MGA ten minutes nang nakatitig lang si Ruth sa binuksang email. Ang ikling message lang galing kay Juan Ibarra na hindi niya alam paano sasagutin nang hindi siya magsisinungaling.
Binibining Romero,
Sadyang mabilis ang pagdaan ng mga araw. Katulad ng isang batang naghihintay sa pagdating ng inaasam na regalo, ako ay paulit ulit na sumisilip sa listahan ng mga dumarating na liham. Inaasam kong makita ang isang nagmula sa 'yo.
Kumusta na ang ating proyekto?
Naghihintay,
Juan Ibarra
Ang lalim ng naging paghinga ni Ruth. Paano ba niya sasabihin kay Juan Ibarra na wala pa ni isa sa mga tanong sa questionnaire na mula rito ang may sagot? Na ang artist na sadya niya, wala nang ginawa kundi mag-isip ng paraan kung paano iiwasan ang interview. Kung ano anong diskarte ang ginawa para makaiwas, pinahirapan na siya't lahat, wala pa ring sinasagot sa mga tanong. Wala naman siyang choice kundi maghintay.
Kung may maganda mang nangyari sa ilang linggong lumipas na isiniksik niya sa rest house hanggang sa Sagada ang sarili, ang biyahe nila pabalik sa Baguio—nag-iisang scene sa sa pagitan nila na walang argumento. Nasabi na rin niya kay Aldrei ang totoo. Na may valid reason siya para ipagpilitan ang interview. Personal nga lang ang dahilan niya at walang kinalaman sa anumang rason ni Juan Ibarra kung bakit kailangan nito ng impormasyon.
Hindi man umimik, somehow, naintindihan na siguro ni Aldrei ang mga dahilan niya. Umaasa si Ruth na hindi na magiging mahirap sa kanya ang mga susunod na araw.
Ba't pa ako nag-iisip, si Ruth sa sarili. "Puwede namang magsabi na lang ng totoo," at nag-type siya ng reply.
Sir,
Please pray for me. :)
May sa terorista ang kalupitan ni Mr. Gucelli. Kung hindi lang sa Encantador at impormasyong ipinangako n'yo, hindi ko pagtitiisan ang artist na 'to. Parang pagod na pati kaluluwa ko. May bukas pa ba?
Malapit nang sumuko,
Ruth Romero
Napangiti si Ruth nang may dumating agad na reply galing kay Juan Ibarra.
Binibining Romero,
Ang bukas ay dumarating sa mga pusong hindi napapagod maniwalang possible ang lahat. May dalang pag-asa ang bawat bagong araw. Piliin mong mas kumapit kaysa bumitaw.
Juan Ibarra
Nag-reply uli sa email si Ruth. Sa mga ganoong palitan nila ng maiikling messages ni Juan Ibarra, gumagaan ang pakiramdam niya. Gustong isipin ni Ruth na sa likod ng kilalang pangalan ay isang mabait na tao.
Sir,
Thank you for inspiring my tired soul. :)
Ruth Romero
Napatingin si Ruth sa pinto nang may kumatok. Nawala agad ang ngiti niya. Dalawa na lang silang nasa rest house kaya sino pa ba ang kakatok sa guest room?
Aldrei Gucelli na 'makulay na taong grasa' ang inaasahang makita ni Ruth. Mali siya. Aldrei Gucelli na naka-black suit at malinis na naka-bun ang buhok ang pumasok. Napamaang si Ruth, kumurap pa siya nang ilang ulit para tiyakin sa sariling hindi imahe lang sa pantasya niya ang lalaki.
Hindi nawala sa harap niya ang artist sa ilang beses niyang pagkurap.
Hindi ito pantasya lang.
Ramdam ni Ruth na literal na tumigil saglit ang paghinga niya nang magtama ang mga mata nila.
Grabe siya! Nagbihis lang, nag-iba na rin ang pagkatao?
