay.
Mga...mga halimaw!
Mga itim na halimaw na may babaeng bihag. Umiiyak at dumadaing ang babae. nakikiusap na pakawalan. Ang mga halimaw ay panay ang ungol na para bang natatakam sa gutom. Hindi rin nakaligtas sa mga mata niya ang umaagos na dugo mula sa babae. Kung tama siya, sugat galing sa matatalim na damo, halaman at sa mismong matutulis na kuko ng halimaw na may hawak rito nagmumula ang dugo.
Biglang napakubli sa puno si Deane nang may itim na itim na pigurang nag-landing na lang bigla sa gitna ng mga halimaw. Matangkad at itim na itim ang pigura. Hindi niya malinaw na maaninag ang mukha pero naramdaman ng dalaga ang panganib. At sa isang iglap, hinablot ng bagong dating na halimaw ang babaeng bihag. Bumaon sa bandang tagiliran ng bihag ang matutulis na kuko ng halimaw. At sabay ng pagkawala ng malay ng babae ang pagkislap ng nalaglag na kuwintas mula sa leeg nito.
Sa kung anong dahilan, sa kuwintas napatutok ang mga mata ni Deane. Pamilyar iyon. Hindi niya ipagkakamali sa iba dahil ang kuwintas ay...
Wala sa loob na umangat ang kamay niya at kinapa ang pendant ng kanyang silver necklace. Ang pendant na dahon...
Ang kuwintas ng babaeng bihag ay kuwintas niya!
"Ahh," napabitaw si Deane sa pendant at napahawak sa dibdib. Parang binayo ng kung anong marahas na puwersa ang puso niya. Sobrang lakas ng impact na parang nag-iwan ng lumalalim na kirot. Hindi siya handa sa masidhing sakit. Mayamaya lang, nagsisikip ang dibdib niya at hindi na siya makahinga!
Napasandal si Deane sa puno, naghahabol ng hininga. Wala siyang sakit sa puso pero ano'ng nangyayari? Bakit inaatake na yata siya?
"Ah...ahh...ahhhh!" hindi niya napigilan ang pagsigaw nang malakas nang parang sumabog ang masidhing sakit sa dibdib at kumalat ang sakit sa bawat himaymay ng kanyang laman. Para na siyang sinasakal. Mabibilis ang paghahabol ng hininga habang pinipilit tanggapin ang sakit. Sakit na pagkatapos kumalat ay parang inipon ang buong lakas sa isang bahagi lang ng katawan niya—sa gitna ng kanyang noo kung saan niya naramdaman ang kakaibang init kasabay ng matinding kirot. Buhay na naman ang liwanag...
Hindi na niya kinaya ang sakit. Nasilaw siya sa liwanag. Liwanag na parang hinigop lahat ng enerhiya niya sa katawan.
"T-Tulong..." nasambit niya nang unti-unting lumalabo na ang madilim na paligid.
May humawak bigla sa kanyang braso. Sa nanlalabong paningin, naramdaman ni Deane na sinuportahan ng isang braso ang nanghihina niyang katawan.
Buong-buong boses ng lalaki ang narinig niyang nagsalita. Pamilyar ang boses pati ang pantay na tono at ang hindi niya maintindihang mga salita. Ilang segundo pa, naramdaman niya ang parang lamig sa kanyang noo—sinasalubong ang nararamdaman niyang nakakapasong init. Mayamaya pa, lumapat na ang palad ng lalaki sa noo niya. Ganap niyang naramdaman ang lamig ng kamay nito.
Ramdam ni Deane ang unti-unting pagpayapa ng lahat sa kanya. Wala pa rin siyang lakas na suportahan ang sarili. Hindi niya alam kung saan galing ang puwersang mabilis na humigop sa lahat ng enerhiya niya.
"Wake up," bulong ng lalaki malapit sa tainga niya. Ramdam ng dalaga nakalapat pa rin sa noo niya ang palad nito. "Wake up, meera. Now..."
"R-Rikk Doome?"
Napapitlag ang dalaga. Hindi pantay ang paghinga. Maliwanag na maliwanag ang kuwarto. Nakasandal pala siya sa dalawang unan na nasa headboard ng kama. Pagyuko niya ay nakita ni Deane na hawak pa niya ang lapis. Nakapatong rin sa mga hita niya ang sketch pad na may bagong sketch—ang necklace na parehong-pareho ng necklace na may leaf pendant na suot niya!
Ilang segundong napanganga lang siya. Napatitig sa sketch na iginuhit niya habang binabangungot. At mula sa sketch, umangat ang tingin niya sa tatlong posters na nakadikit sa dingding. Tatlong posters sa iba't-ibang anggulo, lugar ng shoot, damit at ayos ng buhok. Sa unang tingin ay hindi agad makikilala na iisang tao lang ang modelo kung hindi lang sa necklace na suot nito.
Necklace na ang bilog na gold pendant ay hindi nawawala sa katawan ng modelo...
At sa mga matang buhay na buhay at parang tumititig pabalik kapag tinitigan.
Ang tagal na nakatulala lang si Deane sa posters; iniisip kung bakit hindi lang iisang beses nang nasa bangungot niya ang lalaking may ari ng mga matang iyon.
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
VampirosClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.