Fair lang, sa isip ni Ruth. Hindi na lang siya ang naasar ng sandaling iyon—dalawa na sila. Sa mga araw na lumipas, natiyak ni Ruth na walang balak ang artist na gawan siya ng masama. Ang gusto lang din nito, takasan ang interview. Ang 'kalupitan' nito, paraan ni Aldrei para labanan ang 'kakulitan' niya. Ang kutob ng dalaga, nakiusap si Camille na pagbigyan siya. Hindi siguro matanggihan ng artist. Ginagawa nito ngayon lahat ng paraan para siya na ang kusang sumuko at umalis. Naisip pa nga ni Ruth, may something kina Camille at Aldrei. Para kasing may itinatagong pain si Camille. Parang nasasaktan. Kung mas nagtagal pa sana ang mag-Tita sa bahay, baka naging close pa sila.
Naging komportable sana siyang magtanong ng mga personal na bagay. Walang chance na kay Aldrei Gucelli siya makakuha ng impormasyon. Baka utusan na siya nitong hukayin at bunutin sa lupa ang bawat haligi ng bahay at mag-isa niyang ilipat sa ibang lugar—kapag nagawa niya at buhay pa siya, baka saka lang siya bigyan ng chance na magtanong.
Ilang minutong nag-abang siya ng ingay sa labas. Wala siyang narinig na kahit ano. May sa pusa talaga si Aldrei, walang tunog ang mga hakbang nito. Nakakalapit at nakakalayo nang walang tunog. Ramdam niyang nasa labas pa ang lalaki. Hindi siya lalabas hangga't hindi napapayapa ang tibok ng puso niya.
Hindi nga lang handa si Ruth sa ganti ng artist kinabukasan—paglabas niya ng kuwarto para kumuhang tubig, magulo pa ang buhok at wala pang hilamos—bigla na lang may humila sa kanya. Bago pa nakabawi ang bagong gising niyang diwa, lapat na lapat na sa dingding ang likod ni Ruth. Hostage na siya ni Aldrei. Hawak ng nakaguwantes nitong kamay ang dalawang braso niyang itinaas ng ilang inches mula sa kanyang ulo.
Na-shock si Ruth. Literal siyang nakanganga. Hindi siya handa sa 'atake' ni Aldrei. Akala niya, nag-move on na ito sa nangyari kahapon, hindi pala. Naghintay lang ng tamang pagkakataon—sa moment na hindi siya handa.
Parang tumalon ang puso ni Ruth nang magtama ang mga mata nila. Hindi niya na-realize agad ang lapit nito. Kaya pala bawat inhale niya, kasama ang bango nito. At ang guwapong taong grasa na bagong ligo ngayon, may iba sa titig. Ramdam ni Ruth na may binabalak gawin.
"A-Ano'ng gagawin mo—" hindi na natapos ni Ruth ang sasabihin. Napapikit na lang siya nang bigla nitong ibinaba ang mukha. Gusto niyang tumili at magpalamon sa pader nang sabay. Parang nag-shut down ang utak niya sa naisip na posibilidad na parurusahan siya nito ng halik—na maling mali pala. Ang naradaman ni Ruth, mga basang malambot na bagay ang humaplos sa mukha, sa leeg pababa sa katawan niya nang ilang ulit bago nawala.
Pinalaya na rin ni Aldrei ang mga braso niya.
At wala nang nagawa si Ruth kundi tumili sa pagkaasar nang makita niya ang hawak ni Aldrei habang balewalang naglalakad pabalik sa studio nito—tatlong paint brushes na may iba't ibang kulay. Pininturahan lang naman siya ng baliw sa mukha at katawan!
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
مصاص دماءClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.