Part 17: Panaginip

1.3K 51 5
                                    

HINDI matahimik si Ruth. Parang lahat ng pandama niya, buhay na buhay. Nag-aabang ng kakaibang ingay, tunog o amoy sa paligid. Gusto niyang saktan ang sarili na nag-eexpect yata siya ng something na mangyayari. O siguro, hindi talaga tahimik ang isip niya kaya kung ano anong scene ang binubuo. Unang gabi kasi iyon na wala na sina Camille at Pearl. Hindi alam ni Ruth kung ligtas ba talaga siyang kasama si Aldrei Gucelli.

May umalulong na aso. Napabalikwas ng bangon si Ruth. Hindi siya nagmumura pero napamura ang dalaga. At nang ma-realize na ang alarm tone lang niya iyon—na tumunog dahil naka-set ng alas once ng gabi—oras na nagpapatawag si Fatty. Pareho silang naging busy sa mga nakalipas na linggo. Sanay na rin si Ruth na kapag nagbakasyon si Mar at magkasama ang dalawa, hindi nagte-text si Fatty. Isa sa mga pinag-aawayan ng dalawa ang sobrang pagdedemand ng atensiyon ng lalaki. Nakikipag-compete talaga ng atensiyon pati sa kanyang nanahimik na kaibigan.

Nag-ring ang unang dalawang attempt niya pero walang sumagot. Sa ikatlong attempt, naka-off na ang phone. Nagtaka si Ruth. Nag-eexpect ng tawag niya si Fatty, bakit biglang nakapatay na ang phone?

Sinubukan uli ni Ruth na tuwamag pero wala na talaga. Nag-text na lang siya—na mag-return call agad kapag nabasa ang message niya. Bumalik si Ruth sa kama, pinilit matulog pero hindi siya makaramdam ng antok. Parang buhay na buhay ang tibok ng puso niya. Pagpasok pa lang niya sa kuwarto kanina, ganoon na ang pakiramdam niya. Paano nga naman siya aantukin kung ganoon kalakas ang kabog sa dibdib niya. Hindi nga lang alam ni Ruth kung bakit hindi payapa ang puso niya.

Kape?

Hindi naman siya nagkape.

Bumangon na lang si Ruth, lumabas sa balcony at pinanood ang tahimik na bakuran—na may iilang ilaw pang nakasindi.

Umihip ang hangin, parang literal siyang sinakop ng lamig. Inayos ni Ruth sa katawan ang jacket. Nakabalot ang katawan niya pero parang tumagos pa rin ang lamig. Ilang segundo lang, naghanap na siya ng masasandalan—parang bigla, gusto niyang isandal sa kahit ano ang katawan. Naramdaman din ni Ruth na unti-unti nang naging payapa ang puso niya.

Ilang minuto pa, naghihikab na bumalik na si Ruth sa loob. Ilang segundo lang pagkahiga niya sa kama, nakatulog na si Ruth.

At nagising na naman sa kadiliman...

UMAAGOS na dugo ang unang nakita ni Ruth. Napaatras siya. Hindi alam ng dalaga kung paano siyang napunta sa lugar na may mga halimaw na nagsasaya. Walang tigil ang mga ito sa pag-ungol at pagkilos na parang nagpa-party. Nakapalibot ang matatangkad na nilalang na walang pang-itaas, butas butas at maruruming shorts at jeans ang pang-ibaba. Mga walang suot sa paa. Maiitim ang mukha ng mga mga halimaw, may mga balahibo rin. Parang mas pangit na version ng gorilla. May mga obvious na matutulis at mahahabang ngipin.

Umiikot ikot ang mga halimaw sa pinagmumulan ng dugo—na babae palang puno ng mga saksak sa katawan!

Muntik nang humiyaw si Ruth. Agad agad niyang natakpan ang bibig. Umatras siya nang umatras hanggang unti-unti siyang nakagawa ng distansiysa. Hindi napigilan ni Ruth na lumingon. Dinumog na ng mga halimaw ang babae. Kitang kita niya kung paanong nag-agawan ang mga ito sa pagdukot ng laman para kainin!

Bumaligtad ang sikmura ni Ruth. Napaduwal siya nang ilang ulit. Hindi niya alam na ang tunog na likha niya ang aagaw ng pansin sa isa sa mga halimaw. Ang isa, parang naramdaman siya—ang halimaw na nakasuot ng itim na hood. Hindi niya naaninag ang mukha nito pero ramdam ni Ruth na siya ang dahilan ng paggalaw ng ulo, kumiling sa direksiyon niya. Nanlamig ang dalaga nang maging malinaw sa kanya kung ano ang hawak ng halimaw—ang puso ng babaeng pinag-fifiestahan ng mga ito!

Ang babae ay...

Alay?

Tumakbo na siya na walang lingon. Walang pakialam kung nasaan ang lugar na iyon at kung saan siya dadalhin ng daan na napuntahan. Ang gusto na lang ni Ruth ay makalayo. Hindi ligtas ang lugar na iyon. Kumakain ng laman at puso ng tao ang mga halimaw. Nanganganib ang buhay niya!

Nagpatuloy si Ruth sa walang hanggang pagtakbo. Hindi na niya alam kung nasaan siya. Walang hanggang sukal at dilim ang sinusuong niya. Bumangga si Ruth sa matigas na bagay—katawan ng puno yata—bumagsak siya sa lupa.

Sabay lang ng pag-ungol niya sa sakit, naramdaman ni Ruth ang hampas ng hangin. Nilipad ng hangin na iyon ang hibla ng mga buhok niya. Ilang segundong para siyang sinakop ng hangin na mayamaya, napansin ni Ruth na may tangay na kakaibang scent—ang amoy na pamilyar sa kanya...

Ibinangon ni Ruth ang sarili. Naghanap sa paligid ang mga mata niya. Saan galing ang hangin na iyon? Ang mabangong amoy?

May naaninag siyang liwanag sa hindi kalayuan. Liwanag na parang nagmula sa isang bilog na kumikislap. Ilang segundo bago nakapag-adjust ang mga mata niya, nakita na ni Ruth kung saan galing ang liwanag—sa isang bilog na bagay na nasa dibdib ng isang matangkad na pigura.

Lalaki. Lalaking may mahabang buhok, malapad na mga balikat at matatag na tindig—iyon ang rumehistro sa isip ni Ruth. Naglakad ang pigura palapit, parang sa direksiyon niya papunta. Sa bawat paghakbang ng pigura palapit, mas lumalakas ang scent na naaamoy niya. Dala ba ng pigura ang bangong iyon?

Wala sa loob na lumapat sa sariling dibdib ang kamay ni Ruth. Bakit parang sumasabay rin sa paglapit ng pigura ang pintig ng puso niya?

Papalakas nang papalakas ang kabog sa dibdib ni Ruth. Hindi siya handa sa kakaibang pakiramdam. Lalong hindi handa si Ruth na makaharap ang pigura...

Nagising si Ruth, na naghahabol ng hininga.



Club Red 7: Aldrei (At All Times)  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon