Part 24

1.2K 53 7
                                    

LAMPAS alas nuebe na nang nagising si Ruth nang sumunod na araw. Magaan na ang pakiramdam niya. Umasa siyang magiging maganda ang araw na iyon pero basta na lang pumasok si Aldrei—galit na naman sa mundo at pinapalayas siya!

Nganga na naman si Ruth. Sermon na ang inabot niya. Wala daw itong oras sa kasamang ginugulo na ang dapat ay pananahimik nito sa kuwarto, mahina pa at kailangang alagaan. Bakit daw ang bilis niyang tamaan ng virus? Ano daw ba ang mga kinakain niya, mga walang sustansiya?

Gustong sumubsob ni Ruth sa mga unan at iuntog ang ulo. Ibang klaseng lalaki! Pati ba naman pananalakay ng cold virus, kasalanan pa rin niya? Sino bang may gustong magkasipon? Inaya ba niya ang mga virus na kapitan siya?

Napikon na naman si Ruth. Nabasag na agad ang pantasya niyang posible silang maging magkaibigan. Galit talaga yata sa mundo ang artist at parang bitamina ang manira ng araw. May urge si Ruth na ibato kay Aldrei ang jacket nito at mga guwantes pero nang maisip niyang nilamig nga namang ito magdamag kapalit ng payapang tulog niya—at isiniksik lang naman talaga niya ang sarili kaya magkasama sila—na-guilty si Ruth.

Tahimik siyang lumapit. Inabot niya kay Aldrei ang jacket na hindi sinasalubong ang tingin nito. Hinablot na lang ng artist basta ang jacket at isinuot. Hindi pinansin ni Ruth ang magaspang na kilos nito. Mas gusto niyang maniwala na panlabas lang iyon. Na hindi talaga masamang tao si Aldrei Gucelli. Kung bakit may ganoon siyang pakiramdam, hindi alam ni Ruth. Masama ang trato nito sa kanya pero hindi naman siya sinaktan. Hindi rin siya sinadyang pabayaang manigas sa lamig o sa gutom. Lagi man silang nagsasagutan, maayos ang lagay niya sa isa sa mga guest rooms. Pinapahirapan lang talaga siya nito kapag may kinalaman na sa interview.

Ang guwantes, hindi inabot lang ni Ruth. Gusto niyang ibalik ang pabor. Tinawid niya ang halos dalawang hakbang pa nilang pagitan. Sabay lang ng paggalaw ng paa nito para umatras—para ilayo ang sarili sa kanya—nahawakan na ni Ruth ang kamay ni Aldrei.

"Sorry," mahinang sabi niya, mas na-guilty na ang lamig pa rin ng kamay nito. Sa isip, na-imagine niya ang artist na lamig na lamig sa labas. Walang jacket at guwantes dahil suot niya. Nahimbing ang tulog niya habang ito, nagtiis ng lamig. May karapatan nga naman ito na magalit.

Binawi ni Aldrei ang kamay pero kinuha iyon uli ni Ruth; isinuot niya rito ang guwantes. Sa isa pang kamay, hinayaan na siya nito. Hindi na tuminag nang isinuot niya ang isa pang guwantes. "Thank you," saka siya nag-angat ng tingin. Si Aldrei naman ang mabilis na nag-iwas ng tingin. Tinalikuran siya at mabilis na lumabas ng kuwarto.

Buong araw nang naiwang mag-isa si Ruth.

Lumabas siya para maghanap ng kausap pero wala sa kabilang kuwarto si Abby. Hula niya, nasa labas ito kasama si Azir. Lumabas na lang din si Ruth at naghanap ng makakainan at maglibot na rin. Papadilim na nang bumalik si Ruth sa guest house. Nasalubong niya si Abby na lumabas naman ng kuwarto. Sa ngiti nito, nahulaan na niyang hindi mag-isa.

"Sasabay ka sa amin bukas?" tanong ni Abby sa kanya. "Madaling-araw daw ang alis namin sabi ni Chef Az."

"Si Aldrei ba nandito pa?" buong araw niyang hindi nakita ang artist. Walang idea si Ruth kung nasa Sagada pa o bumalik na ito ng Baguio. Hindi rin kasi nagbaba ni isang gamit. Kung kumuha ng ibang kuwarto o nasa kotse lang ang gamit, hindi sigurado ni Ruth.

"Nandito pa," ngiti ni Abby. "Nasa parking area pa kaninang dumating kami 'yong kotse niya. Sabay rin siguro tayong lahat pauwi bukas?"

"Baka nga..."

"Sasabay ka sa amin?"

Mabilis na nagdesisyon si Ruth. "Na-miss ko nang pikunin si boss, kamahalan, sir," ngisi niya. "Sasabay ako sa kanya at wala siyang magagawa!"

Bumungisngis rin si Abby. Nagtaas ng kamay para makipag-high five sa kanya. "Good luck!"

"'Pag dumating siyang mag-isa sa rest house bukas, alam mo na. Ipa-rescue mo ako sa mga bangin sa daan. Do'n niya ako siguradong itinapon."

Natawa si Abby. "Hindi siguro siya kaibigan ni Chef Az kung masama siyang tao."

Napatitig si Ruth kay Abby. Kung may sapat lang siyang oras, kikilalanin talaga niya ang artist. Pero kung ang interview nga hindi niya mai-push at malapit na ang deadline, paano pa siya magkakaroon ng oras na kilalanin ito?

Huhulaan na lang niya habambuhay ang kuwento sa likod ng malulungkot nitong paintings.

Club Red 7: Aldrei (At All Times)  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon