SUNOD SUNOD ang pagsagap ni Aldrei ng hangin. Walang bahagi ng katawan niya ang hindi masakit. Naliligo siya sa sariling dugo pero iilan na lang ang sugat na hindi pa naghihilom.
Nawalan na ng malay si Ruth. Tama nga si Irisha, balot ito ng proteksiyon. Malakas ang enerhiya at mahika. Walang nagtagumpay na saktan ito—iyon lang ang kailangan niyang makita—na ligtas si Ruth.
Bumangon siya at hinubad ang T-shirt na punit-punit at nagkulay pula na. Tumutok ang mga mata ni Aldrei sa mga kapatid na lumalaban. Salamat sa pagsalo ng mga ito sa laban niya, nagkaroon siya ng pagkakataong maibalik sa normal ang paghinga at makabawi ng lakas.
Sumugod ang isang bampira palapit sa kanya. Iglap lang, inikutan ni Azir at pinadaaan ng hiwa ng dagger. Pagkarating sa harap niya, sinalubong ni Aldrei ng malakas na pagtulak.
Lumipat kay Pierce ang tingin ni Aldrei.
Ah, Pierce Mcquirri...
Ang paboritong madirigma ni Devon sa Angel. Marahas. Mabilis. Walang awa kung pumatay. Doble ang nakikita niyang lakas at bilis ni Pierce. Hindi man umamin, bakas sa kilos na taglay na nito ang dugong nagbura sa kahinaan ng puso. Kung dugo ni Crystal o dugo ni Jean, hindi na gustong alamin ni Aldrei.
Dalawa laban sa apat. Hindi patas pero sapat ang lakas ng dalawang kakampi. Kung si Pierce ay pinalalakas ng dugo ng Chosen One, si Azir ay galit at paghihiganti ang apoy na nagpapainit sa dugo. Ilang dekada nilang hinanap ang grupong umatake kay Quirre bago ang kasal ng kaibigan kay Jerisse. Isa lang ang nasa bakuran niya ngayon. Hindi sasayangin ni Azir ang pagkakataong itarak sa puso ng hayop ang dagger ng Shadow.
Para kay Aldrei, kaligtasan ni Ruth ang una sa lahat.
Sa isang mabilis na galaw, nasa tabi na siya ng babae. Binuhat niya si Ruth at gamit ang pinakamabilis na galaw, inihatid niya sa loob ng bahay. Sa sofa sa living room niya iniwan ang walang malay na katawan nito.
Ibinababa ni Aldrei ang sarili at kinapa sa ilalim ng sofa ang dalawang specialized knives na gawa pa ng matatandang Ogor sa Ogoda. Walang nakakaalam na nagkalat sa iba't ibang bahagi ng rest house ang iba't ibang uri ng patalim.
Segundo lang, nakatayo na siya sa gitna ng pintuan. Kinabig ni Aldrei ang pinto at inilapat pasara. Ibinaba niya ang mga kamay, hawak ang mga patalim. Tumutok ang tingin niya sa gitna ng malawak na bakuran, humigpit ang hawak sa mga armas. Nakatutok ang tingin sa isa sa tatlong Feeders.
Inatake ni Aldrei ang isa sa dalawang kalaban ni Azir. Ilang segundong atake at depensa ang ginawa niya sa bagong mukhang Feeder. Sinalubong niya ang titig nito at ngumisi. Bilang niya ang saksak na tumama sa katawan niya kanina mula sa hayop. Walang kuwentang alagad ng dilim. Magaling lang umatake sa bagsak na kaaway.
"Ako naman ngayon, walang silbing alipin," ungol niya sa lengguwahe nila. Dumepensa at umatake ito pero hindi sapat ang bilis. Nahiwa niya ng mas maikling patalim ang braso at nahagip ng dulo ng mas mahabang armas ang mga hita nito. Umungol ang hayop, agad na dumistansya.
Tumilapon naman ang kalaban ni Azir, bagong mukhang Feeder rin. Hindi pamilyar. Naramdaman niyang nasa likuran na niya ang kaibigan.
"Welcome back to life, brother," si Azir, hindi pantay ang paghinga. Naglapat ang likod nila. Dark Feeder ang nasa harap niya. White Feeder ang nasa harap ni Azir. Tatlo na lang ang ang apat na Feeders kanina. Ang hayop na wawasakin nila ang puso nang gabing iyon, si Pierce ang kalaban. "Kumusta ang puso mo?" kasunod ang mahinang tawa. Kung nagkataon na wala sila sa laban, pinadaanan na niya ng hiwa ang katawan ng kaibigan. Alam ni Aldrei na sa ilalim ng takip sa mukha, ang lapad ng ngisi nito.
Ngisi rin ang sagot ni Aldrei. "I want the red-eyed beast."
"Yeah? But he's mine!"
Sabay silang lumayo sa isa't isa para salubungin ang sumugod na kaaway. Ramdam ni Aldrei ang pagbabalik ng buo niyang lakas. Mas malalalim ang hiwa at saksak na umaabot sa kalaban. Hindi na rin sapat ang lakas ng atake nito para pabagsakin siya. Hindi niya pagbibigyan si Azir. Uunahan niya ang kaibigan. Sa mga kamay niya magiging abo ang isa sa hayup na pumatay kay Quirre.
BINABASA MO ANG
Club Red 7: Aldrei (At All Times)
VampirosClub Red 7. Aldrei and Ruth. UNEDITED. Wattpad version.