May wow effect ang biglaang transformation. Mas sanay siya sa rugged na artist, na ala 'guwapong pulubi' na lalabas sa studio na parang zombie lang, walang pakialam sa paligid. Bakit nang nagpalit ng pormal na damit, parang nagpalit din ng pagkatao?
Nakakatulala ang kaguwapuhan!
"Aalis ka?" wala sa loob na nasabi ni Ruth. Nakabawi na siya sa pagkatulala. Ang bilis niyang nagbawi ng tingin. Baka kung ano pang maisip niyang gawin kung magtatagal siyang nakatitig sa mga mata ng artist. May something kay Aldrei Gucelli na ang lakas ng hatak—kung ang titig o ang kabubuang dating nito, hindi niya alam.
Blangkong tingin lang ang ibinalik nito.
Rephrase naman agad ng tanong si Ruth. "Ibig kong sabihin, kung may lakad ka...mag-isa lang ako rito—wait, kumatok ka ba para paalisin na naman ako?"
"You can stay here," pantay na sinabi nito. "'Wag mo lang susunugin ang bahay ko o kasama kang matutupok ng apoy." At tumalikod na ang artist. "Walang ligtas na daan palabas."
Kinabahan si Ruth. "Pero babalik ka naman agad?" Baka isang linggo pa lang wala sa bahay ang lalaki, paano siya? Nakakulong rin ng isang linggo? Paano kung may emergency at kailangan niyang umalis? Paano kung hindi na nakatiis si Fatty sa wala sa lugar na pagseselos ni Mar—at nagkabugbugan ang dalawa? Hindi siya agad mapupuntahan ang kaibigan. Medyo marahas ang scene sa utak ni Ruth. Agad niyang itinaboy ang masamang iniisip. Nag-PM naman si Fatty na tatawagan siya kapag napalitan na ang nabasag na cell phone. Kaya pala hindi niya matawagan, nabasag daw ang cell phone. Saka na lang daw ang detalye kung bakit nabasag. Ang kutob ni Ruth, may kinalaman si Mar.
"Midnight."
"Midnight pa? Baka may mabasag pa ako sa bahay mo, beast mode ka na naman. 'Sama na lang ako pagbaba mo. 'Tapos, drop off mo na lang ako kahit saan sa city proper. And...kung okay lang na...after ng event mo, meet tayo somewhere para 'sama uli ako pabalik?" agad agad na dinugtungan ni Ruth ng silent prayer—na sana pumayag ito sa suggestion niya. Hindi siya comfortable na maiwan. Malay ba niya kung may mga spirits pala sa bahay na iyon? O sa mga paintings? Na tahimik kapag nasa bahay si Aldrei, at magpaparty kapag wala ang artist at siya lang ang naiwan?
Hindi niya pinangarap makita ang sarili na heroine sa isang horror story!
May problema nga lang sa suggestion niya. Papayag si Aldrei na isabay siya papuntang city proper, pero pabalik sa rest house? Sigurado si Ruth na mas gugustuhin nitong takasan siya kaysa pick-up-in.
"Okay."
At lumapat ang pintong nilabasan ng artist.
Napatitig si Ruth sa pinto.
Okay?
Tama ba ang intindi niyang pumayag si Aldrei sa suggestion niya? O baka sinabi lang para maging 'smooth' ang paglabas niya ng rest house. At kapag nakalabas na siya, hindi na siya babalikan sa lugar na usapan nila. Tatambay na naman siya sa labas ng gate at hindi na naman ito magbubukas hanggang manigas na lang siya sa lamig.
Hindi nakatiis, humabol si Ruth.
"Mr. Gucelli?"
Mga apat na hakbang na ang layo nito sa pinto. Huminto ang artist pero hindi lumingon.
"Okay? As in...okay talaga?"
"Five minutes," ang sinabi nito. "Aalis ako, nasa kotse ka man o wala."
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
VampirosClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.